OFW sa Hong Kong nag-text barrage para palahukin ang Migrante Party-list sa 2010

Text barrage sa mga komisyuner ng Comelec ang tugon ng mga OFW sa Hong Kong sa panawagan ng mga migranteng Pilipino sa iba't ibang bansa na patakbuhin ang Migrante Party-list sa halalan sa 2010. (Contributed Photo)
Nagsagawa ng text barrage ang mga OFW (Overseas Filipino Worker) sa Hong Kong para udyukan ang mga komisyuner ng Comelec (Commission on Elections) na payagang tumakbo ang Migrante Party-list sa halalan sa 2010.
“Patuloy na dudumugin ng text messages ang mga komisyuner ng Comelec hangga’t hindi tinatanggal ang Migrante sa listahan ng de-listed na mga party-list,” sabi ni Vicky Casia-Cabantac, tagapangulo ng Migrante-Hong Kong.
Ayon kay Cabantac, may 60 organisasyon sa Hong Kong na ang sumusuporta sa panawagang palahukin sa halalan ang Migrante, na may 23 tsapter sa iba’t ibang bansa.
“Hindi na pumapasok ang mga sulat ng protesta na aming ipinadala sa Comelec, matapos ipadala ang unang 40,” dagdag pa ni Cabantac.
Naniniwala ang grupo na sadyang hinaharang ang kanilang mga sulat ng protesta.
Noong Oktubre 13, inilabas ng Comelec ang En Banc Resolution No. 8679 kung saan kabilang ang Migrante sa 26 party-list na diniskwalipika mula sa halalan sa 2010.
Pero ayon sa Migrante Party-list, labag sa mga probisyon ng Party-list System Act at malinaw na biased laban sa Migrante ang nasabing resolusyon.
Nagsumite ng oposisyon sa Comelec ang grupo noong nakaraang linggo. Nangako silang ipagpapatuloy ang laban para sa karapatang bumoto at karapatan sa representasyon sa Kongreso ng milyun-milyong OFW.
“Hindi kami pwede ietsa-puwera ng Comelec, dahil dapat lang kaming magalit sa kanilang desisyon. Regular na magpapadala ng mga text message sa mga komisyuner ng Comelec ang aming mga miyembro para paalalahanan sila na may pananagutan silang maging patas sa mga OFW,” sabi ni Cabantac.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=4810













