Larawan at video: Isang linggong protesta para palahukin ang Migrante sa halalan, ikinasa
Ikinasa ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) ang isang linggong protesta para udyukan ang Commission on Elections na palahukin ang Migrante Party-list sa 2010 halalan.
Tinututulan nila ang Comelec En Banc Resolution noong Oktubre 13, 2009 sa dinidiskwalipika ang Migrante at 25 pang party-list. Umano’y labag ang nasabing resolusyon sa Party-list System Act at isang hakbang para patahimikin ang mga organisasyong kritikal sa administrasyon.

Sa Hong Kong, nagsagawa ng jogging ang mga domestic helper noong Nobyembre 8 bilang simbolo ng kanilang panawagan na patakbuhin ang Migrante Party-list. Inudyukan nila ang presidential aspirants na suportahan ang Migrante bilang "pagrespeto sa karapatan ng mahigit 10 milyong OFW," sabi ni Vicky Casia-Cabantac, tagapangulo ng Migrante Party-list sa Hong Kong. (Contributed Photo)
Samantala, mahigit-kumulang 150 kababaihan mula sa isang komunidad ng mga OFW sa Bagong Barrio, Caloocan City ang nagsagawa ng jogging at ehersisyo bilang simbolikong protesta.
“Ipinapakita ng aming pagtakbo na hindi kami magpapapigil sa malisyosong hakbang ng gobyerno na patuloy kaming imarginalisa. Matagal na naming ipinaglalaban ang aming mga karapatan. Hindi namin hahayaan ang atakeng ito sa aming organisadong tangka na sa wakas ay marinig ang boses sa Kongreso,” sabi ni Gina Gaborni, deputy secretary general ng Migrante International.
Panoorin ang video: (Kuha ni Ailyn Abdula)
Ang jogging at ehersisyo sa Caloocan City ang una sa serye ng mga kilos-protesta ng Migrante ngayong linggo, na lulundo sa isang rali sa harap ng Comelec sa Nobyembre 12.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=4924













