Makauwi sa Pasko, hiling ng 300 OFW

Repatriation ng kanilang mga mahal sa buhay ang hiling ng mga kamag-anak ng mga OFW, sa isang press conference sa harap ng Department of Foreign Affairs. (Contributed Photo)
Pagpapauwi sa kanilang mga mahal sa buhay ang hiling ng mga kamag-anak ng mahigit-kumulang 300 Overseas Filipino Workers (OFWs) na istranded sa ibayong dagat, partikular sa Gitnang Silangan.
Ito ang inihayag ng Migrante International sa isang press conference ngayon sa harap ng Department of Foreign Affairs.
“Ang gusto lang naming Kapaskuhan ay maramdaman ng aming mga mahal sa buhay ang init ng aming mga tahanan. Hindi kami magiging masaya sa sitwasyong patuloy ang aming pangamba sa buhay at kaligtasan nila,” sabi ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International.
Batay sa ulat ng Migrants Rights and Welfare Committee ng grupo, may 300 OFW ang nangangailangan ng kagyat na repatriation. Kabilang dito ang 89 Pinay caregivers sa Saudi Arabia na nakawelga dahil sa paglabag sa kanilang kontrata sa pag-eempleyo; 51 kababaihan, karamiha’y domestic helpers, na nasa deportation center sa Doha, Qatar na nilayasan ang kanilang abusadong mga amo; 50 runaway na nasa iba’t ibang deportation centers sa Saudi Arabia dahil nahuling hindi bitbit ang kanilang mga passport at dokumento sa pag-eempleyo; 71 seafarers na binihag ng mga pirata sa Somalia; at 16 OFW na nakakulong para sa mga krimeng hindi nila ginawa.
Kabilang din sa pinapauwi ng Migrante ang bangkay ng tatlong Pilipino na nananatili sa mga morgue sa ibang bansa.
“Nakatitiyak kaming may libu-libo pang mga OFW na nahaharap sa kaparehong problema. Hindi lang nalalaman ang kanilang kaso dahil itinatago ng gobyerno. Ayaw ni Pangulong Arroyo na ipaalam sa taumbayan ang malalang epekto ng kanyang labor export program at ang kainutilan ng kanyang gobyerno sa pagprotekta ng mga OFW,” sabi ni Martinez.
Idinagdag ni Martinez na may mahigit-kumulang 100 OFW ang “nagmamakaawang makauwi” sa bawat kanlungan (temporary shelters) para sa mga OFW na ipinapatakbo ng mga opisina ng Philippine Overseas Labor Office at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa ibang bansa.
Iginiit ng Migrante na dapat gamitin ng OWWA ang P11.7 Bilyong pondo nito para sa repatriation at legal assistance ng istranded at namomroblemang mga OFW.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=5371













