Makasaysayang 10-araw na pambansang karaban ng magsasaka, ikinasa


Tumulak ngayong araw mula sa mga lungsod ng Davao at Cagayan De Oro ang “makasaysayang” 10-araw na pambansang karaban ng mga magsasaka. Pinamagatang “Lakbayan ng Anakpawis para sa Lupa at Katarungan,” pinangunahan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at Anakpawis Party-list ang pagkilos ng tinatayang halos 3,000 magsasaka na magmumula sa Luzon, Visayas, at Mindanao. Sa […]

Tumulak ngayong araw mula sa mga lungsod ng Davao at Cagayan De Oro ang “makasaysayang” 10-araw na pambansang karaban ng mga magsasaka.

Pinamagatang “Lakbayan ng Anakpawis para sa Lupa at Katarungan,” pinangunahan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at Anakpawis Party-list ang pagkilos ng tinatayang halos 3,000 magsasaka na magmumula sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

Sa kauna-unahang pagkakataon, sama-sama silang maglalakbay papuntang Mendiola para igiit ang tunay na reporma sa lupa, ayon sa mga organisador ng karaban.

“Maglalakbay ang mga magsasaka ng 10 araw para iparating ang kanilang pagtutol sa lumalalang kawalan ng lupa, masaker sa mga magsasaka, at pandarambong ng pondo para sa agrikultura. Magmamartsa sila’t sasakay sa mga dyip at barko,” pahayag ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano.

Ayon sa mambabatas, tagapangulo rin ng KMP, ang lakbayan ang “pinakamalakas na pang-uusig ng mga Pilipinong magsasaka” sa rehimeng Arroyo.

Bandang alas-kuwatro ng hapon, nagsagawa ng protesta sa Freedom Park sa Davao City ang mga delegado ng Lakbayan mula sa Southern Mindanao. Isang torch march papunta sa opisina ni House Espiker Prospero Nograles ang isasagawa para sa umano’y simbolikong pagsusunog sa batas na nagpapalawig sa “huwad” na Comprehensive Agrarian Reform Program.

Samantala, sisimulan bukas ng mga magsasaka mula sa mga probinsya ng Panay, Negros, Cebu, at Bohol ang karaban mula sa Visayas. Inaasahang magtatagpo ang mga delegado mula sa Mindanao at Visayas sa Enero 14 sa Calbayog City.

Sa Enero 16 naman magtatagpo ang mga magsasaka mula sa Kordilyera, Ilocos, Cagayan Valley, at Gitnang Luzon. Mula sa Hacienda Luisita sa Tarlac City, tutulak sila pa-Maynila.

Inaasahang darating sa Maynila ang mga magsasaka sa Enero 20, at magkakampo sa Department of Agrarian Reform bago tumulak patungong Mendiola sa Enero 22, ika-23 na anibersaryo ng masaker sa Mendiola.

Ayon sa Anakpawis, matuwid lamang ang isinasagawang karaban ng mga magsasaka, dahil sa tumitinding monopolyo sa lupa ng mga panginoong-maylupa.

Karamihan sa mga Pilipinong magsasaka ang umano’y nagbibigay ng kalahati ng kanilang ani sa mga panginoong-maylupa. Tinatayang 19 hanggang 21 porsiyento lamang ng kanilang kabuuang ani ang napupunta sa mga magsasaka, ayon sa grupo.

Samantala, mas masahol pa umano ang kalagayan ng mga manggagawang-bukid, na sumasahod lamang ng P20 hanggang P40 kada araw sa bawat anihan.

Nais din iparating ng Lakbayan sa publiko ang epekto sa mga magsasaka ng malawakang paglabag sa karapatang pantao. Ayon sa datos ng Karapatan, 561 sibilyang magsasaka na ang pinaslang simula 2001; habang marami pa ang napilitang lumikas sa kani-kanilang mga tahanan nang dahil sa militarisasyon sa kanayunan.

Sundan sa Twitter at Facebook ang coverage sa Lakbayan ng Pinoy Weekly, sa pakikipagtulungan ng May Day Productions.