Eleksiyong 2010: Malinis na paggogobyerno


Mula sa mas matataas na parusa hanggang sa pagbigay ng pabuya, may kanya-kanyang mungkahi ang mga kandidato sa pagkapresidente para masugpo ang korupsiyon at katiwalian sa gobyerno. Pero luma na ang mga mungkahing ito, at panatunayan sa nakaraan na hindi nasugpo ang korupsiyon.

Ito ang pangatlo sa serye ng mga artikulo sa Pinoy Weekly hinggil sa mga isyung bayan at ang mga paninindigan ng mga kandidato sa pagkapangulo hinggil dito. Maglalabas kami ng serye ng mga artikulong tulad nito hanggang sa bisperas ng eleksiyon sa Mayo 10, 2010. Layunin ng seryeng ito na ilantad sa publiko ang paninindigan at rekord ng bawat kandidato sa pinaka-mahahalagang isyu ng bansa. Batay dito, maaaring mahusgahan natin ang pipiliing kandidato para mamuno sa atin sa sunod na anim na taon.

* * *

Legacy ni Arroyo at ng nagdaang mga rehimen: Lantarang korupsiyon at kainutilan sa pagsugpo sa katiwalian sa gobyerno. (Contributed Photo)
Legacy ni Arroyo at ng nagdaang mga rehimen: Lantarang korupsiyon at kainutilan sa pagsugpo sa katiwalian sa gobyerno. (Contributed Photo)

Sino ba ang nagsasabing gusto ng korupsiyon? O, mas direkta, sino ba ang kandidatong aaming gusto niya sa pangungurakot at ayaw sa “malinis na paggogobyerno”?

Ayon sa isang online business dictionary, ang korupsiyon ay “pagbigay o pagtanggap ng bentahe sa paraang lehitimo, imoral at/o di sang-ayon sa tungkulin mo o sa karapatan ng iba.”

Tuwing halalan, bukambibig ng lahat ng mga kandidato sa pagkapangulo ang “malinis na paggogobyerno” at/o paglaban sa korupsiyon, ngunit hanggang sa kasalukuya’y wala pa ring administrasyon o pangulo magmula kay Emilio Aguinaldo hanggang sa kasalukuyan na makapagsasabing nasugpo niya ang salot ng korupsiyon sa burukrasya ng gobyerno.

Ito ay dahil mistulang bahagi na ng sistema ng paggogobyerno ang korupsiyon. Para manatili sa kamay ng iilan ang pampulitikang kapangyarihan at poder, hindi maiiwasan – at kinakailangan – ang korupsiyon.

Kung kaya’t hindi nakapagtatakang bagama’t bukambibig ng bawat kandidato sa pagkapangulo ang pagsugpo sa korupsiyon, walang isa sa kanila ang malinaw na nagpapahayag ng kongkretong plano para masugpo ang problemang mahigit isang siglo nang nakaugat sa paggogobyernong Pilipino.

Walang malinis

Dating pangulong Joseph Estrada, matapos maarestuhin sa salang pandarambong, noong Abril 2001.
Dating pangulong Joseph Estrada, matapos maaresto sa salang pandarambong, noong Abril 2001.

Sa totoo lang, karamihan naman ng pulitiko, sa ilang pagkakatao’y naakusahan ng isang porma ng korupsiyon. Pinakatampok na marahil dito si dating pangulong Joseph Estrada ng Partido ng Masang Pilipino, na napatalsik sa poder noong 2001 sa akusasyong tumanggap siya ng payola mula sa mga operator ng ilegal na jueteng.

Siyempre, nariyan din ang ipinupukol na pakikinabang diumano ni Sen. Manuel Villar ng Nacionalista Party sa proyektong ekstensiyon ng C5 Road. Ngunit kahit si Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III ng Liberal Party ay hindi maaaring magmalinis: Noong panahon ng administrasyong Aquino, sangkot ang kanyang mga kaanak sa samu’t saring transaksiyon na pinakinabangan nila pangunahi’y dahil sa kanilang koneksiyon sa pangulo noon. Kamakailan, ipinukol din kay Aquino at sa pamilya Aquino-Cojuangco ang maanomalyang pagpapadaan ng Subic-Clark-Tarlac Expressway sa gitna ng Hacienda Luisita.