Eleksiyong 2010: Malinis na paggogobyerno
Mula sa mas matataas na parusa hanggang sa pagbigay ng pabuya, may kanya-kanyang mungkahi ang mga kandidato sa pagkapresidente para masugpo ang korupsiyon at katiwalian sa gobyerno. Pero luma na ang mga mungkahing ito, at panatunayan sa nakaraan na hindi nasugpo ang korupsiyon.
Hindi naman maitatanggi ang pagkibit-balikat nina Gilbert Teodoro ng Lakas-Kampi at Sen. Richard Gordon ng Bagumbayan sa samu’t saring kaso ng korupsiyon na ipinukol sa kanilang malapit na kaalyadong si Pang. Arroyo noong huling siyam na taon. Kahit si Sen. Jamby Madrigal (Independent), minsan nang naging tagasuporta ni Estrada.
Kung sa usapin ng rekord, masasabing walang tampok na rekord ng anomalya ang ibang mga kandidato sa pagkapangulo na sina Eddie Villanueva ng Bangon Pilipinas, Nicanor Perlas (Independent) at Konsehal JC Delos Reyes ng Ang Kapatiran Party.
Kung kaya’t mainam na silipin ang kanilang inilalakong mga plataporma para sa malinis na paggogobyerno, nang mabigyan ng silip ang mambabasa sa ipinapangakong gagawin, kung mayroon man, ng mga kandidato kung sila ang mananalo.
‘Malaking isda’

Para kay Delos Reyes, pangunahing kailangan niyang gawin bilang pangulo ay kasuhan ang mga opisyal ng pamahalaan na naaakusahang sangkot sa mga maanomalyang transaksiyon. Tulad daw ng ginawa niya sa Olongapo City bilang konsehal, kailangan umanong “ipakita sa taumbayan na seryoso tayo sa laban sa katiwalian.”
Samantala, nakasaad naman sa plataporma ni Madrigal na itinataguyod niya ang isang “di-makasariling serbisyo na malaya sa korupsiyon, patronage, magkasalugat na interes, at pagkamal ng kita habang nasa gobyerno.” Tulad ni Delos Reyes, gagawin umano niya ito sa pamamagitan ng paglantad, pagtugis at pagparusa sa “big fish” na tiwaling mga opisyal, gayundin ang mga tumatanggap ng suhol, at naglalako ng impluwensiya.
Higit kay Delos Reyes, sinabi pa ni Madrigal na gagawa siya ng mga hakbang para protektahan ang whistleblowers, o iyong mga naglalantad ng katiwalian, gayundin ang mga grupong lumalaban sa korupsiyon.
Sa Senado kamakailan, tila sinampolan ni Madrigal ang kapwa senador na si Villar. Pinangunahan ni Madrigal ang paglantad sa diumano’y pakikinabang ng huli sa C5 Road Extension Project. Matindi namang dinepensahan ni Villar ang kanyang sarili sa pagsabing wala siyang kinalaman sa pagpapatayo ng proyekto at hindi naman dumaan sa kanyang mga kamay ang paglipat ng pondo mula gobyerno tungo sa mga may-ari ng mga lupaing dinaanan ng C5 Extension Road. Hanggang sa kasalukuyan, wala pa ring patas na imbestigasyon hinggil dito.
Pork Barrel at paghihigpit sa gobyerno

Para naman kay Perlas, layunin ng pagsugpo sa korupsiyon ang makapaglikha ng environment para makaakit sa lokal at dayuhang pamumuhunan.
Tulad ng nakaraang mga presidente at administrasyon ang tila dispalinghado nang neoliberal framework na pinagbabatayan niya: Sa pamamagitan umano ng dayuhang pamumuhunan magkakaroon ng sapat na trabaho para sa naghihirap na mga mamamayan.