Eleksiyong 2010: Malinis na paggogobyerno
Kabilang sa inilalakong paraan ni Perlas para masugpo ang korupsiyon: pagpalahok sa civil society groups para linisin ang burukrasya ng gobyerno at bantayan ang proseso ng paggastos at pagbili ng mga kagamitan ng gobyerno; pagbasura sa pork barrel; pag-angat ng efficiency ng mga korporasyon ng gobyerno para kumita; at iba pa.
Tatlong puntong plano naman ang inilalako ni Gordon para masugpo diumano ang korupsiyon. Una, amyendahan ang Saligang Batas para ihalal ng taumbayan ang Ombudsman. Kasalukuyan kasing itinatalaga lang ng pangulo ang Ombudsman. Ayon kay Gordon, kung pangulo lamang ang pumipili ng Ombudsman, tiyak na may utang-na-loob ang huli sa pangulo at hindi sa taumbayan.
Pangalawang hakbang ang pagpapatupad ng lalong mas malulupit na parusa sa mga napapatunayang nangurakot. Pangatlo, hindi umano magbibigay ng pardon ang administrasyong Gordon ng amnestiya sa sinumang nahatulan ng korte ng pangungurakot, tulad ng paghatol ng Sandiganbayan kay dating pangulong Estrada na binigyang amnestiya ng gobyernong Arroyo.
Samantala, sa papel na “In Response to People’s Concerns,” na siyang sagot ni Villar sa mas progresibong plataporma ng Makabayang Koalisyon ng Mamamayan (Makabayan) nina Reps. Satur Ocampo at Liza Maza, sinabi niyang pangunahing resulta ng paglala ng korupsiyon sa bansa ang hindi napapanagot ang kasalukuyang gobyerno sa mga anomalyang kinasangkutan nito.
“Para magkaroon ng good governance, mahalagang mapanagot si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at iba pang mataas na pampublikong opisyal at personalidad sa posibleng mga kaso ng pandarambong, pandaraya sa halalan, malawakang paglabag sa karapatang pantao at pagtatakip sa mga krimeng ito,” ayon sa papel ni Villar.
Iminungkahi rin ni Villar ang pagsasapubliko ng Statements of Assets and Liabilities ng mga pampublikong opisyal, nang sa gayo’y mabantayan ng taumbayan ang anumang maanomalya at di-maipaliwanag na paglaki ng kayamanan ng mga opisyal na ito. Bukod dito, plano din umano ni Villar na protektahan ang mga saksi sa mga katiwalian. Binigyang-diin din niya ang patuloy na kampanya para mabawi ang ill-gotte wealth ng mga Marcos.
Pagpaparusa at isentibo

Teodoro: Engganyo sa halip na parusa
Sentral na usapin din ang pagsugpo sa korupsiyon sa kandidatura ni Aquino. Para sa kanya, kailangang mabaliktad ang mga tiwaling prakitka nitong huling nakaraang siyam na taon ng administrasyong Arroyo para maituwid sa tama ang sistema.
Halimbawa nito ang pagbibigay ng pabuya ng gobyernong Arroyo sa mga naakusahan na nga ng korupsiyon, sa halip na pagpaparusa sa kanila. Sa ilalim umano ng administrasyong Aquino, masisigurong mapaparusahan ang mga napatunayang sangkot sa katiwalian.
Bagama’t kulang pa sa detalye sa kung papaano makakamit ni Aquino ang pagsugpo sa korupsiyon, sinabi niya sa publiko na nakikipagtulungan na siya sa mga tagapayo at eksperto para magbuo umano ng mga plano at timeframe para mahuli, maimbestigahan at makasuhan sa korte ang tiwaling mga pampublikong opisyal.
Samantala, naniniwala si Teodoro na hindi simpleng pagpaparusa ang kailangang gawin para masugpo ang katiwalian sa gobyerno. Aniya, kailangan ang taktikang “carrot and stick”: Hindi lamang pagpaparusa kundi pagpapabuya ang kailangang ialok sa mga opisyal ng gobyerno para mahikayat silang maging malinis, makatipid ng pondo at hindi mangurakot.
Para kay Teodoro, kailangang kilalanin ang reyalidad na may materyal na pangangailangan ang mga opisyal ng gobyerno kung kaya natutulak silang gumawa ng katiwalian. Para maengganyong di magnakaw, maaari umanong mag-alok ng mga pabuya sa mga opisyal na makakatipid ng pondo ng gobyerno at makakasugpo sa korupsiyon.
Sa lahat ng mga kandidatong nag-aalok na solusyon sa problema ng katiwalian sa gobyerno, tila walang naniniwalang hindi likas sa kasalukuyang sistema ng gobyerno ang katiwalian. Masusugpo ito, o mababawasan, kung magiging istrikto sa implementasyon ng mga batas, gagawing mas malupit ang mga parusa, o kaya magbibigay ng pabuya sa mga di nangungurakot.
Pero sa kasaysayan ng paggogobyerno sa bansa, hindi natin masasabing bago na ang mga mungkahing ito. Pero lalong lumalala ang korupsiyon. Sa patuloy na pangungunyapit ng iilang mayayamang pulitiko at pamilya sa gobyerno, hindi mahirap paniwalaang patuloy at magpapatuloy ang korupsiyon sa bansa.
Hindi mahirap isiping hindi masusugpo ito ng mga luma nang panukalang inilalako ng mga kandidato sa pagkapangulo.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=6430













