Eleksiyong 2010: Karapatan ng kababaihan, adyenda ba ng presidentiables?


Pang-ekonomiko at pampulitikang karapatan, paglaban sa karahasan, karapatan sa reproductive health – ilan ito sa mga isyung mahalaga sa kababaihan. Ano ang sey ng mga kandidato sa pagkapresidente?

Ito ang pang-apat sa serye ng mga artikulo sa Pinoy Weekly hinggil sa mga isyung bayan at ang mga paninindigan ng mga kandidato sa pagkapangulo hinggil dito. Maglalabas kami ng serye ng mga artikulong tulad nito hanggang sa bisperas ng eleksiyon sa Mayo 10, 2010. Layunin ng seryeng ito na ilantad sa publiko ang paninindigan at rekord ng bawat kandidato sa pinaka-mahahalagang isyu ng bansa. Batay dito, maaaring mahusgahan natin ang pipiliing kandidato para mamuno sa atin sa sunod na anim na taon.

Kababaihan noong Marso 8: Tampok na usapin ang karapatang pang-ekonomiya at pampulitika. Kahit sa araw ng kababaihan, nanawagan sila ng pagbaba sa puwesto ni Pang. Arroyo. (KR Guda)
Kababaihan noong Marso 8: Tampok na usapin ang karapatang pang-ekonomiya at pampulitika. Kahit sa araw ng kababaihan, nanawagan sila ng pagbaba sa puwesto ni Pang. Arroyo. (KR Guda)

Kung pag-uusapan ang karapatan ng kababaihan, higit sa tindig nila sa Reproductive Health Bill kailangang mahusgahan ang mga kandidato sa pagkapresidente. Kailangang silipin din ang kanilang paninindigan sa pagtaguyod sa karapatan ng kababaihan sa disenteng trabaho at makatuwirang sahod. Kailangang pag-usapan din ang akses ng kababaihan sa pangunahing mga serbisyong dapat na ibinibigay ng gobyerno.

Isa din sa sentral na mga usapin ng kababaihan ang pandarahas. Sa lipunang Pilipino ngayon, malawakan pa rin ang paniniwalang may takdang papel lamang ang kababaihan, at ito ang pagtaguyod sa tahanan at pangangalaga sa mga anak. Malawakan pa rin ang paniniwalang usaping dapat panatilihin sa tahanan ang pananakit ng lalaki sa kanyang asawa. Laganap pa rin ang paggamit sa bulnerableng katayuan ng kababaihan upang ipuwersa ang kagustuhan ng lalaki, takutin, pahiyain o paamuin ang babae.

Ito ang kultura at pulitika ng paglaban ng kababaihan, at sa punto-de-bista ng paglabang ito kailangang sipatin natin ang paninindigan ng mga kandidato sa pagkapresidente.

Usaping panrelihiyon pa rin

Sino ang maka-kababaihan?: Ang ilang sa presidentiables, sa isang pampublikong debate. Mula kaliwa, Nicanor Perlas, Gilbert Teodoro, Eddie Villanueva at Manny Villar. (Mula sa FB page ni Perlas)
Sino ang maka-kababaihan?: Ang ilang sa presidentiables, sa isang pampublikong debate. Mula kaliwa, Nicanor Perlas, Gilbert Teodoro, Eddie Villanueva at Manny Villar. (Mula sa FB page ni Perlas)

Tulad ng marami sa mga lider-pulitiko ng bansa, tinitingnan ni Nicanor Perlas ang usapin ng reproductive health bilang problema ng paglobo ng populasyon. Ikinokonekta niya ang paglobo ng populasyon sa kahirapan: Kung kaya ang pagtugon niya sa problema ng kahirapan ay pagtugon na rin sa problema ng paglobo ng populasyon.

Sang-ayon daw si Perlas sa pagbigay sa mga mamamayang ng opsiyon na gumamit ng contraceptives, ngunit tinututulan niya ang abortion. Sa kanyang plataporma, walang maaaninag na partikular na diin sa karapatan ng kababaihan, bagamat sinasabi niyang isa sa nilalaman ng kanyang plataporma ang gawing abot-kamay sa mahihirap – kabilang ang kababaihang maralita – ang lahat ng serbisyong panlipunan, tulad ng edukasyon, pag-agapay sa kalusugan, pabahay at trabaho.