Jericho March kontra dayaan sa halalan
Aabot sa 500 katao ang nagtipon sa tapat at pinalibutan ang tanggapan ng Commission on Elections sa Palacio del Gobernador sa Intramuros, Manila para manalangin at simbolikong buwagin ang “pader” ng pandaraya, pananatili sa poder ni Pang. Arroyo at iba pang nakaliligalig na mga posibilidad sa eleksiyon sa Mayo 10.
Tinaguriang “Jericho March,” hango ang pagtitipong ito sa kuwento sa Bibliya na pinamunuan ni Jericho ang pagbuwag sa mga pader ng Canaan sa pamamagitan ng panalangin at pag-ihip ng mga trumpeta. Bilang kilos protesta, sinisimbolo nito ang pagbuwag sa kasamaan at kawalan ng hustisya sa kasalukuyang panahon. Sa pagtitipon umano nito, kinokondena ng martsa ang pandaraya sa halalan, tangkang pananatili sa poder ni Arroyo, malawakang inhustisya at kahirapan, mga tangkang military takeover at iba pang banta sa bayan.
“Kinokondena namin ang walang habas na atake ng administrasyong ito sa mga mamamayang Pilipino, kabilang na ang demokratikong ehersisyo sa Mayo 10 na nanganganib na mauwi sa kalokohan,” sabi ni Fr. Joe Dizon, tagapagsalita ng Jericho March.
Iba’t ibang miyembro ng relihiyosong mga dominiasyon at organisasyon, kabilang ang mga obispo, pari, madre, laymen, kinatawan ng iba’t ibang Kristiyanong grupo, mga pulitiko, sosyo-sibikong mga grupo at mga militante ang lumahok sa naturang pagtitipon.

Pinangunahan ni Fr. Joe Dizon, tagapagsalita ng Jericho March, ang pagtitipon na nilahukan ng iba't ibang relihiyosong organisasyon at pananampalataya. (KR Guda)

Isa sa mga nanguna sa martsa si Bishop Teodoro Bacani, kasama ang mga kinatawan ng mga grupong Katoliko, Jesus is Lord Movement, mga protestanteng grupo, at iba pang relihiyoso. (KR Guda)

Dumaan ang martsa sa harap ng Manila Cathedral, na matatagpuan din sa harap ng Palacio del Gobernador kung saan ang tanggapan ng Comelec. (KR Guda)

Isa sa mga panawagan ng martsa ang pagpigil sa kasalukuyang administrasyon na manatili pa sa kapangyarihan. (KR Guda)

Pinalibutan ng mga relihiyoso ang tanggapan ng Comelec para simbolikong buwagin ang pader ng inhustisya at katiwalian diumano na bumabalot sa institusyong ito. (KR Guda)

Simbolikong pagbuwag ng "pader" ng katiwalian at inhustisya, sa mismong tarangkahan ng Palacio del Gobernador. (KR Guda)
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=7104













