Pinay sa UAE tatlong buwan na sa morge
Ras Al Khaimah, UAE – Mariing kinondena ng Migrante-UAE (United Arab Emirates) ang kabagalan ng Konsulado ng Pilipinas na aksiyunan ang pagkamatay ni Rahima Jamal, 19, na tatlong buwan nang nasa morge ng Saif Obaidullah Hospital ang bangkay.
“Talagang napakabagal ng ating Konsulado sa pagtulong sa ating mga kababayan. Ayon sa isang opisyal sa Konsulado, mayroon na umano silang death certificate ngunit ang problema kailangan pa umano nilang maghanap ng pera para makuha ang bangkay at maiuwi ng Pilipinas,” ani Noel Tolentino, tagapangulo ng Migrante-UAE.
Sinabi pa ni Tolentino na bukod sa agarang pagpapauwi sa bangkay ni Rahima, kailangan ding paimbestigahan at papanagutin si Mohammed Sala Sultan, amo ni Rahima, sa sinapit ng Pilipinang katulong.
Dapat din umanong kuwestiyunin kung bakit pinayagang magtrabaho sa UAE si Rahima gayong siya’y menor de edad na isang malinaw na paglabag sa Batas Paggawa ng UAE.
“Kailangan talagang kondenahin ang kapabayaan ng ating Konsulado sa ganitong mga kaso. Malamang kaysa hindi, kung sakaling nabuhay ang dalagita at iniulat ng kanyang amo na nagnakaw, sa kulungan pa marahil ang kanyang bagsak,” dagdag ni Tolentino.
Una nang nalathala sa pahayagang Khaleej Times ang pagkamatay ni Rahima. Nalaman na lang na patay na si Rahima dahil matagal na umano siyang hindi nakakausap ng kanyang mga kamag-anak sa Pilipinas.
Nagsagawa ng imbestigasyon ang pulisya ng Ras Al Khaimah ngunit wala namang nasampahan ng kaso. Wala ring opisyal na pahayag kung bakit hindi agad naiulat ni Sultan sa Konsulado ng Pilipinas sa Dubai ang pagkamatay ni Rahima.
Wala ring ibinigay na malinaw na dahilan ang Saif Obaidullah Hospital sa pagkamatay ni Rahima maliban sa mga “matitinding pinsala sa ulo.”
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=6910













