Migrante

Senatoriables at OFW, pumirma ng kasunduan


Pumirma ngayon ng kasunduan ang limang senatoriables at mga Overseas Filipino Worker, sa pangunguna ng Migrante International, sa isang 7-Point Migrants Covenant para sa pagtataguyod ng karapatan at kagalingan ng mahigit 10 milyong migranteng Pilipino. Sa isang press conference sa Quezon City ngayong araw, sumang-ayon sina Liza Maza (Makabayan/Nacionalista Party), Gwen Pimentel (NP), Apolinario “Jun” […]

Limang senatoriables, pumirma sa 7-Point Migrants Covenant. (Ilang-Ilang Quijano)
Limang senatoriables, pumirma sa 7-Point Migrants Covenant. (Ilang-Ilang Quijano)

Pumirma ngayon ng kasunduan ang limang senatoriables at mga Overseas Filipino Worker, sa pangunguna ng Migrante International, sa isang 7-Point Migrants Covenant para sa pagtataguyod ng karapatan at kagalingan ng mahigit 10 milyong migranteng Pilipino.

Sa isang press conference sa Quezon City ngayong araw, sumang-ayon sina Liza Maza (Makabayan/Nacionalista Party), Gwen Pimentel (NP), Apolinario “Jun” Lozada (Puwersa ng Masang Pilipino), Vicente “Tito” Sotto III (NP), at Gilbert Remulla (NP) sa mga kahilingan ng mga OFW, kabilang na ang pagpapanagot kay Pangulong Arroyo sa diumano’y “kriminal na kapabayaan” nito sa mga OFW at ang pangungurakot ng pondo ng OWWA (Overseas Workers Welfare Administration).

Mula kaliwa: Garry Martinez ng Migrante International, at tumatakbong senador na sina Liza Maza at Vicente Sotto III
Mula kaliwa: Garry Martinez ng Migrante International, at tumatakbong senador na sina Liza Maza at Vicente Sotto III

Nagkasundo rin ang senatoriables at Migrante na dapat ibasura ang OWWA Omnibus Policies, na malaki ang itinapyas sa serbisyong ibinibigay ng ahensiya sa mga migrante simula nang ipatupad ni Arroyo noong 2003.

Rerepasuhin din ng mga tumatakbong senador, sakaling maupo sa puwesto, ang mga Migrants Act of 200, na diumano’y nagpatindi ng polisiyang labor export ng gobyerno.

“Nananawagan kami sa lahat ng kandidato na ituring ang boto ng mga migrante na hindi lamang simpleng estadistika o kapirasong election returns, kundi isang malakas na mensahe na kailangang tugunan ang aming sitwasyon,” sabi ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International.

Noong 2009, umabot sa $17.3 Bilyon ang remitans na ipinadala ng mga OFW, na sinasabing nagsasalba sa ekonomiya ng bansa. Sa kabila nito, ayon sa Migrante International, pinababayaan ng gobyerno ang mga OFW, lalo ang inaabuso at nangangailangan ng tulong, at ginagawang gatasan sa pamamagitan ng iba’t ibang bayarin.

Sa nasabing covenant, nangako ang senatoriables na tanggalin ang mga “pabigat at di-makatarungan” na mga bayarin ng mga OFW, gaya ng documentary stamp tax. Nangako rin silang maghihigpit at paparusahan ang mga illegal recruiter at mga sangkot sa trafficking, lalo ng kababaihan at bata.

Ayon kay Lozada, dating kinatawan ng Negros Occidental, “Bagong bayani ang turing sa kanila, pero kadalasa’y lip service lang ito.” Naniniwala siyang dapat imbestigahan kung saan napupunta ang pondo ng OWWA.

Sinabi naman ni Sotto, dating senador, na kailangan ng “radikal na pagbabago” sa kasalukuyang sistema kung saan magkakahiwalay ang mga ahensiya ng gobyerno na tumutugon sa mga OFW. Ipinanukala niyang pag-isahin ang mga ito sa isang departamento, na may malinaw dapat na mandato para proteksiyunan ang mga migranteng Pilipino.

Para naman kay Maza, dapat panagutin ang mga opisyal ng gobyernong Arroyo sa pagpapabaya sa mga OFW, gaya ng 19 kababaihang OFW mula sa kompanyang Annasban na hanggang ngayo’y hindi pa rin nakakauwi ng bansa. Biktima ang mga manggagawa ng Annasban ng mga paglabag sa kontrata.

Kasama sa pinirmahang covenant ang pagpapauwi sa mga istranded at inabusong mga OFW, at pagbigay ng tulong legal sa mga OFW na nasa kulungan at death row.

Sinabi rin ni Maza, kinatawan ng Gabriela Women’s Party, na kailangang baguhin ang mga istruktura na nagpapahirap sa mga OFW.

Nakasaad din sa covenant ang pagbasura sa polisiyang labor export, at pagsulong, sa halip, ng pambansang industriyalisasyon at tunay na repormang agraryo para sa paglikha ng mga lokal na oportunidad at trabaho.

Dagdag pa ni Maza sa mga OFW na sumaksi sa pagpirma ng covenant, “Napaka-importante na organisado kayo, dahil mas maipaglalaban ninyo ang inyong karapatan, at mas pakikinggan kayo ng gobyerno.”

Hindi nakadalo sa pagpirma ng kasunduan sina Remulla at Pimentel, pero nagpadala ng kanilang mga kinatawan.