11 OFW inonse, nakauwi na
Dubai, UAE – Wala man nakuhang libreng tiket mula sa Konsulado ng Pilipinas at Philippine Overseas Labor Office-Overseas Workers Welfare Administration (POLO-OWWA), nakauwi na rin kamakailan ang 11 manggagawang inonse ng kanilang ahensiya at kumpanyang pinagtrabahuan.
Nangutang na lang sa mga kaibigan at mga kamag-anak sa Pilipinas ang mga manggagawang nagsampa ng demanda sa Dubai Labour Ministry laban sa Batimat Building Materials LLC, isa sa mga sub-contractor na gumagawa sa matayog na Infinity Tower sa Dubai Marina.
Halos tatlong buwan silang hindi sinahuran; namalimos sa mga kababayan at nanghingi ng mga itatapon sanang ulo ng isda para may makain; hindi ibinigay ang kanilang pataka (labour card); walang food allowance, hindi maayos ang pabahay at walang medical assistance. Pinalitan din ang kanilang kontrata–mula 1,500 dirhams kada buwan, ginawa na lang 1,200 dirhams ang kanilang sahod.
Hinarap naman ng manedsment ng Batibat sa opisina ng Labour ang mga manggagawang sina George L. Canas, 48; Eddie Simbario, 48; Moises Estibar, 25; Gilbert Tangco, 42; Romeo Parane, 41; Francisco Teñoso; Felix T. Buaya; Percival Cardel; Elmer Imperador, 35; Rolando Soriano, 39; Rodrigo Atiensa, 44.
Naibalik ang kontrata sa 1,500 dirhams subalit wala pa ring sahod at nagsimulang maghigpit ang kumpanya. Sa huli, nakatanggap sila ng memo na tanggal na sila sa trabaho.
Dismayado ang 11 manggagawa na mabagal ang pagtulong sa kanila ng Konsulado at POLO-OWWA.
Humingi na sila ng tulong sa Migrante-UAE at Human Rights Department ng Dubai na agad namang umaksiyon. Ilang beses na lumiham ang Migrante-UAE sa POLO-OWWA upang magkaroon ng diyalogo subalit hindi naman ito tinugunan ng naturang ahensiya.
Sa huli, napilitan na lang mangutang ang mga manggagawa sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan para makauwi lang dahil kanselado na ang kanilang visa.
Pinayuhan naman ng Migrante ang mga manggagawa na sampahan ng kaso ang Saveway International Manpower na nagrekluta sa kanila sa Pilipinas para mabawi ang ibinayad nilang P37,000 na placement fee, dahil bagamat nakauwi na sa Pilipinas ang mga manggagawa, utang naman ang kanilang kakaharapin.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=7659













