Pinoy Weekly

‘Diskriminasyon’ sa canvassing ng party-list, kinuwestiyon

Kinuwestiyon ng Bayan Muna ang umano’y “diskriminasyon” ng Commission on Elections at Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) laban sa mga party-list dahil sa mabagal na pagbilang at pagsasapubliko ng resulta ng canvassing ng mga boto para sa party-list.

Inanunsiyo ng PPCRV ngayong araw ang terminasyon ng kanilang canvassing; habang umalis sa Philippine International Convention Center ang National Board of Canvassers nang hindi nagbibigay ng malinaw na impormasyon kung ilang boto pa ang natitirang bilangin para sa mga party-list, ayon kay Bayan Muna Rep. Teddy Casiño.

Nauna nang inanunsiyo ng Comelec na posibleng iproklama ngayong linggo ang mga nanalo sa party-list, subalit may hinihintay pang mga certificates of canvass mula sa probinsiya ng Lanao del Sur. Umano’y kailangan munang makumpleto ang lahat ng mga CoC bago makapagdeklara ng mga nanalo sa party-list, dahil nakadepende ang bilang ng mga puwestong makukuha ng mga ito sa kabuuang bilang ng mga boto para sa party-list.

Ayon naman kay Bayan Muna Rep. Neri Javier Colmenares, dapat lamang na ideklara ng Comelec at PPCRV kung ilang boto pa ang natitirang bilangin para sa party-list.

“Baka maulit ang nangyari noong nakaraang eleksiyon kung kailan bumili ng boto sa ARMM (Autonomous Region for Muslim Mindanao) ang ilang party-list habang bulag ang buong bansa sa kung ilang boto pa ang natitira,” aniya.

Sinabi pa ni Casiño lalong nagiging bulnerable sa pandaraya ang mga party-list dahil sa pagtrato sa kanila ng Comelec at PPCRV bilang “second class candidates.”

Nadadagdagan din umano ang pagiging mardyinalisado ng mga party-list dahil dito.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=7538

Posted by on May 21 2010. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes