Pinoy Weekly

Aktibista sa Aklan, unang pinaslang sa administrasyong Aquino

Walang pang isang linggo ng pagkakaupo sa puwesto ni Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III, tila nagsimula nang muli ang ekstra-hudisyal na pamamaslang ng mga aktibista na tumampok noong administrasyong Arroyo.

Binaril sa harap ng kanyang inuupahang bahay sa Brgy. Estancia, Kalibo, Aklan si Fernando Baldomero, coordinator ng Bayan Muna sa Aklan at miyembro ng Sangguniang Bayan sa ilalim ng Makabayang Koalisyon ng Mamamayan (Makabayan).

Ayon sa inisyal na mga ulat, dalawang suspek na nakasuot ng mga maong na jacket at helmet ang nag-abang sa harap ng bahay ni Baldomero, saka siya binaril gamit ang .45 kalibreng baril. Apat na basyo ng bala ang natagpuan sa pinangyarihan ng krimen.

“Nananawagan kami ng kagyat na imbestigasyon sa posibleng pagkakasangkot ng militar o para-militar na mga death squad sa patuloy na climate of impunity laban sa mga kritiko ng gobyerno. Si Baldomero ang unang biktima–at siya dapat ang hui–ng ekstra-hudisyal na pamamaslang sa ilalim ng administrasyong Aquino,” ayon kay Bayan Muna Rep. Teodoro Casino, na tubong Aklan at malapit na kaibigan ng biktima.

Ibinunyag naman ni Satur Ocampo, tagapangulo ng Bayan Muna, na tinangkang paslangin si Baldomero noong panahon ng kampanya.

Noong Marso 19, dalawang kalalakihang lulan ng motorsiklo ang naghagis ng dalawang granada sa bahay ni Baldomero sa Brgy. Sta. Cruz Bigaa, Lezo, Aklan. Sumabog ang unang granada sa kusina. Hindi sumabog ang pangalawang granada na lumagpak sa kinalalagyan ng ama ni Baldomero.

“Bilang commander-in-chief, dapat kontrolin ni Pangulong Aquino ang militar at kanilang mga death squad na kinanlong [ng gobyernong Arroyo],” sabi ni Ocampo.

Inirekomenda ng Bayan Muna ang pagsususpinde sa Oplan Bantay Laya, programang kontra-insurhensiya na nagbabansag sa mga kritiko ng gobyerno bilang “kaaway ng estado.”

Gayundin, hinikayat ng grupo si Aquino na ipatupad ang mga rekomendasyon ni United Nations special rapporteur Philip Alston noong 2007, na binalewala ni Arroyo.

Si Baldomero ang ika-145 miyembro ng Bayan Muna na pinaslang.


Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=8127

Posted by on Jul 5 2010. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes