Zineulat

Buwang-wang ni Boss


Nagsimula ang kampuhan ng mga magsasaka sa Mendiola noong araw ng inaugurasyon ni Noynoy Aquino. Tila marami ang hindi nakababatid nito at kung bakit ito isinasagawa ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP). Bakit?

Nagsimula ang kampuhan ng mga magsasaka sa Mendiola noong araw ng inaugurasyon ni Noynoy Aquino. Tila marami ang hindi nakababatid nito at kung bakit ito isinasagawa ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP). Bakit?

Isa na rito’y nagkukumahog ang mainstream na midya sa pag-uunahan ng idadaglat sa napakahabang pangalan ng inawtomayted na pinuno ng bansa. Abala ang marami sa pagwang-wang ng “inaugural speech” ni Noynoy, na wala namang ipinagkaiba sa press release ng dilawang Malakanyang. Patalbugan rin ang mga kapitalistang istasyon sa pag-ere sa ilusoryong pagkakaisa ng mga magkakatunggaling naghaharing iilan (hal. mga artista ng ABS-CBN at GMA, nagkaisa para kay Noynoy). Kung gaano kadetalyado ang pagbabalita sa street party ng naghaharing dilawang politikal na pormasyon ngayon sa bansa, ganoon naman ga-kulangot ang inilaang atensiyon sa parliamentaryo ng lansangan (“parliamentary of the streets”) ng mga magsasakang patuloy na nananawagan para sa tunay na repormang agraryo. Kabilang rito ang malaon nang pag-udyok ng mga magsasaka at manggagawang-bukid ng Hacienda Luisita na bawiin na ng mga Aquino, pamilya ng mga panginoong maylupa, ang temporary restraining order sa desisyong ipamahagi na sa mga magsasaka’t manggagawan-bukid ng ang mga lupang nararapat sa kanila.

Ilang araw matapos ang “makasaysayang pelikula” ng taon – ang inaugurasyon ng ikalawang Aquino na pangulo – naganap ang isang mas “makasaysayang reyalidad” sa buhay at pakikibaka ng mga magsasaka, ang pinakamalawak na hanay ng puwersa ng produksyon sa bansa. Ito’y ang makasaysayang reyalidad ng pagbuwag sa hanay ng mga magsasaka – ang karahasan ng dispersal, ang pag-aresto at pagkulong sa mga magsasaka. Bagama’t may sentimiyento ang ilang bahagdan ng mamamayan na “masyado pang maaga para husgahan ang panguluhan ni Noynoy,” hindi ba’t mas nakababahala na masyado pang maaga para sa karahasan ng “bagong” gobyerno? Ang tila tahimik na transisyon ng kapangyarihan mula sa isang diktador tungo sa isang panginoong maylupa, sa katunayan, ay nagkukubli ng pinakamalakas na “wang-wang” ng represyon – ang tila tahimik na koersyon (coercion).

Titigil ang sasakyan ni Noynoy kapag pula ang ilaw ng traffic signal o stoplight. Uusad-pagong ito kapag berde. Nakaamba itong umandar kapag dilaw. At tulad ng metapora ng stoplight, ano nga ba ang pinipiling i-pula, i-berde at i-dilaw ng administrasyong Aquino?

Berde o takbo para sa mumunting bagay na ginagawang superlatibo, tulad ng wang-wang. Pula o hinto para sa mga adhikain ng kampuhan at iba pang porma ng parliamentaryo ng lansangan. At dilaw para sa lahat ng bagay. Tutal, sa depinisyon o pakahulugan ng mga kulay ng stoplight, nangangahulugan ang dilaw ng “proceed with caution.”

Habang nahuhuli sa kaniyang mga opisyal na lakad si Noynoy dahil sa suspensiyon ng pribilehiyo ng wang-wang, nagkakaroon ng paghanga ang ilan sa tila “pagbaba sa masa” at “pagpapakanormal” ng pinakamakapangyarihang tao sa bansa. Ang akto ng suspensiyon ng kapangyarihan ng wang-wang ay tila nagpapamalas ng pagiging isa o kaisa ni Noynoy sa lahat ng natatrapik sa bansa. Sa politika ng espasyo, ang ganitong aksyon ay mababasa bilang pag-angkop sa continuum o pag-usad ng magkakabit na oras at espasyo. Ang mga ahente at manlalaro sa isang oras-espasyo ay maaaring sumunod o lumabag sa mga patakaran ng isang takdang oras-espasyo. Sa kaso ni Noynoy, ang kaniyang “pagsunod” sa mga atas ng oras-espasyo ay tila pagsunod sa kahilingan ng pagkakapantay-pantay ng mga mamamayan.

Ngunit kung tutuusin, ang oras-espasyong binabanggit ay hindi naman ang itinakda ng mamamayan. Ito mismong oras-espasyo, ito mismong trapiko at lahat ng mga batas nito, ay binuo at pinasusunod ng estado na dinodomina ng mga malaking burgesya komprador at panginoong maylupa tulad ni Noynoy. Hindi nga ba’t kahit mahuli si Noynoy sa mga opisyal na lakad niya’y hindi naman siya kinagagalitan sapagkat siya ang boss! Habang ang mga nahuhuling payak at dayukdok na manggagawa’t mamamayan ay mamarkahang huling dumating, aawasan ng suweldo sa trabaho, at kagagalitan ng mga negosyante, bisor at ang kawil-kawil na hirarkiya ng mga boss, tsip, bostsip, ma’am at ser! Sapagkat suspindihin man o hindi ang wang-wang, maipit man sa buhol-buhol na trapiko si Noynoy o hindi, siya pa rin ang boss ng oras-espasyo ng estado’t negosyo.

Samantala, sa parliamentaryo ng lansangan naman, ang mamamayan ay lumilikha ng alternatibong oras-espasyo. Ang mga piket, rally, demonstrasyon at kampuhan ay mga alternatibong oras-espasyo na sumusubok, kundi man tumutuligsa, sa dominanteng oras-espasyo ng gobyerno, malaking burgesya komprador at panginoong maylupa. Itinuturing ng estado ang parliamentaryo ng lansangan bilang “kasiraan ng kaayusan,” “paghinto sa normal na operasyon,” “anarkismo ng lansangan,” at iba pang nomenklaturang nangangahulugan “kawalang kaayusan” para sa gobyerno.

Ngunit ang katotohanan ay marahas itong binubuwag ng nasa poder ng kapangyarihan sapagkat ipinakikita nito na ang “dominanteng kaayusan” ng gobyerno ng iilan ay ang tunay na kawalang kaayusan: kawalan ng kabuhayan, pangangamkam ng lupa, kawalan ng katarungan, at mga huwad na pangako. At ito ang tinututulan at nais paghandaang buwagin ng parliamentaryo ng lansangan: ang pagbuwag sa tunay na lumalabag sa normal na operasyon ng oras-espasyo ng kalakhan ng mamamayan – itong bulok na sistema ng anarkismo ng iilan.

Hulyo 5, 2010. 5:04am. Iba, QC.