Palakasin ang lokal na produksiyon, giit ng mga magbubukid


Ilang araw bago ang ikalawang State of the Nation Address (Sona) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nagkilos-protesta ang mga magbubukid at mangingisda upang ipakita ang kalagayan ng agrikultura sa bansa.

Pinuna ni Amihan secretary general Cathy Estavillo ang pagpapatuloy ng administrasyong Marcos Jr. sa mga patakarang lalong naglulugmok sa sektor ng agrikultura sa bansa. Larawan ni Deo Montesclaros.

Ilang araw bago ang ikalawang State of the Nation Address (Sona) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nagkilos-protesta ang mga magbubukid at mangingisda upang ipakita ang kalagayan ng agrikultura sa bansa.

Sa pagkilos sa harap ng Department of Agriculture sa Quezon City nitong Hulyo 18, ipinahayag ng Amihan, pederasyon ng mga kababaihang magbubukid sa bansa, na kailangan tutukan ng ahensiya ang kaseguruhan sa pagkain na nakabatay sa pagpapalakas ng lokal na produksyon sa halip na umasa sa importasyon.

“Sa bigas pa lang, imbes na tuparin ang pangako niyang P20 [kada] kilo, patuloy na tumataas ito sa mga palengke na hindi abot-kaya ng maralitang mamamayan,” wika ni Amihan secretary general Cathy Estavillo.

Pinuna rin ni Estavillo ang mga patakarang ipinagpapatuloy ng rehimeng Marcos Jr. na lalong naglulugmok sa mga magbubukid tulad ng Rice Liberalization Law na nagdala lamang ng pagkalugi sa mga magsasaka ng palay, patuloy na importasyon ng mga produktong agrikultural at kawalan ng production subsidy para sa pagpapaunlad ng lokal na produksiyon.

Matapos nito, naglunsad ng State of the Peasant Address (Sopa) ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Amihan at Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) sa University of the Philippines Diliman. 

Inihalintulad din ni Ramos ang Coco Levy Fund sa MIF na hindi malayong maging daluyan ng korupsiyon at pandarambong. Larawan ni Deo Montesclaros.

Ipinaliwanag ng mga magbubukid at mangingisda sa Sopa ang panawagan na bigyang prayoridad ang pagsuporta sa sektor ng agrikultura at ipahayag ang pagtutol sa pagpirma ni Marcos Jr. sa Maharlika Investment Fund (MIF) sa parehong araw.

“Hanggang ngayon, 51 years ng PD27 (Presidential Decree 27) [at] isang taon ni Marcos Jr., ito pa din ang panawagan: tunay na reporma sa lupa, lupa ay laya,” ani KMP chairperson Danilo Ramos.

Inihalintulad din ni Ramos ang Coco Levy Fund sa MIF na hindi malayong maging daluyan ng korupsiyon at pandarambong.

Sa Coco Levy Fund ng diktador na si Marcos Sr., binuwisan ang mga magniniyog sa pangakong gagamitin ang pondo para paunlarin ang industriya ng niyog sa bansa. Ngunit walang napala ang mga magniniyog dahil ginamit ng mga crony ni Marcos Sr. ang pondo, partikular sina Danding Cojuanco at Juan Ponce Enrile, para sa pansariling interes sa negosyo.

Dagdag pa dito, iminungkahi ng mga magbubukid ang “apat na dapat” solusyon sa krisis sa bigas sa bansa.

Iginiit nila ang pagpapalawak sa mga palayan at lupang sakahan para sa food production; pagbibigay ng ayuda, subsidy, at post-harvest facilities at irigasyon; pasiglahin ang lokal na produksiyon, hindi importasyon o liberalisasyon sa agrikultura; at pagpapatupad sa Genuine Agrarian Reform Bill at Rice Industry Development Act.

Nakatakdang lumahok ang mga organisasyon ng magbubukid at mangingisda sa malawakang pagkilos ng iba’t ibang sektor sa darating na ikalawang Sona ni Marcos Jr. sa Hulyo 24.