State of No Address
Hindi ko maiintindihan paano sisikmurahin ng kahit sinong kritikal na kabataan ang pinagsasabi ni Noynoy.
Hindi masasabi ni Aquino na nagkulang ang mga kabataan. Ang sabi niya sa kanyang SONA, huwag lang daw puro puna sa kanya, kundi magbigay ng kongkretong mungkahi. Ginawa ito ng mga kabataan. Tinukoy nila ang problema: hindi abot-kaya ang edukasyon para sa lumalaking bilang ng kabataan. Nagbigay ito ng mga mungkahi: tuition freeze, dagdag badyet sa edukasyon, at iba pa.
Pero ni isa dito ay hindi binanggit ni Noynoy.
Ang tanging mungkahi lang ng Haring Dilaw ukol sa edukasyon ay ang pagpapalaking papel ng pribadong sektor sa pagbibigay ng serbisyo ng edukasyon. Malaki na karanasan natin sa ganito. Isang ehemplo ay ang mekanismong BOT (build-operate-transfer) sa pagpapatayo ng mga gusali.
Sa nasabing mekanismo, bibigyan ng gobyerno ang isang pribadong kumpanya ng kontratong magtayo ng isang istraktura. Sa loob ng iilang taon, papayagan ang kompanya na patakbuhin ang nasabing gusali hanggang sa ‘mabawi’ nila ang kanilang kita.
Salamat sa BOT, wala tayong magawa ang mga motorista kung pinipiga sila ng mga nagpatayo ng NLEX at SLEX. Kasi, pribadong kumpanya ang kasalukuyang nagmamayari dyan dahil sila ang nagpatayo.
Kaya siguro ayaw pigilan ni Noynoy ang pagtaas ng matrikula sa mga kolehiyo, o dagdagan ng badyet ang mga pampublikong paaralan: kasi gusto niya na ang pribadong sektor, o ang mga pribadong paaralan, ang magkaroon ng mas malaki, o baka tanging, responsibilidad na pag-aralin ang mga kabataan.
Para sa kabataan, State of No Address ang ibig sabihin ng unang SONA ni Noynoy. Hindi niya tinugunan ang kahit alin sa mga problema ng kabataan hinggil sa edukasyon.
Ang bola ay nagbabalik sa kamay nating mga kabataan. Malinaw ngayon kung ano ang balak ni Aquino hinggil sa krisis ng edukasyon: wala. Malinaw rin na hindi na dapat tayo umasa sa kanya. Kinakailangang bumalik tayo sa laro ng public pressure para piliting kumilos ang mga iba pang opisyal ng gobyerno at mga administrador ng mga paaralan para makamit natin ang mga pagbabago sa edukasyon.
Kailangang i-pressure ang Commission on Higher Education na magpasa ng agarang pambansang tuition freeze. Kailangang i-pressure ang Kongreso na magbigay na mas mataas at sapat na badyet para sa edukasyon sa mga susunod na taon. Kailangang i-pressure ang mga may-ari at adminstrador ng mga paaralan na bigyan ng mas malaking mga karapatan ang mga estudyante.
Kinakailangang pumasok sa makabayang mga organisasyon ang bawat kabataan na naniniwala at naghahangad ng pagbabago. Kinakailangang magkaroon ng mga malalaking alyansa na aaabot sa mga kabataan sa mga tradisyunal at konserbatibong mga grupo na nagnanais rin tumulong. Kinakailangan ng mga iba’t iba at mapanglikhang porma ng pagkilos para mapakita ang napakalaking bilang natin.
Sa ating parte, wala na tayong ilusyon hinggil kay Noynoy. Ang problema, siya ay meron pa. May ilusyon siya na minamahal siya ng nakararami, lalo na ng mga kabataan. Hangga’t buhay ang ganung ilusyon niya, hindi siya aaksyon sa mga problema natin.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=8455














[...] This post was mentioned on Twitter by perry calara, pinoy weekly. pinoy weekly said: Bago sa PW Online: State of No Address http://bit.ly/dCYuNF [...]
wala rin tayong mapupuntahan kung puro pagpapaa-ral ang planuhin ng presidente, marami ngang gumagraduate wala rin naman trabaho… ang kailangan natin ay “social revolution” ng bawat pilipino, marahas man o mapayapa, ito lang ang makapagpapagising satin para bumalik ang respeto ng taong bayan sa nationalismo ng ating bansa.
kung pagiisapan natin lahat kung ano ang tama ito isang bagay lang na nakalagay sa ating mga isipan, “ang pagbabao”, na kahit tayong mga pilipino ay likas na mahihirap, sa yaman ng ating lupa at kultura, kailangang may isang lider na kaisa-isang taong lubos na magpapahalaga nito, sa taong bayan, kabataan, likas na yaman, at nationalismo sa sarili nating isipan na “kaya natin to” at “walang sinong makakaapi satin” at higit sa lahat, ang saigisag ng lahat, ang pagpapa-alala sa ating mga lingwahe, ng tayoy hindi mahirapan sa pagunlad sa mabuting komonikasyon.