Istorya ng Linggo

Aquino, ayaw makipag-usap sa NDF?


Bago pa man nakapagsimula, binarahan na ng gobyernong Aquino ang pakikipag-usap sa rebolusyonaryong kilusan na nag-aaklas sa kasalukuyang sistema. Hindi pa nga nakakapagbuo ng negotiating panel, nagpataw pa ng kondisyon sa mga rebelde na magtigil-putukan bago sila kakausapin ng gobyerno.

Pag-aaklas ng CPP-NPA-NDF: Maiuugat sa malawakang kahirapan at pagsasamantala sa mga mamamayang Pilipino. Anumang hakbang para maresolusyonan ang pag-aaklas na ito ay dapat magsimula sa pagtugon sa mga ugat ng pag-aaklas. (PW File Photo)
Pag-aaklas ng CPP-NPA-NDF: Maiuugat sa malawakang kahirapan at pagsasamantala sa mga mamamayang Pilipino. Anumang hakbang para maresolusyonan ang pag-aaklas na ito ay dapat magsimula sa pagtugon sa mga ugat ng pag-aaklas. (PW File Photo)

Mahigit isang buwan nang nakaupo si Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III sa Malakanyang, pero hindi pa rin niya napapangalanan ang mamumuno sa negotiating panel ng gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) sa pakikipag-usap nito sa National Democratic Front (NDF).

Samantalang dalawa na lang ang kulang ng negotiating panel nito sa pakikipag-usap sa Moro Islamic Liberation Front (MILF), hindi nagmamadali ang gobyernong Aquino na simulan ang pakikipag-usapan sa mga rebeldeng komunista. Itinalaga sina UP Law Dean Marvic Leonen, Miriam Coronel Ferrer at Senen Bacani noong Agosto 3.

Itinakda na rin ang simula ng negosasyon sa MILF sa Setyembre, matapos ang Ramadan. Pero sa pakikipag-usap sa NDF, sinabi ni Teresita Deles, presidential adviser for the peace process, bago ang unang State of the Nation Address ni Aquino, na hindi minamadali ng kasalukuyang administrasyon ang pamimili dahil kumplikado umano ang pakikipag-usap sa mga rebelde. “Kinakausap ko ang nanomina ng iba’t ibang sektor na maaaring umupo sa panel,” ani Deles.

Noong SONA, binanatan pa ni Aquino ang mga rebelde. “Tungkol naman po sa CPP-NPA-NDF: handa na ba kayong maglaan ng kongkretong mungkahi, sa halip na pawang batikos lamang?” Sinabi pa ni Aquino na handa ang kanyang administrasyon sa isang “tigil-putukan” dahil “[m]ahirap magsimula ang usapan habang mayroon pang amoy ng pulbura sa hangin.”

Presidential Adviser on Peace Process Teresita Deles
Presidential Adviser on Peace Process Teresita Deles

Tulad ng inaasahan, tinututulan ng NDF Negotiating Panel ang panukalang tigil-putukan bago makapagsimula ang usapan. Hindi umano matitigil ang pakikidigma ng mga rebolusyonaryong kaanib ng NDF hangga’t hindi matutugunan ang batayang mga suliranin ng mga mamamayang Pilipino.

Pagsasara sa pinto ng kapayapaan

Pero mistulang pagsasara umano ng usapang pangkapayapaan ang pahayag ni Aquino sa kanyang SONA, ayon kay Jose Maria Sison, punong konsultant pampulitika ng NDF na nakabase sa Utrecht, The Netherlands.

“Malinaw ang pahayag ko: Hindi makatarungan para asahan ninuman na magtitigil-putukan na lamang ang rebolusyonaryong mga puwersa at mga mamamayan at susuko sa isang bulok na naghaharing sistema na tinatanggihan ang mga patriyotiko at progresibong mga hiling at ayaw magsagawa ng batayang mga reporma,” sabi ni Sison.

Iniulit pa ni Sison na taliwas sa sabi ni Aquino na “pawang batikos” lang ang ginagawa ng NDF, matagal na silang naghahayag ng kongkretong mga panukala para masolusyonan ang ugat ng digmaan. Katunayan, noong 2005 nang igiit ng gobyernong Arroyo na magtigil-putukan muna bago mag-usap, pormal na nagpanukala si Sison ng mga hakbang bago makapagdeklara ng tigil-putukan. “I have also gone so far as to propose a concept of immediate truce and alliance on the basis of a mutually acceptable declaration of principles and policies upholding national independence and democracy, confronting the basic problems of the Filipino people and adopting effective measures of social, economic and political reforms,” sabi ni Sison.

Samantala, kahit ang kaalyado ni Aquino, ang dating alkalde ng Davao City na si Rodrigo Duterte, pinayo sa pangulo na hindi ito ang tamang hakbang para simulan ang negosasyon sa mga rebelde. Ani Duterte, dati na siyang nakikipagdiyalogo sa NPA sa kanyang probinsiya, at batay sa kanyang karanasa’y hindi uubra ang paglatag ng “prekondisyon” bago makipag-usap.

“Simulan natin ang negosasyon sa pamamagitan muna ng pag-uusap. Pupunta ako sa kampo nila at iimbitahan sila, at unti-unting kukunin ang kumpiyansa nila at patuloy na makikipag-usap,” kuwento ni Duterte sa pamamaraan niya ng negosasyon.

Sinabi ni Duterte na bagamat pinapayuhan niya si Aquino, ayaw niyang pormal na maging bahagi ng pakikipagnegosasyon.