Husgahan Natin

Packing tape lang ang kinuha

Maaari bang matanggal ang isang empleyado ng kompanya sa salang pagnanakaw kahit packing tape lang ang kanyang kinuha? Ayon sa kasong “Nagkakaisang Lakas ng Manggagawa sa Keihin (NLMK- OLALIA-KMU) v. Keihin Philippines Corporation (G.R. No. 171115, August 9, 2010).” Ang sagot sa tanong na ito ay oo.

Maaari bang matanggal ang isang empleyado ng kompanya sa salang pagnanakaw kahit packing tape lang ang kanyang kinuha? Ayon sa kasong “Nagkakaisang Lakas ng Manggagawa sa Keihin (NLMK- OLALIA-KMU) v. Keihin Philippines Corporation (G.R. No. 171115, August 9, 2010),” ang sagot sa tanong na ito ay oo.

Mahigit isang taon nang nagtatrabaho si Helen sa isang kompanyang pag-aari ng mga Hapones. Gumagawa sila ng mga piyesang ginagamit para sa sasakyan. Isang araw, palabas na sa kompanya si Helen nang mapansin niya ang isang packing tape malapit sa kanyang mesa. Naisip niya na magagamit niya ito sa kanyang paglipat ng bahay. Dinampot niya ang packing tape at ipinasok sa kanyang bag.

Pagdating ni Helen sa gate ng kompanya, kinapkapan siya ng security guard. Tiningnan din nito ang kanyang mga gamit at nakita ang packing tape sa kanyang bag. Kinumpiska ito ng guwardiya at gumawa siya ng report tungkol sa nangyari para sa HR Manager ng kompanya.

Kinabukasan, binigyan ng manedsment ng sulat itong si Helen kung bakit hindi siya dapat tanggalin sa trabaho. Ang kanyang ginawa raw ay pagnanakaw at ito ay lumalabag sa Code of Conduct ng kompanya.

Nagpaliwanag si Helen na totoong kinuha nga niya ang packing tape. Ganumpaman, maliit lang naman daw ang halaga nito kung kaya’t hindi ito dapat na maging dahilan sa pagkatanggal niya sa trabaho.

Nabigla na lamang si Helen nang tanggalin siya ng kompanya mula sa kanyang trabaho. Agad siyang nagsampa ng kasong illegal dismissal sa tanggapan ng Labor Arbiter laban sa kompanya.

Kinatuwiran ni Helen sa Labor Arbiter na  wala siyang malisyosong hangarin sa pagkuha ng packing tape. Akala daw niya, hindi na ito gagamitin ng kompanya kaya kanyang kinuha. Masyadong mabigat daw ang binigay sa kanyang parusa  kahit na wala na halos halaga ang nasabing packing tape.

Hindi nakumbinsi ang Labor Arbiter at pinawanang-bisa ang reklamo ni Helen. Nag-apela si Helen sa National Labor Relations Commission ngunit ganoon din ang naging hatol. Pumunta si Helen sa Court of Appeals, ngunit ganoon pa rin ang  naging hatol. Napilitan si Heleng dalhin sa Korte Suprema ang kaso.

Sa hatol ng  Korte Suprema, pinansin nito na marami nang naganap na pagnanakaw sa mga gamit ng kompanya. Ito ang dahilan kung bakit naglabas ng memorandum ang manedsment tungkol sa pag-iinspeksiyon sa mga empleyado paglabas nila sa gate ng kompanya at pagpataw ng parusang pagkatanggal sa trabaho sa sinumang empeyado na mahuling kumuha ng gamit ng kompanya nang walang pahintulot.

Alam ni Helen ang tungkol sa patakarang ito ngunit ginawa pa rin niya. Ayon sa kanya, gagamitin niya ang packing tape sa paglipat niya ng bahay. Kaya malinaw na sinadya at kusang-loob niya ang pagkuha sa packing tape na pag-aari ng kompanya. Pumapasok sa memorandum ng kompanya ang kanyang ginawa at sakop din siya ng parusang ipinapataw dito. Kahit saang anggulo natin ito titingnan, pagnanakaw pa rin ang ginawa ni Helen.

Hindi niya maaaring idahilan ang kakaunting halaga ng nasabing packing tape, sabi ng Korte Suprema. Isipin natin na mahigit isang taon pa lamang sa kompanya itong si Helen. Kung may mga desisyon ang Korte  Suprema na nagpapataw ng mas magaang na parusa sa mga empleyadong nahuling nagnanakaw, ito ay sa dahilang ang mga empleyadong ito ay matatagal na sa kanilang kompanya. Hindi natin to masabi tungkol kay Helen na noon ay wala pang dalawang taon sa kanyang trabaho.

Kung kaya, tama lamang ang naging parusa na ipinataw ng kompanya kay Helen, sabi ng Korte Suprema. Nararapat lamang na siya ay tanggalin alinsunod sa patakaran ng kompanya sa mga empleyadong nagnanakaw.

Kaya mga mambabasa, iwasang kumuha ng anumang gamit ng kompanya na walang kaukulang permiso. Kahit na halos wala nang halaga ang mga gamit na ito, isipin na hindi ninyo ito pag-aari at maaari kayong kasuhan ng pagnanakaw.  Baka kayo matulad kay Helen na nawalan ng trabaho dahil sa isang packing tape.