Para sa mga biktima, batang Pinoy muling sumali sa Walk of the World
Sa dalawang magkasunod na taon, sumali muli sa International Four-Day Marches o mas kilala sa tawag na “Walk of the World” ang 13-taong gulang na si Kyle Baleva sa Nijmegen, The Netherlands. Ang aktibidad na ito, na sinalihan din ng umaabot na 45,000 katao mula sa iba’t ibang bansa, ay nagsimula noong July 20 at nagtapos noong July 23, 2010.
Ang hirap na dinadaanan ng mga anak ng biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa lalo na ng pagpatay at sapilitang pagkawala ay muling nagtulak kay Kyle.
Naglakad siya ng 30 kilometro bawat araw na bumuo sa 120 kilometrong upang makalikom ng pondo para sa mga batang ulilang sinusuportahan ng Children’s Rehabilitation Center (CRC) sa pamamagitan ng kanilang proyektong “A Hand for an Orphan” bahagi ng kanilang Orphan Support Program.
“Kami ay masayang masaya na si Kyle ay naging consistent sa kanyang adbokasiyang maipalaganap ang kalagayan ng mga anak ng mga naging biktima ng pampulitikang pamamaslang at desaparacidos at gayundin sa kanyang pagsuporta sa mga ito,” ayon kay Ma. Esmeralda Macaspac, executive director ng CRC.
Ayon kay Macaspac, naitala ng CRC noong 2009 ang 65 na batang naulia dahil ang mga magulang nila ay naging biktima ng pampulitikang pamamaslang ang. Ngayong taon lamang, mahigit isang buwan matapos makapanumpa ang bagong presidente, di-bababa sa tatlong aktibista na ang pinaslang. Isa sa mga ito si Fernando Baldomero, miyembro ng Bayan Muna sa Aklan na pinaslang sa harap ng kanyang 12-taong-gulang na anak kamakailan.
“Kahit natapos na ang madugong rehimeng Arroyo at pumasok ang bagong rehimen, ang paglabag sa karapatang pantao ay patuloy pa rin na walang nananagot at ang mga bata ay patuloy na nawawalan ng mga magulang dulot ng karahasan ng militar,” ani Macaspac. “Kaya ang adbokasiya ni Kyle ay nananatiling makabuluhan at kami ay nagpapasalamat sa kanyang determinasyon na makatulong sa mga batang anak ng biktima ng pampulitikang pamamaslang at sapilitang pagkawala.”
Si Baleva ay anak ng migrante sa The Netherlands na lumahok na sa “Walk of the World” noong Hulyo ng nakaraang taon noong siya ay 12 taon gulang. Sa pamamagitan ng kanyang pledge na sa bawat milya na kanyang nalakad ay nakalikom siya ng pondo mula sa walkathon para sa Orphan Support Program ng CRC. Ang €2000 na donasyon ay nakatulong sa anim na batang ulila na nasa programa.
Ang mga bata ay nakatanggap ng nutritional, educational at medical assistance para sa isang buong taon. Ngayon, si Kyle ay umaasang makalikom ng halagang €3000 para matulungan ang marami pang bata.
Ang CRC ay tumutulong sa mga batang biktima at anak ng mga biktima ng paglabag sa karaptang pantao upang makabangon sa isang traumatic na karanasan sa pampulitikang panunupil sa pamamagitan ng pagbibigay ng psycho-social processing at iba pang suporta tulad ng educational, medical at legal na tulong.
(Note: Maaring tunghayan ang panayam ng RTL-Utrecht TV kay Kule at sa kanyang amang si Boyen: http://mediaplayer.rtvutrecht.nl/stream/6ad48d42.wmv.)
Artikulo mula sa Children’s Rehabilitation Center
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=8595














