Pasintabi

Sityo Buntog


Pinagtaksilan ang Sityo Buntog sa Laguna. Ito ang mismong banggit ng lider, si Tita Iya,ng magsasakang may piket sa tapat ng basketball court, sa bukana ng sityo. Sa katunayan, wala namang gumagamit sa court, na ngayon ay pinagkakalatan ng dumi ng kambing at baka. Parang alkansya ang mga ito, ginagamit lang kapag kailangan ng pambayad sa placement fee sa aalis na kamag-anak, o may malubhang nagkasakit sa pamilya.

Pinagtaksilan ang Sityo Buntog sa Laguna.  Ito ang mismong banggit ng lider, si Tita Iya,ng magsasakang may piket sa tapat ng basketball court, sa bukana ng sityo.  Sa katunayan, wala namang gumagamit sa court, na ngayon ay pinagkakalatan ng dumi ng kambing at baka. Parang alkansya ang mga ito, ginagamit lang kapag kailangan ng pambayad sa placement fee sa aalis na kamag-anak, o may malubhang nagkasakit sa pamilya.

Dalawa ang natuklasan naming papasok sa sityo.  Una ay ang tagiliran ng ilog.  Matarik na tunay na “Survivor” mode dahil bukod sa putik at tarik na nagpapadulas sa paa (napayapak na nga lang ako dahil dumudulas ang tsinelas na suot ko), makitid ang daan, at isang maling hakbang ay babagsak na sa bangin.  Bukod dito, may mga nabulabog na itim na langgam na kay bangis at talino, na matapos madaanan ay bigla na lamang nakapasok na at umaakyat na sa pantalon.

Lahat ng madaanan sa paa ay kinakagat.  Paano magkakamot sa pag-iwas madulas, mahulog sa bangin, bitbit ang knapsack na may biling magdala ng tubig na inumin para sa panahon ng integration sa sityo? Kaya nang dumating sa ilog, lahat ay pumwesto at nagkamot.  Si Felix ay naghubad ng pantalon at isa-isang hinampas ang inaakalang pinamumutiktikan ng langgam.

Ang ikalawa ay ang “pangunahing” daan sa bukana ng piket.  Maputik ito, wala na ang graba at may bahagi na inagos na ng tubig.  Tanging motor na lamang ang nakakadaan kapag tag-ulan.  Sa tag-init lamang nagagamit ang mga owner at dyip, kaya sa Sityo Buntog ay puro nakagarahe ang mga ito.  Ang labasan nito ay ang pinasukan din naming golf course sa Canlubang.

Magkaiba ang mundo sa loob at labas ng Sityo Buntog. Kung titignan ang mga bahay, parang mayamang magsasaka ang mga residente.  Marami sa mga residente ay nagtratrabaho sa golf course at mga pabrika sa Canlubang.  Marami na rin ang may anak at kamag-anak na OCW. Pero ang lahat ay may paratihang panganib na mapalayas sa sarili nilang tinitirikang bahay at binubungkal na nyugan.

Lahat ng ito ay pag-aari ng hacienderong Yulo.  “Malapit lang,” ang paratihang banggit sa amin kapag kami ay naglalakad sa putikang daan sa kabundukan.  At mayroon isang pagkakataon na natanaw naming ang Tagaytay sa kanan at Canlubang pa rin sa kaliwa.  Pawang pinamumutiktikan ng puno ng niyog.  Ito ang proverbial na lahat ng matanaw ay ari-arian pa rin ng iisang angkan.

Makapangyarihan ang angkan na ito dahil nagsasanib pwersa pa sa mga Ayala’s at Sy’s, na pawang may malalaking ari-arian na sa kabundukan ng mga sityo sa Canlubang.  Sa katunayan ay may bagong tayong pabrika at mga exklusibong subdibisyon sa labas ng golf course.  Matapos nito, sa mismong Canlubang, ang mga higanteng pabrika ng Cosmos, San Miguel Corporation at iba pang malalaking kompanya.

Pinanggigilan ang Sityo Buntog dahil ito ay nakakapag-organisa ng magsasaka laban sa intrusyon ng mga kompanya ng mga angkan.  Sa loob ng mga 200 metrong natitirang sementadong kalsada, maigting ang ideolohikal at makauring digmaan.  Nandito ang 28 pwersa ng PNP (Philippine National Police) na sa ngalan ng community work ay nakakapanghimasok sa pang-araw-araw na buhay ng mamamayan at ng protesta.

“Infested” ang madalas banggitin ng kanilang bisor si Bernas bilang patutsada sa dahilan kung bakit sila napunta at naglagi sa sityo.  Buong pagmamalaki pang inilabas ng deputy ni Bernas ang  kinumpiskang sakong may slogang “Militar palayasin sa kanayunan” na dating nakasabit sa piket dahil “Ano na lang ang papasok sa utak ng estudyante kapag nakita nila ito?”

Nagpapalabas din ng anti-komunistang pelikula ang PNP sa simbahan at high school.  May ilang insidente pang naulat na ang mga mukha ng lider-magsasaka ay ipinapakita rin sa presentasyon at sinasabihang komunista, kasama ng pagbanggit kina Satur Ocampo at Lisa Masa bilang kasapi rin nito.  Sa isa pang ulat, ang mga dalagita sa isang acquaintance party sa kalapit-sityong kilala sa pagiging militante nito ay sapilitang isinayaw ng PNP bilang pagdiin na sinusubayan ang mga ito, kasama ng kanilang mga magulang.

May panganib na nakabalot sa Sityo Buntog, at ito ang panganib ng makauring digmaan na nagaganap sa kabuuan ng bansa. Habang nakikipag-dialog ang grupo ng integration sa PNP, dalawang digital video cameras at ilang compact cameras ang gamit para subaybayan ang aming pagdalo.  Mainitin ang ulo ng aming kausap.  Pinasulat pa kami sa attendance. At ilang beses itong muli’t muling ininspeksyon ni Bernas.

Hindi malayo ang pagtataksil ng pamahalaan sa Sityo Buntog.  Na imbis na palayain ang mamamayan sa kahirapan ay siya pang nagiging salot sa pag-unlad nito.  Ayaw kumpletuhin ang pondo para sa patubig kaya umiigib ang lahat ng tubig (P6 bawat container) sa ilog, at inumin sa ibayo.  Mag-iisang buwan nang walang kuryente.  At ilang taon nang di nadadaanan ang kalsada.

Kung ito lang, ayos pa sana ang buhay.  “Masaya dati,” banggit ng isang residenteng kasama sa piket.  Pero dahil lantarang ideolohikal na ang digmaan, mismong mamamayan ang ipinapain sa kapwa mamamayan.  Hindi nagbabago ang landas—pinagdaanan at tunguhin—sa nangako ng matuwid na politika sa bansa.  Usapang haciendero at kapangyarihang pang-estado ang ibinabaka sa Sityo Buntog.