Ang Magandang Simula
Kamakailan lamang, nagbigay ng presentasyon si Kabataan Rep. Mong Palatino sa Kongreso hinggil sa kung bakit hindi dapat bawasan ang badyet ng SUCs (State Universities and Colleges). Dumagundong ang palakpakan mula sa lahat ng mga nasa nasabing hearing, mga mambabatas, representante ng school administrations, at siyempre, ang mga lider-estudyante. Ika nga ng isang lider, kung ang palakpak lamang ay may katumbas ng dagdag sa badyet, ok na ok na sana.
Kamakailan lamang, nagbigay ng presentasyon si Kabataan Rep. Mong Palatino sa Kongreso hinggil sa kung bakit hindi dapat bawasan ang badyet ng SUCs (State Universities and Colleges). Dumagundong ang palakpakan mula sa lahat ng mga nasa nasabing hearing, mga mambabatas, representante ng school administrations, at siyempre, ang mga lider-estudyante. Ika nga ng isang lider, kung ang palakpak lamang ay may katumbas ng dagdag sa badyet, ok na ok na sana.
Sa parehong araw, pumunta ang mga estudyante ng hayskul sa pambansang tanggapan ng Department of Education (DepEd) para iprotesta ang panukalang “K-12 curriculum.” Hindi tulad ng mga nakaraang pagkilos kung saan inupakan ng mga sikyu ang mga kabataan, napilitan silang harapin ng tagapagsalita ng ahensiya at nakipagdiyalogo.
Tagumpay ito nating mga kabataan. Palibasa’y kakatapos lamang ng pambansang Walkout nung Biyernes. Palibasa’y nakita nila ang mga posibilidad ng ating sama-samang pagkilos: pag-paralisa sa operasyon ng ilang pamantasan, pagpapakilos ng mga kabataan sa iba’t ibang dako ng bansa, pagbaha sa lansangan, at mismong pagkalas sa barikada ng mga pulis at iba pang simbolo at instrument ng represyon.
Kung hindi libu-libo ang lumahok nung Biyernes, pareho rin kaya ang reaksiyon ng gobyerno sa atin? Malamang sa malamang, hindi. Halimbawa, nung nakaraang Walkout nung Hulyo 16. Walang imak o reaksiyon ang kahit sinong opisyal ng gobyerno sa mga isyu na dinadala natin. E ngayon, sa gabi pa lang bago ng Walkout, nagbibigay na ng paliwanag ang administrasyon.
Kumbaga sa apoy, napasiklab na natin ito. Tungkulin natin ngayon na huwag itong hayaang mamatay, at bagkos, palakasin at ipakalat ito sa lahat ng posibleng lugar.
Paano? Ang kasaysayan ng kabataang Pilipino ay maaaring magandang gabay. Ang Dekada Sisenta at Sitenta ay tinatawag na ‘Golden Age of Activism’ sa bansa dahil ang makabayang mga samahan ng mga kabataan ay nakakapagpakilos ng libu-libo hanggang daan-daang libong mga tao sa lansangan.
Naabot nila ito dahil sa malawak na mga pag-aaral hinggil sa mga iba’t ibang mainit na isyu ng mga iba’t ibang sektor, hindi lamang ng edukasyon at ng mga kabataan. Hindi lamang sa loob ng silid-aralan. Kahit saang natatambayan ng kabataan, naging ‘impromptu classroom.’ Naintindihan ng marami, hindi lamang ang problema ng sistema ng edukasyon, pati na rin kung paano lulutasin ito.
Umabot rin sila sa mga iba’t ibang sektor, mga tipo ng kabataan na hindi estudyante sa kolehiyo o hayskul. Natuklasan nila ang mga ugnay ng problema ng bawat isa, at ang mga batayan ng pagkakaisa.
At sa gitna ng lahat ng ito ang makabayang mga organisasyon ng kabataan. Nakaukit ang mga pangalan nila sa kasasaysayan: ang Kabataang Makabayan (KM) at Samahan Demokratiko ng Kabataan (SDK). Sa loob ng mga grupong ito nahasa ang mga pangunahin at pinakadeterminadong nagsulong ng pagbabago sa sistema ng edukasyon at kabuuang lipunan.
Tungkulin ng bawat isa sa ating mga lumahok at sumuporta sa Walkout na ipagpatuloy ang laban. Kung tayo ay magiging kampante o tatamaan nanaman ng katamaran, ang pagkabigo at pagkawala ng mga nakamit na nating mga tagumpay ay hindi lamang posibilidad, kundi probabilidad. Huwag na nating bitawan ang maganda nating nasimulan.