Pinoy Weekly

Gaano kahanda ang Pilipinas sa mga kalamidad?

Bagong Silangan, matapos ang bagyong Ondoy noong Setyembre 2009: ibayong pagtangis dahil sa maraming namatay. (King Catoy / PW File Photo)

Bagong Silangan, matapos ang bagyong Ondoy noong Setyembre 2009: ibayong pagtangis dahil sa maraming namatay. (King Catoy / PW File Photo)

Mag-iisang taon na ngayon ang isa sa pinamaka-malalang kalamidad na naranasan ng bansa. Ito ang dalawang magkasunod na bagyong tumama sa  buong Luzon – bagyong Ondoy noong Setyembre 26, 2009 at ang bagyong Pepeng noong Oktubre 3, 2009.

Isa ang Brgy. Bagong Silangan sa Quezon City sa pinakamalupit na niragasa ng bagyo noong nakaraang taon. Noong huling binisita ng Pinoy Weekly ang lugar, sariwa pa lamang sa Brgy. Silangan ang trahedya. Nagtakapagtala ito ng pinakamataas na bilang ng namatay noong pagragasa ng bagyong Ondoy. Umabot sa  126 ang mga namatay  at halos lahat ng kabahayan ang nasira at inanod ng tubig-baha mula sa umapaw na ilog ng San Mateo.

Itinuturo ng isang babae ang taas na inabot ng baha noong nakaraang taon nang bahain ang Bagong Silangan at iba pang lugar sa Kamaynilaan mula sa ulang dala ng bagyong Ondoy. (Macky Macaspac)

Itinuturo ng isang babae ang taas na inabot ng baha noong nakaraang taon nang bahain ang Bagong Silangan at iba pang lugar sa Kamaynilaan mula sa ulang dala ng bagyong Ondoy. (Macky Macaspac)

Makikita  pa rin ang bakas ng nagdaang kalamidad hindi lamang sa mga putik sa mga bahay, na nagsisilbing tanda kung gaano kataas ang tubig-baha noon. Sa mukha at reaksiyon ng mga nakaligtas sa trahedya, bakas pa rin ang takot at pagkabalisa sa  kanila. Ayon kay Corazon Austral, isang ginang na may anim na anak, “idinadaan na lamang (nila) sa dasal” ang mga pangyayari, dahil mula nang matapos ang trahedya noon, walang malinaw na plano ang gobyerno kung paano haharapin ang mga darating pang kalamidad.  “Wala namang tulong na nakarating sa amin, maliban iyung mga non-government  organization,” ani Corazon. Isa siya sa inanod ang bahay, at sa kasalukuya’y nakatira na lamang sa isang bahay na nagsilbing evacuation center.

Bagamat isa sa mga lugar kung saan maraming namatay ang Brgy. Silangan, tila walang paghahandang ginagawa ang mga opisyal ng barangay at maging ng Quezon City. Ayon kay Corazon, ilang beses umanong nagpalista ang mga taga-barangay  ng mga pangalan na dadalo sa  isang seminar hinggil  sa paghahanda sa pagharap sa kalamidad, ngunit hanggang  sa kasalukuya’y walang nagaganap na pagsasanay. Maging  ang hinihinging tulong ng lokal na organisasyong  sa pangunguna ng Gabriela, tulad ng pagkakaroon ng early warning device, mga gamit na pangkaligtasan  at riprap sa gilid ng ilog ay hindi pa rin natutugunan.

Kaya umaasa na lamang ang mga residente sa sariling-sikap para maghanda sa anumang kalamidad na darating. Nag-iipon sila ng mga plastik na container, lubid at pagdasal na sana’y di na maulit ang trahedya.

Kalamidad sa Pilipinas

Sa ulat ng Center for Research and Epidemiology Disasters (CRED) noong Agosto, ang Pilipinas ay nangunguna sa buong mundo sa pinakamaraming kalamidad sa bilang na 25.

Ayon din sa  Citizen’s Disaster Response Center  (CDRC), isang non -government organization na  pangunahing humaharap sa usaping kalamidad, mayroon nang 99 na kalamidad ang tumama sa Pilipinas sa  loob ng anim na buwan ngayong taon. Dalawampu rito’y likha ng kalikasan. At nakaapekto sa 579,540 pamilya o 3,405,707 katumbas  na indibidwal.

Maging baha man, landslide, tagtuyot o iba pang kalamidad dulot ng kalikasan, naranasan ng Pilipinas ang halos lahat ng klase ng kalamidad.

Nagdulot ng pinsala sa buhay at ari-arian ng mga mamamayang  Pilipino ang mga kalamidad na tumama sa iba’t ibang panig ng bansa. Ayon ito sa inilabas na Post Disaster Needs Assessments ng World Bank at  mga ahensiya ng gobyerno noong Nobyembre. Sa pinagsamang pinsala nina Ondoy at Pepeng noong nakaraang taon,  umabot sa 956 ang namatay, 736 ang sugatan. May 84 pa ring katao ang patuloy na nawawala.

Mahigit 9 milyon katao ang apektado nito at nagkakahalaga ng US$4.38-Bilyon ang pinsalang dulot nito. At batay sa rekomendasyon ng World Bank, nangangailangan ng halos kasinlaking halaga ($942.9-B sa pagrekober at $3,480.1-B para sa reconstruction) upang makapanumbalik muli ang Pilipinas mula sa pinsalang idinulot ng dalawang bagyo. Kailangang maramdaman ito simula noong Enero 2010 hanggang 2011, depende sa  bilis at kakayahan ng Pilipinas sa pagtugon sa recovery at reconstruction.

Sinasabi sa mga pag-aaral ng mga dalubhasa sa kapaligiran, sa loob ng nakalipas na dekada’y dumadalas ang mga pagbaha, tagtuyot, at baha, hindi lang dito sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa ng Asya at Aprika. Dulot daw ito ng paglala ng pagbabago ng klima o climate change na ang ibig sabihi’y makabuluhang pagbabago sa klima (temperatura, hangin  at pag-ulan) sa buong daigdig o mga rehiyon sa loob na  tumatagal ng ilang dekada  o milyong taon.  Maaaring ang dahilan ng climate change ay mga natural na proseso ng pagbabago o likha mismo ng tao.

Carlos Padolina ng CDRC: Hindi sapat ang emergency response ng gobyerno. (Macky Macaspac)

Carlos Padolina ng CDRC: Hindi sapat ang emergency response ng gobyerno. (Macky Macaspac)

Kahandaan sa pagharap sa kalamidad

Pero sa kabila ng climate change, may mga pamamaraan pa sana para maiwasan o maibsan man lang ang mga epekto ng kalamidad. Ito ay kung sa una pa lamang, napaghahandaan ang mga ito.

Ang problema, ayon kay Carlos Padolina, deputy executive director ng CDRC, ay ang matagal nang namamayaning oryentasyon sa lipunang Pilipino – ang emergency  response. “Sa matagal na panahon, ang tanging napaghahandaan ay ang pagtugon sa emergency situation sa panahon ng kalamidad,” ani Padolina. Ibig sabihin, inihahanda lamang ang mga tao at ang gobyerno para kumilos kung nasa aktuwal na panganib na ang mga komunidad at kung nakapinsala na ang anumang kalamidad.

Malaking puwang pa rin kung paano ihahanda ang mga mamamayan at makaiwas sa pinsalang dulot ng kalamidad. Ayon sa grupo, kailangang pihitin ang oryentasyon o konsepto ng  pagtugon sa kalamidad mula  sa emergency response lamang  tungo sa buong disaster management (pre-disaster,during-disaster at post-disaster), na may diin sa kahandaan bago maganap ang kalamidad (disaster preparedness).  Kasama na rin ang pag-iwas  at pagbawas (disaster mitigation) ng pinsalang dulot  nito  at zero casualty.

Ayon pa kay Padolina, madaling mahulaan (foreseeable) ang kalamidad sa Pilipinas dahil dalawa lamang ang panahon dito: tag-ulan at tag-init. Sa ganitong kalagayan, madaling matukoy ang mga lugar na mataas ang potensiyal na maging disaster hazard o high risk sa pagkakaroon ng landslide, pagbaha at iba pang kalamidad. Ngunit sinabi ni Padolina na di hamak na mas malaki ang pondong kinakailangan para sa paghahanda bago ang kalamidad (disaster preparedness), kumpara sa pondong inilalaan para sa emergency relief assistance.

Sa kanilang karanasan, bukod sa relief and rehabilitation na kanilang ginagawa sa panahon at pagkatapos ng kalamidad, aabot sa  P25-Milyon ang pondong kanilang inilaan para sa 72 barangay  na binigyan nila ng pagsasanay sa disaster management, kasama na ang buong pakete (socioeconomic trainings, capacity building at pagbigay ng mga gamit pangkaligtasan tulad ng early warning device,rescue gears at iba pa). Hindi nakapagtataka na mas piliin ng  gobyerno na maglaan ng badyet para sa emergency response kaysa disaster preparedness.

Aabot sa 1/4 na lamang ang natira  mula sa P2-Bilyong badyet ng nakaraang administrasyon, ayon mismo  kay  Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III sa kanyang unang State of the Nation Address.

Para sa CDRC, hindi lamang paghahanda ng relief goods ang kailangang gawin bago ang kalamidad. Kailangang paghahanda ang buong disaster management. (Macky Macaspac)

Para sa CDRC, hindi lamang paghahanda ng relief goods ang kailangang gawin bago ang kalamidad. Kailangang paghahanda ang buong disaster management. (Macky Macaspac)

Kadalasang biktima ng kalamidad

May direktang kaugnayan ang pagharap sa kalamidad sa plano ng pag-unlad ng isang lugar, lalo na sa bahaging pang-ekonomiya, ayon sa CDRC. “Kadalasan, ang pang-ekonomiyang plano ng mga probinsiya ay nakasalalay sa pag-maksimisa sa likas-yaman nito,” ani Padolina. Ngunit ang hindi naiuugnay sa mga planong ito ang maaaaring mga epekto sa tao ng eksploytasyon sa kalikasan.

Sa dokumentong “Philippine Environmental Situation 2009” ng Kalikasan (People’s Network for the Environment), aabot na lamang sa 8,000 kilometro kwadrado ang natitirang sakop ng kagubatan ng bansa noong 2006, mula sa 270,000 kilometro kwadrado sa pagtatapos ng kolonyalismong Espanyol noong 1898.

Pinalala pa ito ng nakaraang administrasyong Arroyo: Muling nanumbalik  ang pagtrotroso  (logging) sa pamamgitan ng  pamamahagi ng timber license agreement (TLA) at integrated forest management  agreement (IFMA).  Sa ilalim ng IFMA, hindi lamang troso ang kinukuha ng mga kompanyang may hawak ng IFMA. Lahat ng produktong nasasaklawan ng kanilang konsesyon ay maaari nilang kunin. Ayon sa Kalikasan, ito ang isang dahilan ng di mabilang na landslide sa mga lugar na mayroong aplikasyon ng IFMA, tulad ng  mga landslide sa mga lalawigan ng Aurora at Quezon  na saklaw ng kabundukan Sierra  Madre.

Taong 2004 nang magkaroon ng malalang landslide dulot ng bagyong Winnie sa mga bayan ng Infanta at Gen. Nakar sa Quezon. Bukod sa mahigit 1,000 kataong namatay, hanggang sa kasalukuya’y di pa rin natataniman ang maraming lugar doon dahil sa makapal na putik na tumabon dito.

Sa pagragasa naman ng bagyong Ondoy, nilamon ng malaking baha ang relokasyon ng mga maralitang tagalunsod sa tabi ng Marilao River. Sila ang mga dinemolis sa tabi ng riles sa Caloocan upang bigyan daan ang modernisasyon ng Philippine Natiional Railways na bahagi  ng proyektong C-5 Extension.

Kung kaya’t mga magsasaka at maralitang tagalungsod ang kalakhan ng mga biktima ng kalamidad. Sila din ang pinakabulnerable sa pagsasamantala ng dambuhalang mga korporasyon ng pagmimina, logging at mga negosyanteng nagtatayo ng mga subdibisyon at iba pang negosyo, lokal man o dayuhan. Silang mga tulad nina Corazon Austral, ang mga mamamayan ng Bagong Silangan, at iba pang maralita.

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=9471

Macky Macaspac Posted by on Sep 16 2010. Filed under Features, Istorya ng Linggo. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

2 Comments for “Gaano kahanda ang Pilipinas sa mga kalamidad?”

  1. [...] See more here: Pinoy Weekly | Gaano kahanda ang Pilipinas sa mga kalamidad? [...]

  2. Sa totoo lang may kakayahan ang Philippine Air Force na magsagawa ng rescue operations sa panahon ng kalamidad ngunit hindi ito ang prioridad dahil pangungurakot lang ang inuuna ngating mga opisyal ng PAF.Panoorin nyo aking video sa youtube “captain pogoy” (video title:typhoon ondoy & the PAF)

Leave a Reply

Follow and Subscribe

Features

Multimedia

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Loading Twine Social
Log in | Designed by Gabfire themes