Pinoy Weekly

Grupo ng magsasaka, duda kay Etta Rosales sa CHR

CHR Chair Etta Rosales (mula sa kanyang blog)

CHR Chair Etta Rosales (mula sa kanyang blog)

Pinangangambahan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at Tanggol Magsasaka ((Peasant Network for Land, Justice and Human Rights) na madadagdagan ang mga paglabag sa karapatang pantao sa buong bansa matapos pormal na umupo ni dating Akbayan Rep. Etta Rosales bilang  Chairman ng Commission on Human Rights (CHR).

Tumututol ang naturang grupo sa pag-upo ni Rosales dahil diumano’y nagtataguyod ang huli ng pagbansag sa militanteng mga organisasyon, kabilang ang KMP, bilang “prente ng mga komunista.”

Ayon sa KMP at Tanggol Magsasaka, tuluy-tuloy si Rosales at ang grupong Akbayan sa pagbibintang na prente ng rebeldeng Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA) ang legal at demokratikong mga organisasyon. Binibigyang katuwiran umano nito ang lalong pagsupil ng mga militar at pulisya sa mga karapatan pantao ng mga miyembro ng progresiobng mga organisasyon tulad ng KMP.

“Sa pag-aakusa ni Rosales CPP at NPA, umaaktong tulad ng isang tagapagsalita ng militar siya. Kaya’t walang aasahan ang mga tao na anumang proteksiyon ng kanilang karapatan mula sa kanya at sa kanyang opisina,” ayon kay Antonio Flores, tagapagsalita ng KMP at co-convenor ng Tanggol Magsasaka.

Ipinunto din ng KMP at Tanggol Magsasaka na diumano’y mismong si Rosales ay nag-aakusa sa mga lider ng kanilang organisasyon bilang “matataas ang ranggo sa CPP-NPA.”

Ibinahagi ng grupo ang isang insidente sa isang forum na “Human Rights in the Aquino administration” na inorganisa ng Asia Foundation at ng British Embassy noong Hulyo 22. Sa nasabing pagtitipon, inakusahan ni Rosales ang pangalawang pangkalahatang kalihim ng KMP na si Randall Echanis na isang “mataas na opisyal ng CPP-NPA.”

Kabilang sa nakasaksi sa pahayag na ito ni Rosales si Lita Mariano, lider-magsasaka ng Pambansang Pederasyon ng Kababaihang Magbubukid o Amihan, isang miyembrong organisasyon ng KMP.

“May mga kasong ang mga matataas na opisyal ng CPP-NPA ay nagtatago sa legal na organisasayon tulad ni Randy Echanis na isa ding lider ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas,” sabi umano ni Rosales sa naturang porum.

“Wala siyang pinag-iba sa mga opisyal ng militar na nangunguna sa pagbuwag sa mga aktibista, lalo na sa kilusang magbubukid na nakikibaka para sa tunay na repormang agraryo,” ani Flores.

Ayon pa sa KMP at Tanggol Magsasaka, dahil sa inilalakong idelohiya ni Rosales, ang mga aktibista sa buong bansa ay tiyak na mapapahamak at maaaring maging biktima ng pag-abuso sa karapatang pantao, sa pagtataguyod ng CHR.

Idinagdag pa ng grupo na lalong binibigyang katuwiran ni Rosales ang paglabag sa karapatang pantao ng mga lehitimong lider-magsasaka tulad ni Echanis, na ikinulong at pinahirapan ng nakaraang administrasyong Aquino bago naibasura ang kanyang kaso dahil sa kawalan ng ebidensiya laban sa kanya.

Dati pang itinatanggi ni Rosales na may bias siya laban sa progresibong mga organisasyon. Aniya, tinututulan lang umano ang kanyang appointment sa CHR dahil sa komitment niya sa “unibersalidad” ng karapatang pantao.

Walang alam sa IHL?

Idinagdag din ng dalawang grupo na mismong si Rosales ang “naghubad sa kanyang sarili sa pagiging ignorante” sa mga International Humanitarian Law.

Pinaninindigan ni Rosales na ang non-state agents tulad ng NPA ay lumalabag din sa karapatang-pantao. Pero sinabi ng KMP at Tanggol Magsasaka na hindi alam ni Rosales na binibigyan niya ng belligerent status (kapantay na estado sa gobyerno) ang nasabing grupo. Sa pagpupumilit ni Rosales, inilalantad nito ang “malinaw na paglabag ng gobyerno ng Pilipinas partikular sa mga internasyunal na kasunduan at kumbensiyon hinggil sa karapatang-pantao at giyera sibil.”

Sinabi din ng dalawang grupo na si Rosales ay ibang-iba sa dating CHR Chair Leila de Lima, na ngayon ay sekretarya ng kagawaran ng katarungan.

Ayon sa kanila, si De Lima ay umiwas sa aspektong pampulitikal ng kaso ngunit tumutok sa mga kaso at nagdetalye sa aktuwal na paglabag sa karapatang pantao ng mga militar. Sa kabilang banda, si Rosales umano ay sadyang idinekala ang sarili bilang isang “anti-kaliwa” na tagapagtaguyod  ng  atakeng militar laban sa legal at demokratikong kilusang masa.

“Makakapag-patunay na kontra sa karapatang pantao si Rosales sa tindig na militarista at pagkibit-balikat niya sa ekstensiyon ng Oplan Bantay Laya (OBL) at ang pakikilahok niya sa brainstorming ng Armed Forces of the Philippines sa pagbalangkas ng isang bagong plano ng kontra-insurehensya,” banggit ni Flores.

Nanindigan ang dalawang grupong kailangang resolbahin ang ugat ng armadong tunggalian, at hindi ang pagsupil sa pakikibaka ng mga mamamayan para sa tunay na reporma sa lupa, demokrasya at soberenya.

“Trinato nila ang OBL na mistulang walang idinulot na kaguluhan sa buhay ng mga Pilipino, na para bang may kahinaan ang OBL, kaya kailangan palitan lang. Ipinakita na ni Rosales na siya ay alyado ng mga militar sa pagsupil sa nakikibakang mga mamamayan,” pagtatapos ni Flores.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=9240

Posted by on Sep 5 2010. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes