Tumitinding atake ng NPA sa AFP


Umiigting ang atakeng militar ng mga rebelde sa mga armadong puwersa ng gobyerno, laluna sa Mindanao. Ang gobyerno naman, ipinagpapatuloy ang programang kontra-insurhensiya na dati nang puminsala, hindi sa mga rebelde, kundi sa mga legal na aktibista.

Pinadadalas at pinaiigting ng mga rebelde sa buong bansa ang mga reyd at iba pang atake sa mga yunit ng AFP. (PW File Photo)
Pinadadalas at pinaiigting ng mga rebelde sa buong bansa ang mga reyd at iba pang atake sa mga yunit ng AFP. (PW File Photo)

Nang ipagdiwang ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang ika-41 anibersaryo nito noong Disyembre 2009, inatasan nito ang New People’s Army (NPA) para paigtingin pa ang mga taktikal na opensiba laban sa militar, pulis at paramilitar. Ito’y para umano makapagbuo nang mas malawak at mas istableng baseng erya – na nakakawing naman sa plano ng CPP na umabante ang digmang bayan mula estratehikong depensiba (strategic defensive) tungo sa estratehikong pagkakapatas (strategic stalemate).

Kaya naman noon lamang huling hati ng Agosto hanggang mga unang araw ng Setyembre ngayong taon, nakasamsam na ang NPA ng di-bababa sa 35 armas kabilang ang isang K3 light machine gun sa matatagumpay na aksiyong militar nito laban mga puwersa ng gobyerno.

Ayon pa sa website ng CPP, umabot sa 42 na pulis at militar ang napatay ng mga rebelde sa mga labanan, bukod pa ang tinatayang 16 na sugatan sa loob ng naturang panahon. Samantala’y inamin din ng NPA na isang babaeng rebelde ang nagbuwis ng buhay sa mga labanang ito.

Inilabas ng NPA ang naturang pahayag na kabaligtaran naman sa inuulat ng militar na bumaba na umano ang kakayahang lumaban ng mga rebelde.

Pinakahuli sa mga taktikal na opensibang ito ng NPA ang naganap noong madaling-araw ng Set. 6, 2010 Agusan del Sur. Dalawang sundalo na nakahimpil umano sa barangay hall ng Magkayangkang, Bayugan ang napatay nang isnaypin ng mga gerilya sa ilalim ng NPA-Front 8 ng Pulang Diwata Command na kumikilos sa North Eastern Mindanao Region. Ang dalawang sundalo ay bahagi umano ng 402nd brigade ng Philippine Army na nagsasagawa ng operasyong militar.

Ayon sa tagapagsalita ng National Democratic Front sa NEMR, ang operasyong militar na ito ay bahagi lamang ng mas malawak at patuloy na mga operasyon sa Caraga simula nang maupo si Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III. Ito’y sa kabila ng deklarasyon ng pangulo na hindi niya nais ng “amoy ng pulbura” sa unang state of the nation address (SONA) nito patungkol sa pakikipag-usap sa mga komunista.

Simula noong Hunyo hanggang kasalukuyan, 45 operasyong militar na umano ang nailunsad sa naturang rehiyon na nagresulta naman sa paglabag sa karapatang pantao at kabuhayan ng mga mamamayan sa kanayunan. Kabilang dito ang paglikas ng daan-daang pamilya at mga katutubo mula sa kanilang tirahan at kabuhayan. Bukod pa rito ang pang-aaresto at pananakot umano ng mga militar sa pinaghihinalaang sumusuporta sa mga NPA.

Jorge "Ka Oris" Madlos, tagapagsalita ng NDF sa Mindanao. (PW File Photo)
Jorge "Ka Oris" Madlos, tagapagsalita ng NDF sa Mindanao. (PW File Photo)

Bakit binubuhay pa ang OBL

Samantala, sinabi naman ni Jorge “Ka Oris” Madlos, tagapagsalita ng National Democratic Front-Mindanao, na lalo pang paiigtingin ng NPA sa Mindanao at iba pang bahagi ng bansa ang mga taktikal na opensiba lalo’t  pinalawig pa ni Aquino ang implementasyon ng Oplan Bantay Laya (OBL) hanggang Enero 31, 2011.

Ang OBL ang kontra-insurhensiyang polisiya ni dating Pang. Arroyo na siya ring itinuturo ng mga aktibista bilang salarin sa mga pagpaslang sa kanilang hanay. Nagtapos ito noong Hunyo 2010 subalit pinalawig pa ni Aquino hanggang katapusan ng taong ito.

“Lalong iigting ang mga taktikal na opensibang ito habang ipinagtatanggol ng NPA at mga rebolusyonaryong mamamayan ang kanilang mga tagumpay,” pahayag ni Madlos. Sa katunayan, sa Mindanao lamang ay nakapaglunsad ang mga yunit ng NPA ng 50 taktikal na opensiba mula Hulyo hanggang Agosto–20 sa Southern Mindanao Region (SMR), 27 sa NEMR at tatlo sa Far South Mindanao Region at North Central Mindanao Region, dagdag niya pa.

Pinakamatingkad umano sa mga atake ng NPA sa SMR ang reyd noong Agosto 24 sa Barangay La Fortuna, Veruela, Agusan del Sur. Isang tinyente umano at apat na sundalo mula sa 26th Infantry Battalion ang napatay ng mga rebelde.

“Halos walang patlang din ang mga labanan sa mga bulubunduking erya ng Davao City; sa mga bayan ng Maragusan, New Bataan at Monkayo sa Compostela Valley; sa mga bayan ng Mati, Baganga at Cateel sa Davao Oriental; sa New Corella, Davao del Norte; sa Davao del Sur; at sa North Cotabato,” ayon pa sa pahayag.

Ang mga pag-atake ng NPA sa lehitimong mga militar na target ay isang anyo umano ng paglaban sa panibagong opensibang militar ng Armed Forces of the Philippines. Layon din umano nito na “salubungin” ang pinaigting na operasyong militar sa ilalim ng pinalawig na OBL.

“Ang CPP ay kumikilos para biguin ang layunin ng gobyerno na durugin ang rebolusyonaryong kilusan sa laoob ng tatlong taon batay sa pahayag ng bagong pangulong Aquino,” ani Madlos.

Binatikos pa ni Madlos si Aquino sa “pakikidigma nito sa unang yugto pa lamang ng kanyang panunungkulan” dahil paliliitin umano nito ang oportunidad sa pagkakaroon ng kapayapaan.

Bagamat binanggit ni Aquino sa kanyang SONA ang kanyang kagustuhan na muling buhayin ang usapang pangkapayapaan sa mga komunista, sinabi ni Madlos na mukhang “naghahanda sa giyera at hindi lumilikha ng daan para sa kapayapaan” si Aquino.