Manggagawang bukid ng Luisita tumanggi sa medyasyon


Pormal na ipinaalam ng mga manggagawang bukid ng Hacienda Luisita sa ilalim ng Alyansa ng mga Manggagawang Bukid ng Asyenda Luisita (Ambala) at United Luisita Workers Union (ULWU) sa mediation panel na nilikha ng Kore Suprema na hindi na sila lalahok sa mga pagdinig nito. Ang panel ay nilikha para umabot sa isang kasunduan ang […]

Pormal na ipinaalam ng mga manggagawang bukid ng Hacienda Luisita sa ilalim ng Alyansa ng mga Manggagawang Bukid ng Asyenda Luisita (Ambala) at United Luisita Workers Union (ULWU) sa mediation panel na nilikha ng Kore Suprema na hindi na sila lalahok sa mga pagdinig nito. Ang panel ay nilikha para umabot sa isang kasunduan ang mga manggagawang bukid at ang manedsment ng Hacienda Luisita.

Ayon kay Lito Bais, tagapangulo ng ULWU hindi na sila lalahok sa mga aktibidad ng panel dahil nagagamit na ito ng pamilya Cojuangco-Aquino para mapanatili ang kontrol nito sa asyenda.

“Sa mediation hearing noong Setyembre 15, 2010, sinabi sa amin ng panel na nagpanukala ang pamilya Cojuangco-Aquino na ibibigay na nito ang 4,100 ektarya para sa makatwirang kompensasyon. Subalit, nang sumunod na araw, itinanggi ni Atty. Antonio Ligon, tagapagsalita ng manedsment na hindi sila nagpanukala nang ganoon. Nangangahulugan lamang na hindi ipamamahagi ng pamilya Cojuangco-Aquino kahit pa bibigyan sila ng kompensasyon at ipagpapatuloy lamang ang iskemang stock distribution option (SDO). Kaya wala nang dahilan para ituloy pa ang medyasyon dahil hindi papayag ang mga manggagawang bukid na manatili pa ang SDO sa asyenda. Mas nanaisin pa namin na desisyunan ng korte ang kaso batay sa merit,” ani Bais.

Samantala, sinabi naman ni Jobert Ilarde Pahilga, abugado ng Ambala at Executive Trustee ng Sentro para sa Tunay na Repormang Agraryo (Sentra), na magsasampa sila ng manipestasyon sa Supreme Court en banc para ipaalam ang desisyon ng kanyang mga kliyente.

Idinagdag niya pa na sa naganap na pagdinig noong Set. 20, hindi pinayagan ang mga manggagawang bukid na irehistro ang kanilang pagtutol sa medyasyon kaya nag-walk out na lamang sila. Nilinaw ni Pahilga na ipaaalam nila sa korte ang desisyon ng mga manggagawang bukid. Idinagdag niya pa na isasampa nila sa Korte Suprema ang kanilang memorandum sa Set. 22.

Kabilang sa mga isyu ay kung may kapangyarihan ba ang Presidential Agrarian Reform Council (PARC) na bawiin ang SDO at kung may nilabag bang karapatan ang HLI sa proseso ng batas, na ayon kay Pahilga ay mga usapin ng batas at hindi saklaw ng medyasyon.

“Kailangan desisyunan ng Korte Suprema ang kaso batay sa mga merit para mailatag ang balangkas at para magsilbing gabay sa PARC kung paano tratuhin ang nakasampang mga petisyon para sa pagbawi sa iba pang SDO sa iba pang korporasyong agrikultural,” sabi pa ni Pahilga.

“Kung ikokonsidera na binubuo ng kasapian ng Ambala ang mahigit sa kalahati ng kabuuang bilang ng manggagawang bukid sa Hacienda Luisita, wala nang mandato ang panel para magpatuloy pa sa proseso ng medyasyon. Wala na itong pagpipilian kundi irespeto ang kagustuhan ng mayorya ng mga manggagawang bukid,” ayon pa kay Pahilga.

Tinatayang mahigit 6,000 miyembro ang bilang ng mga manggagawang bukid na kasapi ng Ambala at ULWU, mahigit kalahati ng kabuuang lakas paggawa ng Hacienda Luisita.

“Ang medyasyon ay isang boluntaryong gawain. Walang sinuman ang puwedeng puwersahin para sumailalim sa proseso ng medyasyon kung hindi nila ito gusto. Kailangan ngayon na desisyunan ang kaso batay sa merit,” sabi ni Pahilga.