Pasintabi

Pagdalaw sa Morong 43


Magkaibang mundo ang Bicutan na dinanas namin isang hapon ng Sabado. Nang mananghalian kami sa SM, ito ang mundo ng konsumerismo at gitnang uring mamamayan. Sa labas ay mainit at sagaran ang trafiko ng tao at sasakyan. Sa loob ay lahat ng bagay na ipinapatangkilik, sa comfort ng aircon, seguridad at fetisistikong komoditi.

Magkaibang mundo ang Bicutan na dinanas namin isang hapon ng Sabado.  Nang mananghalian kami sa SM, ito ang mundo ng konsumerismo at gitnang uring mamamayan.  Sa labas ay mainit at sagaran ang trafiko ng tao at sasakyan.  Sa loob ay lahat ng bagay na ipinapatangkilik, sa comfort ng aircon, seguridad at fetisistikong komoditi.

Sa kabilang bahagi ng South Luzon Expressway, ang Camp Bagong Diwa.  Hindi kakatwa ang pangalan ng kampo, ang kulungan mula sa Taguig, kontrobersyal at bigtime na kaso, at detenidong politikal.  Tunay na “remoulding” ang layunin, magbagong-gawi’t isip ayon sa dikta ng estado.  Mula sa bukana, diretso, kaliwa at matatagpuan ang isang grupo ng gusali.  Hindi magkakamaling ito na ang preso, puro rehas ang mga bintana, malaki ang bakal na gate, maraming gwardya, may barb wire sa tuktok ng bakod.

May ritual ang pagpasok.  Magpaparehistro, mag-iiwan ng ID, iinspeksyunin ang dalahin sa loob, body search, tatatakan sa braso.  Magkahiwalay ang babae at lalakeng detenido.   Mas mahigpit ang pagpasok sa seksyon ng lalakeng detenido, pinaghuhubad ang dadalaw at kakapkapan daw pati sa singit-singit.

Nandoon na ang ilang babaeng detenido ng grupong Morong 43, mga health workers na patuloy na ikinukulong at kinakasuhan para sa subersibong aktibidad.  Ang waiting area ay mainit, make-shift na pasukan ng semi-basement na seksyon ng kulungan.  Maraming bantay na gwardya, at ang partisyon ay bahagyang nagtatakip sa lutuan para sa mga detenido.

Maraming ipinagbawal dahil nag-noise barrage ang mga detenido para sa pagpapalaya kay Judilyn, ang detenidong nagdadalangtao at nanganak habang nakakulong, at ipinaglaban para makalabas ng preso habang pinapangalagaan ang bagon-silang na anak.  Sa katunayan, sa araw ng pagdalaw namin, bitbit ang mga pagkain para sa mga detenido, lalo na sa isang nagdiriwang ng kanyang kaarawan, ay naka-hunger strike ang Morong 43.

Hindi na sila pinapag-araw sa umaga.  Hindi na sila pwedeng sabayang lumabas kapag may bumibisita.  Hindi na sila pwedeng magprograma sa waiting area.  Paisa-isa na lamang silang tinatawag.  Dito ko unang nakilala at nakakwentuhan si Jacque, ang estudyante sa UP College of Mass Communication.  At kahit ito ang unang pagkakataon, maraming napagkwentuhan ukol sa kanyang paglagi sa kolehiyo at pag-alagwa sa ibang larangan.

Marami kaming nakilala dahil maraming dalaw nitong Sabado ng hapon.  Habang dumadalaw ay gumagawa sila ng beads na bracelet, necklace at iba pang aksesorya na may slogan na “Free the Morong 43,” na mayroon na rin silang nagawang koreorapi at chant.  Naalaala ko noong panahon ng diktaduryang Marcos, na ang mga buto ng sinalvage na politikal na aktibista ay ginawang pendant at mayroong slogan na “Free all political prisoners.”

Mayroon din postcards at blangkong cards na may art work na likha ng detenidong politikal.  Naging plastik ang pendant.  At ilang dekada at ilang henerasyon ng detenidong politikal, busy pa rin sa paggawa ang kababaihang detenidong politikal ng Morong 43 ng aksesoryang tulong-pondo sa kanilang ipinaglalaban, pati pampalipas-oras sa panahon ng pagkakulong.

Nakilala ko ang butihing partner ni Neil, dating dekano sa Fine Arts.  Dinalaw ito ng kanyang kapatid.  Masaya ang pakukwentuhan.  Pero parating may bara sa lalamunan kapag sinasabi kong “Tibayan ang loob, matagal itong laban.”  Hanggang sa hindi intensyunal na barahin ako ng isa, sinabing madaling sabihin ito pero kapag nakakulong, mabigat unawain kung bakit sila nasa loob.

Yung isang inang detenido na dinalaw ng kanyang anak ay tinuruan ng bead work ang batang babae.  Hindi na nag-aaral dahil walang pang-aral.  At malungkot mang isipin, ito na ang bonding ng mag-ina.  Isang mag-asawa ang bitbit ang kanilang hyper na anak na napatahimik pamandali nang dumating ang isang paslit na babaeng tinutukso sa kanya.

Mahirap mangumusta sa mga detenido ng Morong 43.  Ano ang inaasahang isagot nila habang nakakulong at nakalutang sa ere ang kanilang butihing buhay, hiwalay sa pamilya, hindi makakilos sa larangan ng kalusugan na kanilang ibinabakang gawin?

Pero mas mahirap ang mamaalam.  Mas mabigat ang pag-iwan, at maluha-luha sa paglisan.  Napakadali kasing mamaalam sa kanila dahil nakakalabas kami ng detensyon.  Gayong sila, nananatiling nasa loob, nagdurusa.  Sila ang sintomas at katawan ng kawalan-katarungan sa bansang ito.  At ito na lamang ang nagdurugtong kung bakit ang bawat araw ay matinding araw ng higit pang pakikibaka.

Nagbasa ng tula si Joi, sinaluhan ng lahat ng pag-awit ng “Awit ng Pag-asa.”  Inawit din ang isang tula ni Joi, “Ang Pagiging Babae ay Pamumuhay sa Panahon ng Digma.”  Laking gulat ni Joi na alam ito ng mga babaeng detenido.  At sa pag-uusap namin habang papauwi, sinabi niyang ang pinakamaningning na sandali niya bilang makata ay naganap lamang.

Sa saglit na panahong ito, muling nabuhay ang programa sa detensyon.  Muling nakadagsa ang kalakhan ng detenidong politikal.  Muling nabuhayan na ang pagitan ng dalawang mundo sa bahagi ito ng Paranaque ay tulad ng pagitan sa bansa.  At sa dalawang oras na paglagi, kung bakit dito kami kumikiling.