Pinoy Weekly

Lakbayan: Militarisasyon, Balikatan, at kawalang-hustisya sa Luisita

Lourdes Intal, ina ng desaparecidong manggagawang-bukid sa Hacienda Luisita na si Ronald Intal (Ilang-Ilang Quijano)

Lourdes Intal, ina ng desaparecidong manggagawang-bukid sa Hacienda Luisita na si Ronald Intal (Ilang-Ilang Quijano)

Apat na taon na ang nakakaraan simula nang dukutin ng pinaghihinalaang mga miyembro ng 70th Infantry Batallion ng Philippine Army ang 24-anyos na si Ronald Intal, habang naghihintay ng motorsiklo sa Brgy. Balite, Hacienda Luisita. Dating manggagawang-bukid si Ronald at lider ng Samahan ng mga Kabataang Demokratiko sa Asyenda Luisita. “Hanggang ngayon, hindi pa rin ako nakakakain o nakakatulog kapag naaalala ko ang anak ko. Basta na lang tumutulo ‘yung luha ko. Masakit, dahil hindi na namin siya nakita,” ayon kay Lourdes Intal, ina ni Ronald.

Kasama si Nanay Lourdes sa mahigit 100 magsasaka mula sa asyenda na sumama sa Pambansang Lakbayan para sa Lupa at Hustisya. Tumulak sila sa Tarlac City noong Oktubre 18 at inaasahang darating sila sa Kamaynilaan bukas, Oktubre 20. Kasama ng iba pang mga magsasaka mula sa Gitnang Luzon at Timog Katagalugan, malaking kilos-protesta sa Mendiola ang kanilang puntirya. Pero bago noon, tutungo muna ang mga taga-asyenda para magprotesta sa harap ng Korte Suprema.

Idineklara ni Pang. Benigno Aquino III na “hands off” siya sa usapin sa Luisita. Pero para mga magsasaka, kabaligtaran ang ibig sabihin nito: na ang hindi niya pagkilos para ipatupad ang desisyon ng Presidential Agrarian Reform Council (PARC) na ipamahagi na ang lupa ay isang malinaw na pagkiling sa pamilya nito, na paalala ni Nanany Lourdes, ay mayroon pang “utang na dugo.”

“Traydor ‘yan (Aquino). Ipinakita niyang wala siyang pakialam sa mga tao sa asyenda. Kaya kami talaga, ipinaglalaban namin ang aming mga karapatan, dahil kung hindi ay made-demolish kami sa asyenda. Ganyan yang mga berdugo na ‘yan, walang awa sa tao,” sabi ni Nanay Lourdes.

Sa kabila ng Bagyong Juan, sumama sa Lakbayan ang mahigit-kumulang 100 magsasaka ng Hacienda Luisita. (Ilang-Ilang Quijano)

Sa kabila ng Bagyong Juan, sumama sa Lakbayan ang mahigit-kumulang 100 magsasaka ng Hacienda Luisita. (Ilang-Ilang Quijano)

Sinasabi ng mga taga-asyenda na simula nang maupo sa puwesto si Aquino, lalo pang lumaki ang deployment ng militar sa kanilang lugar. Tatlong detatsment ng 69th IB ang nakatayo sa Brgy. Balite, bukod pa sa mga puwersa ng Civilian Armed Forces Geographical Unit (Cafgu) na palihim na nakahimpil sa loob ng mga komunidad sa 10 barangay ng asyenda. Umaga noong unang araw ng Lakbayan, hindi nakapagprograma ang mga magsasaka sa basketball court ng Brgy. Balite dahil hinarang sila ng mga sundalong militar at sinabing ipinagbabawal iyon. Napilitan silang ilipat sa Brgy. Mapalacsiao ang programa.

Sa kabila nito, nanatiling determinado ang mga magsasaka. Nagkaroon ng mga pagkulturang pagtatanghal at mensahe ng pagkakaisa mula kay Anakpawis Rep. Rafael Mariano at mga lider-magsasaka sa Gitnang Luzon.

Panoorin ang pagkanta ng “Sierra Madre” ng Demo Stratos, grupong pangkultura ng kabataan sa asyenda:

Leonarda Halili, habang dumaraan ang sasakyan sa tubuhan ng asyenda. (Ilang-Ilang Quijano)

Leonarda Halili, habang dumaraan ang sasakyan sa tubuhan ng asyenda. (Ilang-Ilang Quijano)

Mas marami pa sanang magsasaka ang makakasama sa Lakbayan, ayon sa mga taga-asyenda. Pero kinailangan ng marami na gapasin ang kanilang palay, para maisalba ito mula sa hagupit ng Bagyong Juan. Gayunpaman, hahabol pa rin ang ibang magsasaka pagkatapos ng madaliang gapasan. (Simula nang harangin ng mga Cojuangco-Aquino sa korte ang desisyon ng PARC noong 2005, kusa nang binungkal ng mga magsasaka ang may 2,000 ektarya sa loob ng asyenda).

Contingent ng Gitnang Luzon sa Pambansang Lakbayan para sa Lupa at Hustisya. (Ilang-Ilang Quijano)

Contingent ng Gitnang Luzon sa Pambansang Lakbayan para sa Lupa at Hustisya. (Ilang-Ilang Quijano)

Habang nagsasalita sa mikropono sakay ng nangungunang sasakyan ng Lakbayan, isiniwalat ni Leonarda “Nanay Leoning” Halili, taga-Brgy. Cutcut at isang lokal na lider sa asyenda, na may planong maglunsad ng Balikatan, ehersisyong militar sa pagitan ng mga tropang Amerikano at Pilipino sa loob ng Hacienda Luisita. Nang tanungin ng Pinoy Weekly hinggil dito, sinabi niyang may balitang isasagawa ito sa Brgy. Bantog sa susunod na taon. “Siyempre gagawin namin ang lahat para hindi ito matuloy. Kawawa naman kami kapag natamaan kami ng ligaw na bala. At tiyak na lalong lalaki ang deployment ng militar. Ngayon pa nga lang, santambak na sila,” aniya.

Panoorin ang panghihikayat ni Nanay Leoning ng suporta mula sa mga mamamayan, habang naglalakbay:

1 2

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=10343

Posted by on Oct 19 2010. Filed under Lathalain, Multimedia. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes