Pinoy Weekly

Bulaga ng masamang balita

Sa pagsisimula ng taong 2011, maraming balitang bumulaga sa natutulog na diwa. Tumaas na ang singil sa North Luzon Expressway (NLEX) at South Luzon Expressway (SLEX). Tataas na rin ang flagdown rate ng mga taksi. May planong itaas ang pamasahe sa Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT). Pati ang pamasahe sa jeepney, baka tumaas na rin daw, ayon sa isang mataas na opisyal ng gobyerno. At, siyempre pa, hindi magpapahuli ang mga may-ari ng bus na bumibiyahe sa South Luzon na naghain na rin ng petisyon para sa pagtataas ng pamasahe.

Taas dito, taas doon. Ano na lang ang matitira sa kakarampot na suweldo? Ayaw kong isiping “maliit na konsolasyon” ang napabalitang mas mababang singil sa kuryente sa buwan ng Enero, salamat diumano sa MERALCO. Pasensiya na po sa negatibong diskurso, pero alam naman natin ang taas-babang katangian ng singil hindi lang sa kuryente kundi maging sa tubig. Kaya sa usapin ng singil sa kuryente, posibleng posible ang mababang bayarin ngayon at mas mataas na singil bukas!

Ito ang mga pagkakataong ayaw ko nang magbasa ng diyaryo, makinig sa radyo o manood ng telebisyon. Masisira lang kasi ang umaga’t magiging bugnutin lang ako sa maghapong pagtatrabaho. Pero dahil isa akong guro’t peryodista, kailangang malaman ko ang pinakahuling balita. Puwersado akong magsuri sa mga nangyayari sa ating lipunan, kahit na nangangahulugan ito ng mas matindi pang pag-aalala sa maaaring mangyari sa kakarampot kong kita.

Opo, personal ang pulitikal para sa akin. Habang sinusuri ang implikasyon ng mga polisiya’t programa sa buhay at kabuhayan ng mga Pilipino, sa likod ng aking utak ay iniisip ko rin ang maaaring epekto ng mga ito sa aking araw-araw na buhay. Tulad ng pagtuligsa sa mga panibagong pahirap sa nakararaming mamamayan, madalas na tumutugma ang aking personal na pananaw sa pulitikal na interes ng nakararami.

Simple lang ang dahilan: Iisang karanasan ang ating pinanggagalingan. Gusto mo bang malaman ang aking personal sa kalagayan? Kahit na may sariling sasakyan kaming mag-asawa, napag-usapan na naming gagamit pa rin kami ng pampublikong transportasyon para makatipid sa gasolina. Sa katunayan, mas gusto ng aking asawang gumamit ng LRT mula Katipunan (na kung saan inihahatid ko siya) papuntang Maynila kung saan siya nag-oopisina. At mula sa Maynila, madalas na sumasakay siya ng dyip o FX (o kung minsan nama’y gumagamit ding muli ng LRT) para pumunta sa aking opisina sa Quezon City para sabay kaming umuwi. Ganito na ang aming sistema sa mga nakalipas na taon.

Kung totoo ang balitang tataas nang P8.00 ang pamasahe sa LRT Line 1 (Roosevelt-Baclaran) at Line 2 (Santolan-Recto), ibig sabihin lang nito’y maaaring umabot sa P32.00 araw-araw ang dagdag sa pamasahe ng asawa ko sa kanyang pagpunta sa Maynila at pagbiyahe sa Quezon City sa pagtatapos ng kanyang trabaho (kung siya ay sasakay sa parehong linya ng LRT mula Katipunan papuntang Maynila, gayundin sa kanyang pagbalik).

Sa simpleng paggamit ng matematika, alam nating ito ay nangangahulugan ng dagdag-pasaheng P160 mula Lunes hanggang Biyernes, o P640 bawat buwan. Aba, hindi po biro ang ganitong pagtaas ng pamasahe. Nakakatawa’t nakakairita ang suhestiyon ng isang mataas na opisyal ng gobyerno na dapat matutong magtipid sa pagpapadala ng text message ang mga tao para matugunan ang nakaambang pagtaas sa pamasahe sa LRT at MRT. Siguro’y hindi alam ng opisyal na ito na matagal nang nagtitipid sa maraming mapanlikhang paraan ang nakararaming mahihirap para lang mapagkasya ang kanilang katiting na kita.

Aba, marami akong kakilalang tinitipid ang kanilang load sa cellphone sa pamamagitan ng hindi pagsagot sa aking mga mensahe. At kung kailangan nila akong kausapin, missed call lang ang kanilang ginagawa para “magparamdam” ng pangangailangang tawagan ko sila. Hindi na kailangang pagsabihan ang nakararaming mahihirap na magtipid: Matagal na matagal na nilang ginagawa ito.

Alam kaya ng opisyal na itong kahit ang gamot ay tinitipid din sa pamamagitan, halimbawa, ng paghahati ng mga tableta? Minsan naman, kalahati lang (o mas kakaunti pa) sa kinakailangang dosage ang binibili sa botika ng mahihirap dahil kapos sa pera.

At sa usapin naman ng pagkain sa araw-araw, siguro’y hindi alam ng mga nasa kapangyarihan ang sitwasyong maaari nang bumili sa karinderya ng kalahating ulam at pagkain. Biro ng maraming mahihirap, makakaya nang magtrabaho pagkatapos kumain nang kaunti dahil ang isang manggagawa’y kalahating gutom na lang!

Bagong taon para sa lumang tao. Bagong pagkakataon sa lumang sitwasyon. Ano ang iyong pangako para sa taong ito? May plano ka bang baguhin? Kung ako ang tatanungin, mainam na sama-sama nating tutulan ang mga panukalang lalong magpapahirap sa atin!

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=11479

avatar Posted by on Jan 11 2011. Filed under (Kolum), Konteksto. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Pinoy Print Issues

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Log in | Designed by Gabfire themes
More in (Kolum), Konteksto (426 of 712 articles)