Husgahan Natin

Pagbatikos sa Korte Suprema

Sa panig ng mga manggagawa, hindi na sila bago sa mga desisyon ng Korte Suprema na lumalabag sa interes ng kanilang uri. Marami nang pagkakataon kung saan naging laban sa mga manggagawa at pabor sa mamumuhunan ang naging desisyon ng Korte Suprema.

Nitong mga nakaraang linggo, naging sentro ng atensiyon ang Korte Suprema dahil sa naging desisyon nito sa kaso ni Hubert Webb. Sa tingin ng marami ay hindi tama ang naging hatol ng Korte Suprema sa kasong ito, kaya’t iba’t ibang batikos sa pamagitan  ng media ang tinanggap ng  Korte Suprema. May  mga pagkilos ding isinagawa ang prominenteng mga personahe upang  pilitin ang Korte Suprema na  baguhin ang kanyang hatol.

Sa  panig ng mga manggagawa, hindi na sila bago sa mga desisyon ng Korte Suprema na  lumalabag sa interes ng kanilang uri. Marami nang pagkakataon  kung saan naging laban sa  mga manggagawa at pabor sa mamumuhunan ang naging desisyon ng  Korte Suprema. Ito marahil ang dahilan kung bakit  may mga manggagawang wala nang tiwala sa hukuman at umaasa na lamang sa ibang pamamaraan upang makamit ang minimithi nilang katarungan.

Isa sa mga naging mapait na karanasan ng mga manggagawa sa Korte Suprema ang tungkol sa  usapin ng  due process, partikular sa pagbibigay ng kapitalista ng abiso sa manggagawa bago ito tanggalin. Ayon sa dating mga desisyon ng Korte Suprema, tungkulin ng isang kompanya na bigyan ng abiso ang isang manggagawa bago ito tanggalin sa kanyang trabaho. Kapag tinanggal ng kompanya ang isang manggagawa sa kanyang trabaho na walang abiso, magiging ilegal ang pagkatanggal ng manggagawa (Tingson vs. NLRC, 185 SCRA 498; Ruffy vs. NLRC, 182 SCRA 365). Ibig sabihin, magbabayad ng  backwages ang kompanya sa manggagawa  at   ibabalik  pa niya ang huli sa kanyang trabaho.

Kaya sa ilalim ng doktrinang ito, madaling ipanalo ang illegal termination case laban sa kompanya. Sapat na na walang due process ang ginawang pagtanggal sa isang manggagawa. Kahit na mapatunayan na may sapat na dahilan pero walang due process, talo na ang kompanya at pwede nang ibalik ang manggagawa sa kanyang trabaho.

Ngunit simula noong 1989, nagbago ang pananaw sa due process ng Korte Suprema. Simula sa kaso ng Wenphil Corporation vs. NLRC ( G.R. No. 80587, February 8, 1989), dineklara ng Korte Suprema na hindi sapat ang kawalan ng abiso upang maging ilegal ang pagkatanggal ng isang manggagawa mula sa kanyang trabaho. Kung tinanggal siya na walang abiso ngunit may sapat na dahilan ang kompanya para tanggalin siya, hindi na ituturing na labag sa batas ang kanyang pagkatanggal. Ibig sabihin nito, hindi na makakabalik sa kanyang trabaho ang manggagawa. Hindi na rin siya babayaran ng kanyang backwages. Babayaran na lamang siya ng danyos  dahil sa paglabag ng kompanya sa kanyang karapatang mabigyan ng tamang abiso.

Patuloy na pinapairal ng Korte Suprema ang ganitong doktrina sa kasalukuyan.  Hindi na tuloy natatakot ang mga kompanyang labagin ang karapatan ng mga manggagawang mabigyan ng tamang abiso. Tutal, may pera naman silang pambayad ng damages. Hindi katulad noon na hindi lang makasunod sa tamang abiso ang isang kompanya sa pagtanggal sa kanyang manggagawa,   malaki na ang magiging kasalanan ng kompanya.

Isa pa sa mga desisyon ng Korte Suprema na lumalabag sa karapatan ng  mga manggagawa ang pagkilala nito na hindi na maaaring ibalik sa trabaho ang isang manggagawa,  kahit labag sa batas ang kanyang pagkatanggal. Basta’t may lamat na ang relasyon sa pagitan ng manggagawa at kompanya.

Alinsunod sa Article 279 ng Labor Code, ang isang manggagawang napatunayan na tinanggal ng labag sa batas ay dapat ibalik sa kanyang trabaho at babayaran ng backwages. ’Yan ang sabi ng batas.

Ngunit may dagdag dito ang Korte Suprema. Kung ang pagtanggal sa manggagawa ay nagbunga  ng “strained relationship” sa pagitan niya at ng manedsment, hindi na maaaring ibalik sa kanyang puwesto ang manggagawa kundi babayaran na lamang siya ng separation pay.

Ganito ang desisyon ng Korte Suprema sa kasong Artemio Labor vs. NLRC; G.R. No. 110388, September 14, 1995 at Mendoza vs. NLRC, G.R. No. 131405, July 20, 1999 at sa mga sumunod pang mga kaso rito.

Kaya kahit gaano pa ka ilegal ang pagtanggal ng kompanya sa isang manggagawa sa trabaho nito, hindi na maaring ibalik ang manggagawa sa kanyang trabaho basta’t may lamat na ang samahan niya  at ng kanyang kompanya. Babayaran na lamang ang manggagawa ng kanyang separation pay ng kompanya.

Halimbawa, galit ang manedsment sa isang manggagawa at pinagbintangan nila itong nagnakaw para mapaalis sa kanyang trabaho. Kinasuhan pa nila ito ng qualified theft sa husgado. Nagsampa ng labor case ang manggagawa at nanalo dahil wala naman talaga siyang ninakaw. Kung susundin ang batas ay dapat na siyang ibalik sa kanyang trabaho, pero hindi siya makakabalik kungdi babayaran na   lamang ng kanyang backwages, ayon sa Korte Suprema. Bakit? Dahil masama na raw ang relasyon ng manggagawa at ng manedsment bunga ng nakabinbin na kasong kriminal sa pagitan nila at hindi na makakabuti kung magsama pa silang muli sa isang bubong.

Hindi naaayon sa Labor Code ang desisyong ito ng Korte Suprema. Subalit dahil ito nga ang awtoridad pagdating sa interpretasyon ng batas, sinusunod ng  ating hukuman ang doktrinang  ito  ng Korte Suprema. Kaya sa ilalim ng doktrina ng strained relations, kahit pinagbabayad  man ng separation pay ang kompanya, naging matagumpay naman ito sa kanyang hangaring mapatalsik ang isang manggagawa sa kanyang trabaho. Malinaw na pinapahalagahan ng doktrinang ito ang karapatan ng mga namumuhunan at hindi ang karapatan ng mga manggagawa.

Kaugnay ng pagpapahalaga sa karapatan ng mamumuhunan, idineklara din ng Korte Suprema na ayon sa batas  ang fixed-term contract o pagsagawa ng kontrata kung saan nilalagyan ng taning ang pagtatrabaho ng isang manggagawa. Ayon sa Labor Code, hindi maaaring tanggalin nang walang sapat na batayan ang isang regular na manggagawa. Ngayon , upang maikutan ito, ang ginagawa ng mga  kompanya ay pinapapirma ng ang kanilang mga  manggagawa ng kasunduang   kung ilang buwan lamang ang kanyang pagtatrabaho. Pagkatapos ng takdang panahon, tanggal na ang kawawang manggagawa sa kanyang trabaho. Lumalabag ba ito sa Labor Code?  Ayon sa  Korte Suprema,  hindi.

Sinimulan ito ng Korte Suprema sa Brent School, Inc. vs. Zamora; G.R. No. 48494, February 5, 1990. Sa nasabing kaso, may kontratang nagsasabing limang taon lamang maninilbihan ang empleyado ng isang eskuwelahan. Pagkalipas ng limang taon, hindi na ulit kinuha ang empleyado. Nagreklamo siya na labag sa batas ang kasunduan nila ng manedsment. Ang hatol ng Korte Suprema, legal ang nasabing kontrata maliban lamang kung maipakita ng manggagawa na ginawa ito upang maiwasan ang obligasyon ng kompanyang gawing regular ang  kanyang mga empleyado o di kaya’y napilitan lamang siyang lagdaan ang nasabing kontrata.

Hanggang sa ngayon ay patuloy na umiiral ang doktrinang ito  ng Korte Suprema at dumadami na  ang  mga kompanyang  gumagamit ng fixed-term contract. Ngunit hindi kaya mas maganda kung antimano ay  idineklara ng Korte Supremang labag sa batas ang pag-gawa ng fixed-term contracts? Bakit kailangan pang ang manggagawa ang magpakita ng pruweba na labag sa batas ang kontratang ito? Hindi ba mas maganda kung ang obligasyon para patunayang hindi labag sa batas ito ay nasa bahagi ng manedsment?

Marami pang mga desisyon ang Korte Suprema na hindi na natin mabanggit dahil sa kakulangan ng espasyo. Ngunit umaasa pa rin tayong darating ang panahon na mababago lahat ng ito.