Di lang pagkontrol sa populasyon


Pangangalaga sa kalusugan ng babae, bata’t matanda ang pakay ng Reproductive Health Bill na ipinapanukala ng Gabriela Women’s Party sa Kamara. Duda silang matutugunan ito ng pinalabnaw na bersiyon na Responsible Parenthood Bill ng Malakanyang.

Sina Gabriela Reps. Luz Ilagan at Emmi de Jesus, sa isang press conference matapos maipasa ang panukalang batas hinggil sa komprehensibong reproductive health ng kababaihan. (Larawan mula sa Gabriela Women's Party)
Sina Gabriela Reps. Luz Ilagan at Emmi de Jesus, sa isang press conference matapos maipasa ang panukalang batas hinggil sa komprehensibong reproductive health ng kababaihan. (Larawan mula sa Gabriela Women's Party)

Sang-ayon ang mga kinatawan ng grupong pangkababaihan na Gabriela sa mga pahayag ng Malakanyang at Simbahang Katoliko na walang kaugnayan ang lumalagong populasyon sa kahirapan.

Pero maaari umanong mapunta sa maling direksiyon ang Palasyo sa pamamagitan ng pagsusulong ng tinaguriang Responsible Parenthood Bill (RP Bill) kung magtutuon lamang ito ng pansin sa paglilimita sa pag-aanak at hindi ikokonsidera ang pangangailangan ng reproduktibong pangkalusugan ng kababaihan, bata at matanda.

Idineklara kasi ng Malakanyang ang intensiyon nitong isumite sa Kongreso ang RP Bill bilang isa sa mga panukalang batas na nais nitong agarang akasiyunan ng Kamara.

Nauna nang ipinahayag ng Palasyo na ang RP Bill ay hindi isang paraan para kontrolin ang populasyon kundi para mabawasan ang kahirapan. Itinanggi ng Malakanyang na pinalabnaw na bersiyon lamang ito ng Reproductive Health Bill (RH Bill).

Matatandaang naipasa na sa House Committee on Population and Family Relations noong Enero 31, 2011 ang RH Bill na may pamagat na “An Act Providing for a Comprehensive Policy on Responsible Parenthood, Reproductive Health and Population and Development,” mula sa mga panukalang isinampa ng mga mababatas na kinabibilangan nina Gabriela Reps. Luzviminda Ilagan at Emerenciana de Jesus. Nitong Pebrero 16, ipinasa na Kongreso ang P731 Milyong alokasyon ng Department of Health para sa pagpapatupad diumano ng reproduktibong kalusugan ng kababaihan.

Gayunman, ipinahayag ng Palasyo kamakailan na hindi pa pumuposisyon si Pangulong Aquino sa konsolidadong RH Bill na tinatala kay sa Kamara.

Tutol ang Simbahang Katoliko sa RH Bill at sumusuporta sa natural na paraan ng pagpaplano ng pamilya dahil tinatangkilik umano ng una ang paggamit ng mga kontraseptibo na ayon sa kanila ay nagiging sanhi ng aborsiyon.

Iginiit naman ni De Jesus na komprehensibong balangkas sa reproduktibong pangkalusugan ang dapat gamitin na nakabatay sa prinsipyo ng mga karapatan. Nangangahulugan ito na may obligasyon ang gobyerno sa pagpapaunlad ng mga serbisyo at programa para sa reproduktibong pangkalusugan gamit ang life cycle approach at ikinukonsidera ang pangangailangan ng mga differently-abled.

Nangangahulugan din ito na dapat bigyan ng pansin ang kalusugang sa isip ng mga batang babae at kababaihan lalo na sa kaso ng depresyon matapos ang panganganak kung saan nagkakaroon ng pagbabago sa hormones ng mga babae.

Sa bersiyon ng Gabriela ng RH Bill, isinaalang-alang nito ang pagkakaroon ng akses ng mga batang babae at kababaihan sa serbisyong pangkalusugan, lalo sa mga mahihirap. Panukala rin nitong magkaroon ng libreng serbisyo sa reproduktibong pangkalusugan para sa mahihirap na kababaihan.

Kasama rin sa panukala ng Gabriela na dapat bigyan ng mga employer ng half-day leave ang mga buntis sa kanilang trabaho kada buwan para makapagpatingin sa doktor, na magbibigay daan sa tamang pangangalaga sa kanilang pagbubuntis.

Tinitingnan ng Gabriela ang RH Bill bilang pangangalaga sa kabuuan ng kalusugan ng kababaihan, mula sa sinapupunan hanggang sa kanyang pagtanda.

Naniniwala sila na hindi dapat mamatay ang mga babae sa panganganak dahil lamang sa kahirapan. Hindi dapat umano magdusa sa hindi naagapang sakit ang mga babae na nagdudulot ng kanser tulad ng cervical, breast, vulvar, ovarian o mga katulad dahil lamang wala silang akses sa tamang pamamalakad sa serbisyong pangkalusugan.

“Malinaw na ang mga ito ay nangangahulugan ng mas malawak na saklaw ng isyung pangkalusugan na kinakaharap ng mga kababaihan, kaugnay ng kanilang sistemang reproduktibo,” ayon kay De Jesus.

Nanawagan ang Gabriela sa lahat ng sektor ng lipunan na itaguyod ang karapatang pantao at magkasundo sa isang obhetibong pagpapasya sa RH Bill.

“Kailangan nating suportahan ang isang komprehensibong RH Bill na maggigiit na ang reproduktibong pangkalusugan ay isang obligasyon ng gobyerno, gaano man tinatangka ng simbahan na impluwensiyahan ang pamamahala ng gobyerno,” sabi pa ni De Jesus.

* * *

Sidebar: isang sulyap sa kalagayang pangkalusugan ng kababaihan sa Pilipinas

  • Umaabot sa 97% ng mga Pilipino ang naniniwalang mahalaga ang pagkakaroon ng kontrol sa panganganak o magplano ng pamilya, 87% sa mga sumagot sa sarbey na ito ay mga Romano Katolika (Pulse Asia Survey, Peb. 2004)
  • 162 ang babaing namamatay sa bawat 100,000 panganganak. (Family Planning Survey 2006).
  • Panganganak ang bumubuo sa 14% ng kamatayan ng mga kababaihan. Sampung babae ang namamatay sa bawat araw dahil sa pagbubuntis o mga komplikasyon dulot ng panganganak. (Popcom 2000).
  • 29 sanggol sa bawat 1,000 panganganak ang namamatay bago sumapit ng isang taong gulang, 40 bata ang namamatay bago umabot sa limang taong gulang. (NSO, National Demographic and Health Survey 2003)
  • 2.5 ang ideyal na bilang ng anak na gusto ng kababaihang Pilipino pero dahil sa kakulangan ng impormasyon at akses sa serbisyo sa pagpaplano ng pamilya, ang aktwal na nagiging anak ay 3.5. (NSO, NDHS 2003)
  • 49.3% lamang ng kababaihan ang gumagamit ng anumang paraan ng kontrasepsiyon, una rito ang paggamit ng pills, sunod ang female sterilization at  calendar rhythm. Ang kondom, na bagamat malawakang ipinamamahagi ay 1.9% lamang ang kabuuang nagagamit.
  • Ang paggamit ng modernong paraan ng pagpaplano ng pamilya tumaas dahil sa antas ng edukasyon sa kababaihan ( (NSO, 2003 NDHS)