Husgahan Natin

Pagkatapos ng kaso

Ang mga manggagawa ay maaaring manalo sa kanilang kaso laban sa kanilang kompanya. Ngunit ibang bagay ang manalo at ibang bagay naman ang makakolekta. Mas madalas, panalo ang manggagawa sa kaso ngunit walang saysay ang panalong ito dahil wala na siyang maaaring kolektahin sa kompanya.

Ang mga manggagawa ay maaaring manalo sa kanilang kaso laban sa kanilang  kompanya. Ngunit ibang bagay ang manalo at ibang bagay naman ang makakolekta. Mas madalas, panalo ang manggagawa sa kaso ngunit walang saysay ang panalong ito dahil wala na siyang maaaring kolektahin sa kompanya.

Kapag nangyari ito, maaari ba niyang singilin ang presidente ng kompanya o ang pamilya ng huli?

Ang desisyon ng Korte Suprema sa kasong  “Paquito Ando vs. Andresito Campo, et. al. “ (G.R. No. 184007) na hinatulan nitong Pebrero 16, 2011 lamang ay makakatulong sa atin sa pagsagot sa nabanggit na katanungan.

Manggagawa sa isang kompanya ng asukal sina Andresito. Tinanggal sila ng manedsment  sa kanilang mga trabaho kaya’t nagsampa sila ng kasong illegal dismissal laban sa kompanya . Kasama rin sa kanilang dinemanda ay si Paquito na siyang presidente  ng kompanya. Sa kabutihang palad, nanalo naman sila tanggapan ng Labor Arbiter at pinagbayad ng mahigit  P400,000 ang kompanya. Inapela ng kompanya sa National Labor Relations Commission (NLRC) ang kaso ngunit talo pa rin ito.

Naging  final ang desisyon at hiniling nina Andresito ang agarang pagpatupad dito. Bilang pagtugon ay agad namang naglabas ng writ of execution ang Labor Arbiter na nag-utos sa Sheriff na ipatupad na ang desisyon kung saan panalo sina Andresito.

Agad namang hinatak ng Sheriff ang isang lupa na pag-aari ni Paquito at kanyang asawa. Total, katuwiran  niya, kasama naman si Paquito sa demanda.

Nagsampa ng kaso sa Regional Trial Court (RTC) si Paquito para pigilan ang Sheriff sa ginawa nitong paghatak sa lupa nilang mag-asawa. Ang kanyang dahilan: Hindi pag-aari ng kompanya ang lupa kundi pag-aari niya at ng kanyang asawa. Sa kasamaang palad, dinismis ng RTC ang kanyang kaso dahil sa kawalan ng jurisdiction dito. Ayon sa RTC, dahil sa kaugnay ng labor case ang kasong inisampa ni Paquito rito, dapat ay sa NLRC pa rin siya nagsampa ng kaso para patigilan ang paghatak ng Sheriff sa lupa nilang mag-asawa, hindi sa RTC.

Inakyat ni Paquito ang kaso sa Court of Appeals pero hindi pa rin siya pinakinggan. Napilitan siyang dalhin ang kaso sa Korte Suprema.

Pinanigan ng Korte Suprema si Paquito.

Ayon sa Korte Suprema,  tama ang RTC sa ginawang pag-dismiss sa kaso ni Paquito na naglalayong pigilan ang Sheriff sa paghatak sa lupa na pag-aari nilang mag-asawa.  Dahil  may kaugnayan sa labor case, dapat lamang na  sa NLRC ito isinampa  at hindi sa RTC. Ganun pa man, dahil sa katagalan ng panahong lumipas mula nang mahatak ang lupa nina Paquito,   dapat nating isantabi ang  teknikalidad at desisyunan ang kaso batay sa kung ano ang tama, paliwanag ng Korte Suprema.

Kung ganun, may karapatan ba ang Sheriff na hatakin ang nasabing lupa bilang kabayaran ng mga manggagawa?

Wala, sabi ng Korte Suprema. Ito ay puwedeng mahatak kapag ito ay pag-aari ng kompanya. Subalit ito ay pag-aari ni Paquito at ng kanyang asawa. Ito ay hindi pag-aari ng kompanya. Si Paquito ay sinama sa naturang demanda bilang presidente  ng kompanya at hindi sa personal niyang kapasidad. Walang sinasabi ang desisyon na may personal na pananagutan  si Paquito. Kaya dapat lamang na pag-aari lamang  ng kompanya ang puwedeng pambayad sa mga manggagawa nito, hindi pati lupa ni Paquito.

Isa pa, kailangang mabigyan ng due process ang isang panig bago panagutin ng husgado. Inuutos ito ng ating Saligang Batas. Sa nasabing kaso, hindi kasama ang asawa ni Paquito sa dinemanda nina Andresito. Kaya hindi maaring kunin ang lupa kung saan isa sa may-ari ang nasabing asawa. Kapag pinayagan ito, paliwanag ng Korte Suprema, ay pinapayagan na rin natin ang pagkawala ng ari-arian ng isang panig kahit walang  due process.

Kaya kayong mga manggagawang panalo na sa inyong mga kaso, tiyakin kaagad na pag-aari ng kompanya ang inyong pinapa-sheriff. Kung hindi, baka magkaproblema kayo tulad nina Andresito.