Noynoy sa UP: ‘Emperador na walang damit’


Binulabog ng protesta ng mga estudyante, guro at kawani ng Unibersidad ng Pilipinas si Pangulong Noynoy Aquino noong UP Graduation. Ang mensahe: Walang pagbabagong dala ang kanyang administrasyon.

Pangulong Aquino: Inasahan na ang protesta sa UP, pero tila nagulat pa rin sa mensaheng "walang pagbabagong" dala ang kanyang bagong administrasyon. (Larawan ni Abraham Arboleda / UP SIO)
Pangulong Aquino: Inasahan na ang protesta sa UP, pero tila nagulat pa rin sa mensaheng "walang pagbabagong" dala ang kanyang bagong administrasyon. (Larawan ni Abraham Arboleda / UP SIO)

Aminado si Pang. Benigno Aquino III na nag-atubili siyang pumunta noong araw na iyon, Abril 17, sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) sa Diliman, Quezon City. Kasi naman, may mahabang tradisyon ang pamantasan ng pagtutol at protesta, sa mga pangulo at nakatataas na mga opisyal ng pamahalaan.

“Aaminin ko po: hindi madaling humarap sa inyo, lalo na’t tila ba may tradisyon na ang Republika ng Diliman na magbigay ng mainit at masalimuot na pagsalubong sa mga dumadalaw na opisyal ng pamahalaan,” sabi ni Aquino, sa kanyang talumpati matapos tanggapin ang iginawad ng UP na Doctor of Laws (honoris causa).

Ang hindi nasabi ni Aquino, may espesyal na pagturing ang militanteng mga estudyante at guro sa mga pangulo at nakatataas na mga opisyal na anila’y may malaking kasalanan sa sambayanan. Si Aquino, maaaninag sa mga plakard ng mga nagprotesta, kinokondena dahil sa kawalan ng pagbabago sa kanyang administrasyon sa kabila ng mabubulaklak na mga pangako noong nakaraang kampanya sa halalan.

Nagawang ipahayag ng mga estudyante, guro at kawani ng pamantasan, sa pamumuno ng alyansang UP Kilos Na, ang sentimyentong ito sa harap ng Pangulo at lahat ng mga estudyante. Mabilis silang naharang, napaatras ng mga armado at makukulit na mga ahente ng UP Police at Presidential Security Group (PSG). Pero huli na ito: nakuhanan na ng mga kamera at narinig na ng buong pamantasan at bansa ang mga pahayag.

Ang mensahe ng pahayag: “Walang damit ang emperador.”