Pandarambong sa likas-yaman nagpapatuloy kay P-Noy – Kalikasan


Suot ang mga makukulay na sombrero, daan-daang mga miyembro ng mga iba’t ibang grupong pangkilakasan ang nagmartsa sa kahabaan ng Claro M. Recto Avenue patungong Mendiola Bridge upang iprotesta ang kawalang-aksiyon ng administrasyong Aquino sa lumalalang pagkasira ng kalikasan sa bansa.

Clemente Bautista ng Kalikasan-PNE (Ralph Angelo Ty)
Clemente Bautista ng Kalikasan-PNE (Ralph Angelo Ty)

Suot ang mga makukulay na sombrero, daan-daang mga miyembro ng mga iba’t ibang grupong pangkalikasan ang nagmartsa sa kahabaan ng Claro M. Recto Avenue patungong Mendiola Bridge upang iprotesta ang kawalang-aksiyon ng administrasyong Aquino sa lumalalang pagkasira ng kalikasan sa bansa.

Ayon sa Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan-PNE), ang mobilisasyon ay bahagi na rin ng kanilang maagang paggunita sa nalalapit na Earth Day sa Abril 25. Bukod sa mga grupong pangkalikasan, nilahukan rin ito nga Bayan Muna, ACT Teachers Party-list, Gabriela, UP Explore, at Promotion of Church People’s Response o PCPR.

Sinabi ni Clemente Bautista, pambansang tagapag-ugnay ng Kalikasan-PNE, walang pagbabago sa ilalim ng administrasyong Aquino ang mga tao pagdating sa mga repormang pangkalikasan.

Bigo umano si Aquino na maglabas ng isang komprehensibong plano sa paglinang ng likas-yaman ng Pilipinas. Sa halip, lalo pang napaigting ang panghihimasok ng dayuhang mga kompanya sa bansa upang maghukay ng mga yamang-lupa sa mga kabundukan ng bansa.

Ayon kay Bautista, mahigit isang milyong ektarya ng lupa ang kasaulukuyang nang nailaan para sa malalaking proyektong pagmiminang nakapangalan sa dayuhang mga korporasyon. Mahigit apat na milyong ektarya naman ng kagubatan ang nakapaloob na sa iba’t ibang mga kasunduang pagtotroso.

Lalo rin umanong lumakas ang kontrol ng tinaguriang mga burgesya-komprador, tulad ng mga pamilyang Lopez, Ayala, at Cojuangco, sa industriya ng enerhiya.

Ayon naman kay Fenny Cosico ng Agham, kailangang bantayan sa Kamara ang mga panukalang batas na naglalayong buhayin muli ang Bataan Nuclear Power Plant (BNPP).

Sa kasalukuyan, may dalawang nakasalang na mga panukalang batas, ang House Resolution 4631 at ang Senate Bill 2665, na naglalayong irekomenda ang pag-aaral sa BNPP.

Ani Cosico, bukod sa mahigit na 4,000 depekto na natagpuan ng mga eksperto sa BNPP, ito ay nakatayo malapit sa isang aktibong bulkan at sa Manila Trench, na maaaring gumalaw at magdulot ng lindol anumang oras. Kulang rin daw ang teknikal na kakayahan ng bansa upang magpatakbo ng mga plantang nukleyar, at maaaring maging mas malala pa sa Chernobyl sa Rusya at Fukushima sa Japan ang pinsala kung sakaling magkaroon ng nuclear fall-out sa Pilipinas.

Dagdag pa niya, kakalinganin rin ang pag-aangkat ng uranium na gagamitin sa pagpapatakbo ng planta, at ito walang magiging kaibahan sa pagiging dependent ng bansa sa langis.

Kolektibong hinihingi ng mga grupo ang pagbabasura sa mga “mapanikil” na polisiyang pangkalikasan ng pamahalaan, tulad ng Forestry Code, Electric Power Industry Reform Act (Epira), at Mining Act of 1995.

Ang mga batas na ito ang nagdulot ng liberalisasyon sa mga industriya ng pagmimina at ng enerhiya. Ayon sa kanila, sa halip na pakinabangan ng mga mamamayan ang mga likas na yaman ng bansa, naging pasakit pa umano ang matataas na bayarin sa krudo, kuryente, at ang pagpapaalis sa mga katutubo sa mga lupang ninuno.

Itinutulak din ng mga grupo ang pagpasa sa People’s Mining Bill, na naglalayong magkaroon ng isang makabayang sistema ng paglinang sa mga likas na yaman.

“Hindi kailanman magiging maka-kalikasan ang isang gobyernong mga dayuhan ang kinakatigan,” ani Eleanor de Guzman ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan. Dapat aniyang ilaan ang mga natural resources ng bansa sa pagtatayo ng mga batayang industriya.

Bilang paggunita ng Earth Day sa Abril 25, nagprotesta ang mga aktibistang makakalikasan sa Davao City kontra sa 300 MW Coal Fired Power Plant ng mga Aboitiz. Nagsagawa rin ng fluvial parade ang mga grupong kontra-coal mining tulad ng Panalipdan at No To Coal  sa Davao City River para makakuha ng suporta sa laban sa naturang plantang mapanira umano ng kalikasan. (Karlos Manlupig sa Davao City)
Bilang paggunita ng Earth Day sa Abril 25, nagprotesta ang mga aktibistang makakalikasan sa Davao City kontra sa 300 MW Coal Fired Power Plant ng mga Aboitiz. Nagsagawa rin ng fluvial parade ang mga grupong kontra-coal mining tulad ng Panalipdan at No To Coal sa Davao City River para makakuha ng suporta sa laban sa naturang plantang mapanira umano ng kalikasan. (Karlos Manlupig sa Davao City)