Kapirasong Kritika

Icky Bello


Kunwari, ang pambansa-demokratikong Kaliwa, hindi ang Akbayan, ang siyang alyado ni Pang. Noynoy Aquino. Kung katotohanan ang mga kunwaring iyan, posible kayang isinulat ng isang lider ng pambansa-demokratikong Kaliwa ang “Open Letter of Akbayan Rep. Walden Bello to Pres. Benigno Simeon Aquino III on the Country’s Economic Woes” na isinulat, syempre pa, ni Walden Bello, aktibista at intelektwal na nagpapakilalang kontra-neoliberal at minsa’y sosyalista pa nga?

Kunwari, ang pambansa-demokratikong Kaliwa, hindi ang Akbayan, ang siyang alyado ni Pang. Noynoy Aquino. Kunwari, ang mga organisasyon ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan ang naging kabalikat niya noong eleksyon. Kunwari ang mga opisyal nito ang binigyan niya ng samu’t saring posisyon sa gobyerno, at bibigyan pa umano. Mahirap mang isipin: Kunwari’y si Liza Maza at hindi si Risa Hontiveros ang mutyang kakampi ngayon ni Noynoy.

Kung katotohanan ang mga kunwaring iyan, posible kayang isinulat ng isang lider ng pambansa-demokratikong Kaliwa ang “Open Letter of Akbayan Rep. Walden Bello to Pres. Benigno Simeon Aquino III on the Country’s Economic Woes” na isinulat, syempre pa, ni Walden Bello, aktibista at intelektwal na nagpapakilalang kontra-neoliberal at minsa’y sosyalista pa nga? Pwede kayang ang naging awtor nito ay si Satur Ocampo o si Carol Pagaduan-Araullo? O kaya naman ay si Teddy Casino o – Diyos na mahabagin, ang hirap isipin – si Carmen “Mameng” Deunida?

Sa tingin ko, kahit totoo ang mga kunwari sa itaas, hindi pa rin nila magagawang isulat ang ganyan. Sa tinakbo ng isang taon ni Noynoy sa pwesto, hindi na dapat mayuming pagpapayo ang tono, kundi matinding pangangalampag, kung hindi man pagkondena. Hindi kapuri-puri, sa totoo lang, ang mga hakbanging kontra-kahirapan at kontra-katiwalian ng gobyerno niya – na pinupuri ni Bello sa liham. Ipinagpatuloy lang ng rehimeng Aquino ang mga neoliberal na patakaran ng mga rehimeng sinundan nito – na sa maraming sulatin ay kinokondena naman ni Bello. Hindi maliitang mga reporma ang dapat ihapag at igiit sa rehimen, kundi malalaki.

Napasadahan ang agrikultura sa balangkas ng “seguridad sa pagkain,” pero wala, syempre pa, ang reporma sa lupa sa Hacienda Luisita at sa bansa. Inendorso ang substansyal na dagdag-sahod, pero inendorso rin ang palusot ng mga kapitalista rito, ang pagbibigay ng non-wage benefits. Pagpaparami ng mga manggagawa sa mga proyektong pang-imprastruktura lang ang panukala para lumikha ng trabaho, nang hindi man lang tinutuligsa ang kasalukuyang patakaran ng patuloy pa ring pag-akit lalo na sa dayuhang pamumuhunan para makalikha ng trabaho. Nanawagan na ibasura ang kontraktwalisasyon, pero itinulak ang Security of Tenure Bill sa Kongreso – na magsasabatas, sa aktwal, ng department order na siyang lisensya ngayon ng kontraktwalisasyon. Ni walang pagbanggit tungkol sa presensya at aktibidad ng mga tropang militar ng imperyalismong US sa bansa.

May sinasabi tungkol sa pulitika ni Bello at ng Akbayan na ganito ang laman ng nasabing sulat sa yugtong ito ng rehimen. Ang konteksto: nasa iba’t ibang pwesto sa gobyerno ang mga lider ng Akbayan, kumikita sa mga posisyong ito at malamang sa iba pang paraan. Kung hindi man magagawang sulatin ng pambansa-demokratikong Kaliwa ang nasabing liham, iyan ay dahil ang pangunahin dito ay ang pagsusulong sa mga kahilingan at interes ng mga mamamayan sa iba’t ibang isyu, at ang pagpapalakas sa pagkilos at organisasyon nila batayan sa mga isyung ito. Ibig sabihin: prinsipyo, hindi pera. Pagpapalakas sa pakikibaka, hindi pagkuha ng ganansya sa gobyerno. Paglilingkod sa Pinoy, hindi kay P-Noy. Kung sumusundot man ng ilang reporma si Bello, mas para isalba ang sariling reputasyon bilang “progresibo” sa harap ng patuloy na pagkakalantad ng mga neoliberal na patakaran ni Noynoy.

Sa madaling salita, nagagawa ng Akbayan na maglabas ng ganitong sulat dahil, taliwas sa mga pagpapanggap nito – lalo na sa harap ng mga progresibong organisasyon at institusyon sa ibang bansa na pangunahing pinagkukuhanan nito ng pondo – hindi na ito nagsusulong ng rebolusyunaryong pakikibaka ng mga mamamayan. Wala na ito sa ganitong wisyo, at ang layunin nito ngayon ay panatilihin ang pakikipag-alyansa sa rehimeng Aquino – kahit pa hindi tinutugunan ng huli ang mga kahilingan ng mga mamamayan sa iba’t ibang isyu at nagdadagdag pa nga ng pahirap, at kahit pa hindi maka-prinsipyo para sa sinumang maka-Kaliwa ang makipag-alyansa sa rehimen nang ganito. Pera, hindi prinsipyo. Kapakanan ng sariling grupong pampulitika, hindi ng mga mamamayan. Noynoy higit sa bayan.

Kung tutuusin, matagal nang wala sa pagsusulong ng mga kahilingan at interes ng mga mamamayan ang katapatan ng Akbayan. Maganda ang pag-amin noon ni Ronald Llamas, lider ng Akbayan at pampulitikang tagapayo ngayon ni Noynoy: “Noong nasa kilusang sosyal-demokratiko ako, may dalawang linggong seminar kami sa abanteng pampulitikang edukasyon. Walumpung porsyento ng oras, tinatalakay namin ang mga pambansang demokrata! Sampung porsyento ng oras, tinatalakay namin ang aming kaaway sa uri! At sampung porsyento ng oras, tinatalakay namin ang aming programa!” [“We’re Trying to Learn from Our Mistakes,” Reexamining and Renewing the Philippine Progressive Vision, 1993.] Ano raw, 90% ng oras, nakalaan sa kanilang kaaway-sa-uri na mga pambansang demokrata?

Kaya rin napakahirap ilarawan sa isip ng mga kunwari sa itaas. Gaya nga ng laging sinasabi, “Walang kunwa-kunwari sa kasaysayan.” Nangyari ang mga nangyari dahil sa mga ininugang kalagayan. Sa kaso ng pakikipag-alyansa kay Noynoy, nagtagpo ang galit ni Noynoy at ng Akbayan sa pambansa-demokratikong Kaliwa at ang pagpapanggap nilang pabor sa pagbabago. Sa isang banda, ayaw ni Noynoy ang anumang mariing pagtuligsa. Hindi ba’t hindi niya mapatawad ang pambansa-demokratikong Kaliwa dahil niralihan ang nanay niya sa bahay nila sa isyu ng Hacienda Luisita? Sa kabilang banda, iyan talaga ang pulitika ng Akbayan, ang magpilit makadikit at makakapit sa nasa kapangyarihan habang nagpapanggap pa rin na progresibo. Hindi ba’t ganyan din ang ginawa nila noong una kay Erap Estrada?

Sa dulo, para sa mga sumusubaybay sa pulitika, wala namang bago sa liham ni Bello. Lalong kumpirmasyon lang ito na pagpapanggap at panloloko na lang ang pagpapakilala ng Akbayan sa publiko bilang progresibo.

20 Hunyo 2011