Kalihim ng DENR, Gob. Lee, atbp. kinasuhan sa paglabag sa batas sa pagmimina

Piket ng mga residente at organisasyong tutol sa pagmimina sa Matnog, Sorsogon. (Angel Ayala/Bicol Today)
SORSOGON CITY – Sa pagkakataong ito, ipinarinig ng nagmamalasakit na mga mamamayan ang kanilang tinig nang hingin nila ang tulong ng korte para dinggin ang kanilang reklamo laban sa mga opereytor ng pagmimina sa Bolacawe, sa bayan ng Matnog, Sorsogon. Pinangunahan nila ang pagpapatigil sa ilegal na operasyon ng pagmimina sa naturang lugar.
Sinampahan ng kaso ng Alyansa Laban sa Mina sa Matnog (ALMA), kasama si Fr. Alex Jerus, kura-paroko ng Matnog at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Sorsogon, sina Sek. Ramon Paje ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Sorsogon Gob. Raul Lee, at Direktor Reynulfo Juan ng Mines and Geosciences Bureau. Ang kaso: Pagkabigo nila na aksiyunan ang pinasala sa kalikasan na dulot ng pagmimina ng iron ore sa mga barangay ng Bolacawe at Bon-ot Daco, sa bayan ng Matnog.
Nagsimula ang kaso noong 2009 nang pasimulan ng Antones Enterprises, Global Summit Mines Development Corporation at TR Ore ang konstruksiyon ng daan patungo sa kasalukuyang minahan kahit na wala silang angkop na papel at dokumento, ayon sa isa sa mga plaintiff ng kaso na si Alex Castidades. Matapos ang isang taon ng kawalang-aksiyon ng mga ahensiya ng gobyerno, nais ng grupo kasama ng mga mamamayan at NGO (non-government organizations) ang interbensiyon mula sa korte.
Naihain ito noong Setyembre 16 (Case no. 2011-8338). Humihiling ito na magpalabas ng temporary environment protection order. Hahawakan ng abogadong si Joven Laura ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) ang kaso.
Sa isang interbyu, sinabi ni Laura na ilegal ang operasyon ng Bolacawe mine dahil wala umano ito sa legal na balangkas ng Republic Act 7076, RA 7492, at RA 7160. Ang pag-iisyu rin diumano ni Gob. Lee ng permit to operate ay pagbabalewala sa batas sa pagmimina. Binigyang-diin ng mga plaintiff na walang operasyon ng pagmimina sa kanilang lugar na sumusunod sa batas, dahil ang umiiral na pagmimina ng iron ore ay hindi nakasunod sa layunin ng mga batas sa pagmimina.

Pagsampa ng iba't ibang organisasyong ng kaso kontra sa dating gobernador, sa DENR, atbp. (Angel Ayala/Bicol Today)
Sinabi ng mga nagsampa ng reklamo na si Lee at ang pumalit sa pagka-gobernador sa probinsiya, ang asawa niyang si Sally Lee, ay nagposturang mayroon silang kapangyarihan para magbigay ng permit sa pagsasama bilang annex ng diumano’y Small Scale Mining Permit mula kay “Sally A. Lee at Raul R. Lee.” Kasama rin sa reklamo sina Reynulfo Juan sa kawalan nito ng gulugod bilang direktor ng Mines and Geosciences Bureau.
Isinapa pa sa kaso si Paje ng DENR: hindi raw niya naaksiyunan ang pagkasira ng kapaligiran dulot ng operasyon ng minahan. Ani Laura, minadali ang pagpoproseso ng legalidad ng minahan kaya’t nawalang-bahala ang interes ng komunidad. Hindi man lamang napulong ang Provincial Mining and Regulatory Board para pag-aralan ang epekto ng minahan sa Matnog.
Isiniwalat din ng mga nagsampa ng reklamo na hindi mga lokal na mga residente ang nag-oopereyt ng minahan, taliwas sa intensiyon ng Small Scale Mining Act. Ang Antones Enterprises ay pagmamay-ari ni Antonio Ocampo na ang opisyal na address ay sa Tomolin, Ligao City. Si Victoria A. Ajero ay mula sa Barangay Bitan-o Legazpo City habang si Alfredo M. Aguilar at Juan Aguilar ay pawang mga residente ng Barangay Masaga, Rapu-Rapu, Albay.
Inaasahan ng mga nagsampa ng reklamo na makakapaglabas ng writ na mag-uutos sa pagpapatigil ng minahan para sagutin ang mga kaso batay sa reglamento at pamamaraan ng mga kaso hinggil sa kalikasan.
(Salin ni Soliman A. Santos mula sa wikang Ingles mula sa Bicol Today)
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=15274













