Karapatang Pantao

Madugo ang ‘tuwid na daan’ ni PNoy


Babat pa rin ng mga kaso ng pamamaslang at pagdukot, militarisasyon at pang-aabuso, ang kasalukuyang administrasyong Aquino, ulat ng Karapatan, grupong pangkarapatang pantao.

Malikhaing effigy ng Karapatan na nagpapakita ng human rights record ni Pang. Aquino. (Macky Macaspac)
Malikhaing mascot ng Karapatan na nagpapakita ng human rights record ni Pang. Aquino. (Macky Macaspac)

“Dapat mabigyan ni PNoy ng hustisya ang pagkamatay ng tatay at kapatid ko.”

Ito ang sabi ni Lisa (di tunay na ngalan), isang batang naulila matapos paslangin ang kanyang mga magulang noong Pebrero 27, 2011 – panahon na ng kasalukuyang administrasyong Aquino. Kasama si Lisa sa 20 batang biktima ng paglabag ng karapatang pantao at mahigit 100 maralitang bata mula sa mga komunidad ng Kamaynilaan. Kanilang inokupa ang malilim na bangketa sa paligid ng tulay Mendiola noong Disyembre 4 upang maprotektahan mula sa walang humpay na buhos ng ulan.

Sa malalam na mga mata at tipid na ngiti bakas sa murang edad ng batang naulila ang lungkot. Peron magiting siyang tumindig sa harapan ng Mendiola para iparating ang kahilingang hustisya para sa pinaslang na ama at kapatid.

Kinuwento niya kung papaano pinaslang umano ng mga militar ang kanyang ama at kapatid sa kanilang bukid sa Davao del Sur. “Masakit dahil pinatay nila ang Papa ko, at pinatay na din nila ang kinabukasan ko,” aniya. Hinala ng Karapatan, mga miyembro ng 39th Infantry Batallion ng Philippine Army ang may kagagawan ng pagpaslang sa mag-ama. Nakaranas umano ng interogasyon mula sa mga militar at paramilitar ang ama at kapatid ni Lisa, bago maganap ang pamamaslang.

Labis din ang pangungulila niya sa kanyang ama. “Mingaw ko na si Papa. Si Mama nga, may gabing di makatulog, umiiyak. Di rin kumakain,” aniya. Sinabi pa ni Lisa, mula nang paslangin ang kanyang ama at kapatid, hirap na ang kabuhayan nila. “Si mama lang ang nagtatrabaho. Hirap na hirap na kami,” sabi niya.

Samantala, sa Talaingod, Davao del Norte naman, inakusahan ng mga sundalo ng 60th IB ang isang alternative learning center ng mga katutubo na isang “pekeng eskuwelahan” at dahil dito’y puwede nang atakihin nila.

Noong 2009 pa nang okupahin ng militar ang Salupongan Ta Tanu Igkanugon Learning Center ng Rural Missionaries of the Philippines sa Talaingod, ayon sa 11-anyos na si Roland. Noong taong iyon, pumasok sa kanilang lugar ang mga militar at nangakong tutulungan ang mga Ata-Manobo na paunlarin ang lugar at magtayo ng palaruan para sa mga bata.

“Nagtayo sila ng basketball court. Iyon lang ang naitayo nila,” ani Roland. Aniya, inokupahan ng mga militar ang entablado sa loob ng paaralan bilang kampo at maging ang mga kabahayan nila. Ikinatakot ito ng mga bata, guro at mga mamamayan doon. “Dapat umalis ang mga militar sa aming lugar. Ayaw ko sa kanila,” wika ni Roland, sa rali sa Mendiola. Nasaksihan din raw niya ang pagkulata ng armalayt ng isang militar sa kanyang kaibigan, gayundin ang pagpatay sa isa nilang kapitbahay.

Sinabi ni Jacquelyn Ruiz, Executive Director ng Children’s Rehabilitation Center (CRC), isang institusyong nangangalaga sa kapakanan ng mga batang biktima ng karahasan ng estado, na bahagi ang pagkilos ng mga bata sa paggunita ng International Human Rights Day sa darating na Disyembre 10. “Maliban sa paniningil ng mga batang biktima, bahagi rin ito ng kanilang ‘healing process.’ Kailangan nilang ilabas ang saloobin nila hinggil sa sinapit ng kanilang mga magulang, kaibigan at komunidad,” aniya.

Ilan lamang ang mga kasong ito ng patuloy na paglalabag ng karapatang pantao ng mga ahente ng militar sa kanayunan – ngayong panahon ng kasalukuyang administrasyon. Bahagi ito ng tinaguriang “Oplan Bayanihan” – isang programang kontra-insurhensiya na di nagkakalayo na nakaraang mga programa na bumiktima sa maraming bilang ng mga mamamayan.

Lumalala

“(K)abaliktaran (ang sitwasyon) ng sinabi ni Aquino na kaiba siya kay Arroyo. Ang human rights record niya at ang dumaraming insidente ng mga paglabag ang magpapatunay dito,” sabi ni Jigs Clamor, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Karapatan.

Sa kanilang ulat para sa 2011 hinggil sa kalagayan ng karapatang pantao, lumalabas na mula Hulyo 2010 hanggang Oktubre 2011, may average na isang kaso ng extra-judicial killing kada linggo. Narito ang tala ng Karapatan sa 16 buwan ni Aquino:

Extrajudicial Killing:  64
Enforced Disapperances: 9
Frustrated extrajudicial killing: 27
Illegal arrest without detention: 208
Illegal arrest and detention: 135
Illegal search and seizure: 120
Physical assault and injury: 62
Demolition: 6,108
Violaion of domicile: 243
Destruction of properties: 5,403
Divestment of properties: 185
Forced evacuation: 4,375
Threat/harrassment/intimidation: 11,593
Indiscriminate firing: 5,052
Forced/fake surrender: 32
Forced labor/involuntary servitude: 112
Use of civilians in police and/or military operations as guides and/or shielf: 19
Use of schools, medical, religious, and other public planes for military purpose: 10,577
Restriction or violent dispersal of mass actions, public assembless and gatherings: 842

Ayon pa sa Karapatan, pinakaraming biktima ng paglabag ang sektor ng magsasaka na nakapagtala ng 28 kaso ng EJK at pitong biktima ng sapilitang pagkawala. Mga rehiyon ng Southern Mindanao, Bicol at Southern Tagalog ang may pinakamataas na bilang ng mga paglabag. Sa mga rehiyong ito rin ipinapatupad ang Oplan Bayanihan ng Armed Forces of the Philippines.

Patunay umano na namamayani pa rin ang kultura ng impunity hanggang sa kasalukuyan. Inihalimbawa ng grupo ang pagpaslang kamakailan kay Fr. Fausto “Pops” Tentorio na sinundan pa ng pagpaslang sa dalawang magsasaka na sina Noli Badol at Celso Batoy sa Arakan, Valley. Kasama sa mga paglabag ang pagkamatay ng isang pitong taong-gulang na si Sunshine Jabinez, dahil sa walang habas na pagpapatutok ng lasing na si Private First Class Baltazar Ramos, miyembro ng 71st IB sa Pantukan, Compostela Valley.

Paparaming bilanggong pulitikal

Sa kabila ng patuloy na pagtanggi ng administrasyong Aquino na palayain ang mga bilanggong pulitkal dahil sa katwirang walang naibilanggo mula nang maluklok ito, nakapagtala ang Karapatan ng 78 bilanggong pulitikal sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

Sa kasalukuyan may 356 bilanggong pulitikal sa buong bansa, kasama na ang bilang sa ilalim ng dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na hanggang ngayo’y nakapiit.

Lumahok din ang mga batang maralita  na humaharap naman sa malawakang banta ng demolisyon.  (Macky Macaspac)
Lumahok din ang mga batang maralita na humaharap naman sa malawakang banta ng demolisyon. (Macky Macaspac)

Dahil sa pagtanging palayain ang mga ito, hindi maiwasang maghinanakit ang mga kaanak, mga bilanggo at tagataguyod ng karapatang pantao sa hindi pantay na pagtrato sa kanila. Sa loob lamang ng kasalukuyang taon, dalawang bilanggong pulitikal na ang namatay habang ang mga ito ay nakapiit sa kulungan.

Unang namatay dahil sa sakit sa puso noong Setyembre 21 si Crisanto Fat, isang lider-magsasaka ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas sa Negros. Inaresto siya noong Abril 29, 2009 dahil sa gawa-gawang kaso ng ilegal na pagdadala ng armas at pasabog. Sinundan ito ng pagkamatay ni Nestor San Jose, dahil sa tuberculosis nito lamang buwan ng Nobyembre. Si San Jose ay isang bilanggong pulitikal na kasama sa tinaguriang Southern Tagalog 72, mga aktibista at lider-militante na kinasuhan ng “gawa-gawang kaso” sa Southern Tagalog.

“Patuloy na ikinukulong ng estado ang mga inosenteng tao, samantalang ang mga magnanakaw ay nakakaalis sa bansa. Habang ang mga bilanggong pulitikal ay namamatay sa loob ng piitan dahil sa mga gawa-gawang kasong kriminal, ang pinakamataas at pinakamalaking korap na pulitiko’y nagpapasarap sa isang presidential suite sa isang pribadong ospital,” ani Glen Malabanan, tagapagsalita ng Karapatan-ST, patungkol sa ‘special treatment’ na tinatamasa ni dating pangulong Arroyo.

Hamon kay PNoy

Kamakailan lamang muling itinanggi ng Malakanyang na may mga paglabag sa karapatang pantao ang administrasyong Aquino.

Sinabi ni Presidential Deputy Spokesperson Abegail Valte na hindi kinukunsinti ang ekstra-hudisyal na pamamaslang at iba pang mga paglabag sa karapatang pantao. “We have no policy of tolerance. When there are reports of extrajudicial killings, we ask for cooperation from the families to get leads,” sabi ni Valte, sa panayam sa midya.

Ngunit hamon ng Karapatan sa gobyerno: “Test the water,” ani Clamor.

Malinaw umanong walang ginagawa ang administrasyong Aquino upang habulin at litisin ang mga lumabag sa karapatang pantao. Halimbawa na, ani Clamor, ang kasong isinampa laban kay dating Heneral Jovito Palparan. Si Palparan ay sangkot sa madugong mga kampanyang militar na bumiktima sa mga sibilyan sa Timog Katagalugan, Silangang Bisayas at Gitnang Luzon noong panahon ni Arroyo. Sa kabila ng pagtatapos ng preliminary investigation ng Department of Justice (DOJ) noong Setyembre, hanggang sa kasalukuya’y walang inilalabas na resolusyon ang DOJ.

Hamon naman ni Edre Olalia, abogadong pangkarapatang pantao at pangkalahatang kalihim ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) ang gobyerno. “Sumampol lang siya ng isang sagad-saring perpetrator ng violations ng human rights. He has everything in his power to really give a message that he will not condone these violations,” aniya.

Para naman sa mga tagapataguyod ng karapatan ng bata, sinabi ni Ruiz na dapat managot ang lahat ng mga lumabag. “Kailangang may managot, maparusahan upang ang mga batang ito’y makabalik sa kanilang mga komunidad na panatag ang loob na hindi na nila sasapitin ang malagim nilang mga karanasan,” ani Ruiz.