25 taon makaraan: Kaso ng Mendiola Massacre, hiniling na muling buksan


Sa nakalipas na 25 taon mula nang mapaslang ang kanyang anak sa 1987 Mendiola Massacre, ngayon lamang muling naglakas-loob si Virginia Aribe, 74, na magsalita sa entablado at humarap sa maraming tao.

Pagsunog ng effigy ng mga magsasaka at iba pang sektor na nagprotesta sa Mendiola para muling hilingin ang hustisya sa mga biktima ng Mendiola Massacre. (Ilang-Ilang D. Quijano)
Pagsunog ng effigy ng mga magsasaka at iba pang sektor na nagprotesta sa Mendiola para muling hilingin ang hustisya sa mga biktima ng Mendiola Massacre. (Ilang-Ilang Quijano)
Kaanak ng mga biktima ng Mendiola Massacre: (L-R) Virginia Aribe, ina ni Adelfa Aribe; Purita Yumul, asawa ni Roberto Yumul; Josephine Domanico, asawa ni Ronilo Domanico (King Catoy)
Kaanak ng mga biktima ng Mendiola Massacre: (L-R) Virginia Aribe, ina ni Adelfa Aribe; Purita Yumul, asawa ni Roberto Yumul; Josephine Domanico, asawa ni Ronilo Domanico (King Catoy)

Sa nakalipas na 25 taon mula nang mapaslang ang kanyang anak sa 1987 Mendiola Massacre, ngayon lamang muling naglakas-loob si Virginia Aribe, 74, na magsalita sa entablado at humarap sa maraming tao.

Napaluha siya. Nanginginig ang kanyang boses at halos hindi mabuo ang mga salita dahil sa magkahalong galit at kaba. Di sinasadyang natawag niyang “Ninoy” si Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III, na tila sariwang-sariwa pa ang panahong kakabagsak pa lamang ng diktadurang Marcos at bago pa sa poder ang ina ng kasalukuyang pangulo.

“Hindi mo man lang nabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng aking anak,” aniya, di na malinaw kung sino sa mga Aquino ang pinapatungkulan.

Sa panunungkulan ni Corazon Aquino naganap ang masaker ng 13 magsasaka sa Mendiola noong Enero 22, 1987. Sa panunungkulan ng kanyang anak, muling hinihiling ng mga kaanak na buksan ang kaso. Bukas, mamarkahan ang ika-25 na taon ng masaker na simbolo na ng inhustisya sa mga magsasaka at patuloy na kawalan ng tunay na reporma sa lupa.

Ayon kay Danilo Ramos, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), “Pinag-aaralan namin na magsampa ng petisyon sa Korte Suprema na muling buksan ang kaso ng Mendiola Massacre…Makaraan ang 25 taon, hindi na maaaring i-invoke ng mga nagkasala ang immunity from suit ng estado.”

Kaalinsabay ng hustisya sa mga biktima ng mga masaker ng mga manggagawa, nanawagan ang KMP ng tunay na reporma sa lupa. (Ilang-Ilang D. Quijano)
Kasama ang mga magsasaka ng Hacienda Luisita sa paggunita ng ika-25 na anibersaryo ng Mendiola Massacre. (Ilang-Ilang Quijano)

Inihayag ni Ramos sa Pinoy Weekly na sisikapin ng grupo at kaanak ng mga biktima na isampa ang petisyon bago ang katapusan ng buwan ng Enero. “Sana ay pagbigyan ni Chief Justice Corona at iba pang mga huwes ang aming petisyon bago makontrol ni Pangulong Aquino ang korte,” aniya.

Noong nakaraang taon, nakipagdayalogo ang mga magsasaka kay Sek. Leila de Lima ng Department of Justice (DOJ). Iniutos ni De Lima sa Task Force on Extra-Judicial Killings na pag-aralan kung may basehan ang muling pagbubukas ng kaso.

Ngunit hanggang ngayon, wala pa ring aksiyon ang DOJ, ayon sa KMP.

Kahapon, mahigit 2,000 magsasaka ang nagmartsa sa Mendiola Bridge para gunitain ang masaker. Iginiit nila ang libreng pamamahagi ng Hacienda Luisita at iba pang mga lupaing agrikultural sa bansa, at nanawagan ng tunay na reporma sa lupa.

Ang panawagan na ito ang siya ring iginiit ng sampu-sampung libong magsasakang nagmartsa sa Mendiola noong Enero 22, 1987, na pinaputukan ng Western Police District (WPD), Integrated National Police, at Philippine Marines. Nasawi ang mga magsasaka na sina Danilo Arjona, Leopoldo Alonzo, Adelfa Aribe, Dionisio Bautista, Roberto Caylao, Vicente Campomanes, Ronilo Dumanico, Dante Evangelio, Angelito Gutierrez, Rodrigo Grampan, Bernabe Laquindanum, Sonny Boy Perez, at Roberto Yumul. Mahigit 100 naman ang sugatan.

Martsa patungong Mendiola ng mga magsasaka, kaanak at tagasuporta nila sa laban para sa tunay na reporma sa lupa. (Ilang-Ilang D. Quijano)
Martsa patungong Mendiola ng mga magsasaka, kaanak at tagasuporta nila sa laban para sa tunay na reporma sa lupa. (Ilang-Ilang Quijano)

Kasama ni Purita Yumul ang kanyang asawang si Roberto sa kilos-protesta, at nagkahiwalay lamang nang magpaputok ang pulisya at militar. “Patung-patong na kami noon, nakaligtas lang ako dahil nakakapit ako sa isang kasama…Nalaman ko lamang na namatay siya nang makauwi na ako,” aniya.

Samantala, nang masawi sa masaker ang asawa ni Josephine Domanico na si Ronilo, isa at tatlong taong gulang pa lamang ang kanilang dalawang anak—halos kasing-edad ng ngayo’y kanila nang mga apo. “Hanggang ngayon, masakit pa rin para sa akin, lalo na at wala pa ring katarungan,” aniya.

Kuwento naman ni Virginia, 19 anyos pa lamang ang kanyang anak na si Adelfa nang masawi sa masaker. Kinumpirma niya na walang natanggap ang kanyang pamilya na kahit isang kusing mula sa dating gobyernong Aquino.

Noong Marso 19, 1993, nagdesisyon ang Korte Suprema na walang pananagutan ang gobyernong Aquino sa masaker. “The inescapable conclusion is that the State cannot be held civilly liable for the deaths that followed the incident,” ayon sa desisyon. Gayunpaman, iniutos ng korte na bigyang danyos ang mga biktima at inirekomendang kasuhan ang mga maysala—na hindi naman isinagawa ng gobyernong Aquino at ng susunod pang mga gobyerno.

Tila spoof ng sikat na karatula ng Metro Manila Development Authority ang ipinintang mga kataga sa Mendiola Bridge (Ilang-Ilang Quijano)

Nakalista bilang mga defendant sa kaso sina dating pangulong Fidel V. Ramos (noo’y National Defense Secretary); dating AFP Chief of Staff Gen. Renato de Villa; dating WPD Superintendent B/Gen. Alfredo Lim; Sen. Rodolfo Biazon (noo’y hepe ng Philippine Marines); B/Gen. Brigido Paredes (noo’y Marines Commandant); Col. Edgar dela Torre at Col. Romeo Monfort ng nooy’ Capital Regional Command; at dating PNP Chief Cesar Nazareno (noo’y WPD Deputy Superintendent).

Samantala, naghain naman ng simbolikong “notice of eviction” ang mga magsasaka ng Hacienda Luisita kay Pangulong Aquino, para igiit na dapat nang lumayas ang pamilya Cojuangco-Aquino sa nasabing asyenda. Batay sa desisyon ng Korte Suprema noong Nob. 22, 2011 na ipamahagi ang 4, 916 ektaryang lupain, maituturing umano na “illegal settlers” doon ang pamilya Cojuangco-Aquino, ayon sa Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura (UMA).

Iginiit ni Rodelson Mesa, pangkalahatang kalihim ng UMA at dating manggagawang-bukid ng asyenda, hindi na dapat patagalin pa ang pamamahagi ng Hacienda Luisita dahil nagdudulot ito ng nagpapatuloy na tensiyon sa loob ng asyenda. (Basahin ang kaugnay na istorya)

“Malinaw ang plano nila (mga Cojuangco): ikulong ang mga magsasaka, baligtarin ang desisyon ng korte sa pamamagitan ng impeachment kay Corona at pag-appoint si Aquino ng isang Chief Justice na papabor sa kanyang pamilya,” aniya.

Kasama ang mga magsasaka ng Hacienda Luisita sa mga nagprotesta para gunitain ang ika-25 na anibersaryo ng Mendiola Massacre. Noong 2004, naganap naman ang Hacienda Luisita Massacre na kumitil sa buhay ng pitong manggagawang-bukid.