Komentaryo

Ang patuloy na katuturan ng laban ni Cory Aquino


Nakakulong ako sa Kampo Crame nang pumutok ang EDSA 1 noong Pebrero 22, 1986. Nahuli ako noong Enero 29, 1984. Buntis ako nang nahuli, ikinulong at nanganak sa loob ng Crame. Isa ako sa mga lumayang bilanggong pulitikal noong 1986 bilang bahagi ng tagumpay ng People Power at pagkaupo bilang pangulo ni Corazon “Cory” Aquino. […]

Nakakulong ako sa Kampo Crame nang pumutok ang EDSA 1 noong Pebrero 22, 1986. Nahuli ako noong Enero 29, 1984. Buntis ako nang nahuli, ikinulong at nanganak sa loob ng Crame. Isa ako sa mga lumayang bilanggong pulitikal noong 1986 bilang bahagi ng tagumpay ng People Power at pagkaupo bilang pangulo ni Corazon “Cory” Aquino.

Isang dahilan ito kung bakit isa rin ako sa milyong Pilipinong nakidalamhati sa kanyang pagpanaw at isa sa daang libong taong naging bahagi ng huling martsa ng yumaong pangulo, ang paghatid sa kanya sa kanyang libingan nitong Agosto 5, 2009.

Pero hindi lamang ang paglaya ko at ang naging papel ni Cory Aquino para tuldukan ang diktadurang Marcos at mapalaya ang mga bilanggong pulitikal noong 1986 ang naging dahilan sa aking pagbibigay pugay at pasasalamat ko sa kanya kahit na magkakaroon ng bahid ang pagtingin ko sa kanya kaugnay ng mga isyu ng mga magsasaka, pagbayad sa utang panlabas, base militar, patakarang all-out war at usapin ng karapatang reproduktibo ng kababaihan sa panahon ng kanyang panunungkulan.

Nanatiling relevant, may katuturan, si Cory hanggang sa kanyang pagpanaw. Pinakita niya di lamang sa salita kundi sa gawa ang pagmamahal niya sa bayan.

Para sa akin, “she walked the talk” kaugnay ng paglaban sa korapsyon, pandaraya, diktadura at iba pang iskemang pahabain ang panunungkulan sa pwesto ng mga nakaupong pangulo. Bumitiw siya sa kapangyarihan nang matapos ang kanyang termino noong 1992. Pero hindi siya nagkasya sa isang buhay ng isang retiradong pangulo at magkanlong sa pampang ng mapayapa at maalwang pamumuhay. Sa halip, patuloy siyang sumuong sa matitinding unos at bagyo sa panahong kailangang tumindig at kumilos.

Nasa unahan si Cory Aquino ng mga pagkilos para sa truth and accountability kaugnay ng paglalantad ni Jun Lozada sa talamak na korapsyon sa kontratang NBN/ZTE na sangkot si Gloria Macapagal-Arroyo at ang kanyang asawa.

Hindi ko rin nakakalimutan ang pagtindig at pagmartsa ng yumaong Pangulong Cory Aquino laban sa tangkang pagpapalawig ng termino ng noo’y Pangulong Fidel Ramos sa pamamagitan ng charter change at ang paging bahagi niya ng EDSA 2 laban sa korapsyon ng administrasyong Joseph Estrada.

Matining sa aking alaala ang matapang na pagbatikos niya sa administrasyong Arroyo nang inilantad ang pandaraya sa eleksyong presidential noong 2004 sa iskandalong “Hello Garci”. Kinausap pa niya sa Arroyo para hilinging bumaba na sa pwesto. At noong Setyembre 6 ay kasama si Cory sa martsa ng mamamayan mula St. Peter’s Church sa Commonwealth tungong Batasang Pambansa. Hindi nakaabot ang martsa sa Batasan dahil hinarang na ito ng mga pulis at mga trak ng bumbero.

Naroon din ako nooong Hunyo 10, 2009 sa Ayala nang binasa ni Kiko Dee, apo ng noong maysakit nang Cory, ang huling pampulitikang mensahe ng dating pangulo sa rali kontra sa Charter Change at Constituent Assembly. Sa mensaheng iyon, nanawagan siya ng patuloy na paglaban sa tiraniya. “Nang mapalayas natin ang diktador, hindi ba’t ipinangako nating hindi na tayo papayag na mawala muli ang ating kalayaan? Subalit, narito muli tayo, sa gitna ng walang-hiyang pang-aabuso ng mga makapangyarihang nagnanais na sirain ang mga pinakapayak sa ating mga batas,”

Nitong mga nakaraang araw, nagpaabot ang isa sa mga katulad ko na napalaya noong 1986 ng panghihinayang na hindi niya napasalamatan ang yumaong pangulong Cory sa pagpapalaya sa amin. Naalaala ko bigla na mayroon akong sulat mula kay Cory noong Mayo 21, 1986 bilang tugon sa isang sulat pasasalamat ko sa kanya.

Maiksi lang ang sulat. Nagpasalamat siya sa isang card at token (hindi ko matandaan ngayon kung ano ito pero pusibleng isang kwintas na gawa ng mga bilanggong pulitikal) na ipinadala ko.

May patuloy na katuturan ang ikalawang talata ng kanyang sulat:

“In the face of our enormous task of nation-building, it is encouraging to learn of your continued support and involvement. Please continue your efforts in helping us rebuild a strong democracy and a healthy economy for our sake and that of our children.

Nais kong magtapos sa pamamagitan ng isang excerpt sa isinulat ng isang myembro ng bagong henerasyon ng mga aktibista, si Ilang Ilang Quijano, sa kanyang artikulo sa Pinoy Weekly hinggil sa libing ni Cory:

Ang mga progresibo, hindi simpleng nagmamahal lang kay Cory. Nagmamahal sila sa laban niya, na hindi nagtatapos, kundi umiigting pa nga sa ilalim ng kasalukuyang rehimen. At sa madaramang diwa ng mga tao sa martsa-libing—nagluluksa, nagpupugay, nagpapasalamat, pero higit sa lahat, lumalaban—lumilitaw na hindi sila nag-iisa.

Tuloy ang laban ni Cory, kontra charter change, kontra tiraniya, kontra Gloria
Makibaka, Huwag Matakot!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!

Ang akdang ito ay binasa ni Judy Taguiwalo, convenor ng Pagbabago! (People’s Movement for Change), sa isang seremonya sa Bantayog ng mga Bayani noong Agosto 8.