Pag-aari ni Corona, ibigay na lamang sa mga residente ng Corazon de Jesus – Rep. Casiño


“Bulgar at nakakalulang pagpapakita ng kayamanan at kapangyarihan.” Ito ang paglalarawan ni Bayan Muna Rep. Teodoro Casiño sa mga diumano’y ill-gotten na mga pag-aari ni Chief Justice Renato Corona. Ngunit sinundan niya ito ng napapanahong mungkahi: Ibigay ang mga ito sa mga residente ng Brgy. Corazon de Jesus sa San Juan City na marahas na […]

Bayan Muna Rep. Teddy Casiño (KR Guda / PW File Photo)
Bayan Muna Rep. Teddy Casiño (KR Guda / PW File Photo)

“Bulgar at nakakalulang pagpapakita ng kayamanan at kapangyarihan.”

Ito ang paglalarawan ni Bayan Muna Rep. Teodoro Casiño sa mga diumano’y ill-gotten na mga pag-aari ni Chief Justice Renato Corona.

Ngunit sinundan niya ito ng napapanahong mungkahi: Ibigay ang mga ito sa mga residente ng Brgy. Corazon de Jesus sa San Juan City na marahas na itinaboy ng lokal na pamahalaan ng lungsod.

“Sinabi ni Corona na handa niyang ibigay ang mga pag-aari na ito kung sakaling totoo ang mga paratang (na ill-gotten ang mga ito). Dahil may pamamahay na ang ating mga kongresista, at nakamando nang kumpiskahin ng gobyerno ang mga ill-gotten na pag-aari na ito. Ang pinakamahusay na gawin niya ay ibigay na lamang ito sa mga pamilya na nadisloka sa demolisyon sa San Juan nitong nakaraan lamang (na Miyerkules),” suhestiyon ni Casiño.

Sa mga ulat, ang pinagsamang laki ng sakop ng 19 kabuuang pag-aari ni Corona ay aabot sa 5,880 ektarya. Katumbas nito ang 326 pabahay sa ilalim ng programang pabahay ng gobyerno.

Sinabi pa ni Casiño na “sa tantiyang ito, higit pa sa sapat ang mga pag-aari ni Corona para sa mga nadislokang pamilya ng San Juan.”

Hindi pa kasama rito ang nalalabi sa diumano’y 45 kabuuang pag-aari ng Mahistrado ng Korte Suprema.

Matatandaang marahas na pinalayas ang 300 residente ng Corazon de Jesus sa kanilang mga tahanan noong Enero 11. Patuloy pa rin ang gobyerno sa pagsusungalngal sa mga pamilyang ito na tanggapin ang alok na mareloka sila sa Montalban, Rizal.

Ngunit giit ng mga residente, malayo sa kanilang mga kabuhayan ang naturang relokasyon.

Sa nakalap na mga dokumento ng midya mula sa Land Registration Authority (LRA), nakarehistro ang mga pag-aaring ito kay Corona, sa asawa niyang si Cristina, sa kanilang mga anak na sina Charina at Carla, at sa asawa ng huli na si Constantino Castillo. Kasama sa mga ito ang ilang condominium units na nagkakahalaga ng P202.2 Milyon.

May kabuuang 19 sa mga ito ay nakakalat sa Makati, Taguig, Marikina at Quezon City. Makikitang dalawa sa mga siyudad na ito ay pinangyarihan ng ilang mararahas na demolisyon sa mga tirahan ng mahihirap na tagalunsod mula pa noong nakaraang taon.

Ngunit sa maaaring 45 na bilang ng mga ito, maaaring may mas malaki pang pakinabang na makukuha.

“Kung totoo man na hindi lang 19 kundi 45 pa ang dami ng kanyang pagmamay-ari, maaring ang kabutihang-loob ni Corona ang maging solusyon sa problema ng pabahay sa libong mahihirap sa kalunsuran,” biro na may pasaring ni Casiño.