Kabataan

Panimulang hakbang sa pagbantay sa singil sa kolehiyo


Naghapag ang mga lider-estudyante at militanteng mga organisasyon ng kabataan ng mga panukala para mareguplarisa ang paniningil sa mga unibersidad. Sumasalubong dito ang Kamara at ang CHED.

(Kanan) Kabataan Rep. Raymond Palatino, sa konsultasyon sa Kamara hinggil sa mga regulasyon sa matrikula at iba pang bayarin sa mga pamantasan. (Pher Pasion)
(Kanan) Kabataan Rep. Raymond Palatino, sa konsultasyon sa Kamara hinggil sa mga regulasyon sa matrikula at iba pang bayarin sa mga pamantasan. (Pher Pasion)

Kailangang wakasan na ang panahon ng di-mapigilan at walang-konsultasyon-na-pagtaas ng matrikula o mga bayarin sa mga unibersidad.

Ito ang nagkaisang tindig ng mga lider-estudyante, sa serye ng mga konsultasyon sa pagtaas ng matrikula sa mga pamantasan ngayong Pebrero na idinaos ng Kabataan Party-list kasama ang buong suporta ng House Committee on Higher and Technical Education. Ito umano ang kauna-unahang consultative assembly sa Kamara para sa regulasyon ng matrikula at iba pang bayarin.

“Sa loob ng sampung taon, ang matrikula at iba pang bayarin ay nagtaas ng walang anumang mahigpit na regulasyon. Napapanahon na kailangang matigil ang ganitong balangkas sa pamamagitan ng pagkakaroon ng regulatory guidelines upang magbigay ng premium sa demokratikong praktis ng konsultasyon at abot kayang kalidad ng edukasyon para sa kabataan,” ani Kabataan Rep. Raymond Palatino.

Paliwanag ni Palatino, dumoble ang pambansang average ng matrikula at iba pang bayarin sa nakalipas na dekada. Ang napakamahal na halaga ng bayarin sa eskuwelahan ay isang mahalagang aspekto sa pagtaas ng dropouts at kawalan ng kakayahan ng high school graduates na makatuntong sa kolehiyo.

Samantala, dulot ng presyur ng Kabataan Party-list at pagkilos ng akademya, naitulak ang Commission on Higher Education (CHED) na gumawa ng bagong guidelines at isinama sa konsultasyon ang lahat ng bayarin sa pamantasan kabilang ang nasa miscellaneous fees na hindi kasama sa kasalukuyang CHED Memo Order No. 13 (CMO 13).

Sa CMO 13, hindi kasama ang bayarin sa miscellaneous fees sa konsultasyon kung kaya naman nagiging malikhain ang mga pamantasan sa pagkakaroon ng mga redundant o magkatulad na bayarin, exorbitant o higit sa presyo nito sa merkado at dubious fees na hindi maipaliwanag na bayarin tulad ng power plant development fee, spiritual fee, land acquisition and infrastructure fee, ayon kay Isabelle Baguisi, pangkalahatang kalihim ng National Union of Students of the Philipppines (NUSP).

“Halos kalahati o 40% ng bayarin ng mga mag-aaral ay sa anyo ng miscellaneous fee pa lamang,” dagdag ni Baguisi. Paliwanag niya, hindi man nagtataas ng matrikula ang ibang pamantasan subalit  bumabawi ang mga ito sa mga miscellaneous fee.

Subalit, ayon kay Vencer Crisostomo ng Anakbayan, nakakalungkot at nakakadismaya na sa 2013 pa mapapatupad nasabing bagong guidelines at hindi ngayong taon, samantalang matagal na itong ipinapanawagan. Dagdag ni Crisostomo, taun-taon ang pagtaas ng matrikula at walang konkretong ginagawa ang CHED para pigilan ang mga pagtaas na ito.

“Kung hindi iyan mapapatupad ngayong taon, ngayong taon haharap na naman tayo sa maraming dropouts,” giit ni Crisostomo.

Ipinanawagan niya na kailangang magkaroon ng moratoryo sa paniningil ng miscellaneous fees at pagtaas ng matrikula upang pigilan ang mga maanomalyang bayarin habang pinagdedebatehan pa ang mga ito dahil malala na ang usapin at problema.

“Kahit ’yung paghahain ng reklamo, taun-taong mayroon kami nyan, kahit tingnan pa sa media, at hindi ito naaaksiyunan ng tama. Muli, lahat ng ito ay lehitimo at hindi lamang mga praktikal na tanong,” dagdag ni Baguisi.

Kabilang sa nasa nasabing bagong  guidelines ng CHED ang pasasama ng iba’t ibang bayarin sa konsultasyon at kasama ang kanselasyon ng aplikasyon ng mga paaralang hindi susunod para sa mga bayaring itataas at sa mga bagong bayarin.

Maaari ring kasuhan ng mga kasong administratibo at criminal charges ang mga tiwaling pamantasan at ang responsableng mga opisyal nito.

Mga lider-estudyante ng iba't ibang pamantasan, kasama ang mga kongresistang miyembro ng House Committee on Higher and Technical Education at ilang opisyal ng Commission on Higher Education. (Pher Pasion)
Mga lider-estudyante ng iba't ibang pamantasan, kasama ang mga kongresistang miyembro ng House Committee on Higher and Technical Education at ilang opisyal ng Commission on Higher Education. (Pher Pasion)

Problemadong konsultasyon

Kahit na positibong tugon ang pagkakaroon ng bagong guidelines, batbat pa rin ng problema ang mga konsultasyon sa iba’t ibang pamantasan sa pagtataas ng matrikula at iba pang bayarin.

Paliwanag ng Kabataan Party-list, madalas na nagmimistulang daluyan lamang ng impormasyon at hindi konsultasyon ang nagaganap sa tuwing may pagtaas ng matrikula at dagdag bayarin. Kapag naidaos umano ito, mistulang aprobado na agad ang hiling na dagdag-singil at walang malinaw na guidelines maging sa konsultasyon.

“Nananatiling bogus pa rin ang konsultasyon kahit na kabilang  na ang mga ito sa konsultasyon dahil sa kawalan ng transparency,” paliwanag ni Crisostomo.

Ayon kay Aniwan Valerio, presidente ng University Student Council ng University of the East, maraming mga mag-aaral ang nag-aalangan sa tuwing may konsultasyon dahil sa husay sa teknikalidad at awtoridad ng pamantasan. Sinabi ni Valerio, na dapat mayroong tiyak na alintuntunin sa mga konsultasyon na demokratiko at kaaya-aya sa partisipasyon ng mga mag-aaral.

Ibinahagi naman ni Lorrain Taguiam, presidente ng Central Student Council ng University of Santo Tomas (UST), ang nakaambang pagtataas ng matrikula sa susunod na taon sa UST na naglalayong magpatupad ng 19% pagtaas sa matrikula at iba pang bayarin para sa freshmen at 6% para sa mga estudyanteng nasa ikalawa hanggang ikaapat na taon.

Sinabi naman ni John Mark Villanueva, sekretaryo ng University Student Council ng Lyceum University of the Philippines, na kung paano ginagamit ng pamantasan ang kanilang autonomous status upang hindi maisali ang sarili nito sa anumang porma ng guidelines sa matrikula at iba pang bayarin.

Subalit ayon mismo kay Julito Vitriolo ng CHED, sakop ang lahat ng academic institutions ng tuition guidelines kahit pa ito ay nasa autonomous status.

Ayon pa sa mga mag-aaral, nagkakaroon ng mga konsultasyon na walang available o walang makuhang financial statements para sa independiyenteng pag-aaral at hindi lamang basta ipinakikita ng administrasyon ang datos hinggil sa resultang kita mula sa pagtaas ng kanilang mga singil.

“May kakayahan at kapasidad tayo upang pag-aralan ang financial statements na ito. Kaya nga tayo nasa loob ng ating mga pamantasan,” ayon kay Baguisi, nang sabihing hindi raw handa o walang kakayahan ang mga mag-aaral upang aralin ang mga ito.

Tuloy ang laban ng akademya

Ayon kay Palatino, kailangan pa ring pinuhin ang nasabing guidelines at maibahagi ito sa pinakamaraming paaralang posible para sa benepisyo ng mga mag-aaral at magulang. Binigyan din niya ng diin ang kahalagahan ng agarang pagpapatupad nito para sa taong 2012-2013.

“Hindi lamang ito laban ng mga mag-aaral. Hindi dapat pinagbabangga ang interes ng mga mag-aaral at mga guro na magulang din namin sa isyung ito o sa tuwing tinututulan namin pagtaas ng mga bayarin,” ayon kay Baguisi.

Sinabi pa niya na patuloy ang pagtaas ng iba’t ibang gastusin habang di naman tumataas ang sahod ng mga magulang na manggagawa. Hamon ni Baguisi na busisiin at araling mabuti ng CHED at Kamara ang nakaraang mga pagtaas na matrikula at alamin kung tumaas nga ba ang sahod ng mga guro o kung may pag-unlad ba sa pasilidad o serbisyo ng mga pamantasang ito.

“Paanong malulugi (ang mga pamantasan) samantalang taun-taon din at walang palya na nasa ‘Top 1,000 Corporations’ ang mga unibersidad na ito? Hindi pa kasama rito ang sectarian schools,” ayon sa NUSP.

Pinanigan naman ni Palatino ang panawagang magkaroong ng tatlong taong moratoryo upang bigyang panahon ang mga konsultasyon at magbigay ng agarang ginhawa sa pang-ekonomikong kalagayan ng mga mag-aaral.

Higit pa sa guidelines na ginagawa kasama ang CHED, itinutulak din ng Kabataan Party-list ang pagpapasa ng House Bill 3708 o ang “Three-year Tuition Moratorium Act” at House Bill no. 4286 o ang “Tuition and Other Fees Regulation Act.”