Pambansang Isyu

Lumalawak na mapaminsalang pagmimina, at lumalawak na paglaban kontra rito


Aktibong ibinubukas ng administrasyong Aquino ang mga kabundukan at lupain ng Pilipinas sa malalaking dayuhang kompanya ng pagmimina. Malaking panganib ang pandarambong, pati ang dislokasyon at panunupil sa mga mamamayan sa mga lugar na ito. Pero inaasahang titindi rin ang paglaban nila laban sa malakihan at mapanirang pagmimina.

Mining Conference ng iba't ibang grupong makakalikasan, katutubo, at iba pa, sa Tagaytay City noong unang linggo ng Marso. (Pher Pasion)
Mining Conference ng iba't ibang grupong makakalikasan, katutubo, at iba pa, sa Tagaytay City noong unang linggo ng Marso. (Pher Pasion)

Habang patuloy na hinuhubaran at ginagahasa ng mga minahan ang ating kalikasan at bayan, higit na namumulat at umiigting ang laban ng mga mamamayan.

Ito ang reyalidad na pinatunayan sa nakaraang ikatlong Mining Conference na dinaluhan ng mga 200 makakalikasan at makabayang mamamayan mula sa iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas at maging ng mga internasyunal na delegado sa Tagaytay City noong unang linggo ng Marso.

Simbahan na benyu ng kumperensiya sa Tagaytay. (Pher Pasion)
Simbahan na benyu ng kumperensiya sa Tagaytay. (Pher Pasion)

Pinangunahan ng Center for Environmental Concerns-Philippines, Kalikasan Party-list, Defend Patrimony, Ecumenical Bishops Forum, Kalikasan People’s Network for Environment, Kalipunan ng Katutubong Mamamayan, Stewards of Creation, at Katribu Party-list ang nasabing kumperensiya.

“Nakita natin na kung paano kalbuhin ang ating mga kagubatan, pinatag ang ating mga kabundukan, nilason ang katubigan, winasak ang mga sakahan at iniwan ang mga komunidad. At lahat ay dahil sa ngalan ng pera,” sabi ni Bayan Rep. Teodoro Casino, sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng kumperensiya.

“Sa puso po ng lahat ng ito ay ang sistema na nagpapahalaga sa tubo kaysa tao, kalikasan at kinabukasan ng bayan. Isang sistema na naglalayong kumamal ng mas malaking pera sa ano mang posibleng para sa pinakamura at pinakamabilis na paraan. Isang sistema na naglalayong pigain ang kaliit-liitang mineral meron tayo para sa pandaigdigang merkado,” pagdidiin ni Casino.

Protesta ng aktibistang kontra sa mapangwasak na pagmimina sa tanggapan ng Lepanto. (Macky Macaspac)
Protesta ng aktibistang kontra sa mapangwasak na pagmimina sa tanggapan ng Lepanto. (Macky Macaspac)

Minahan sa mga rehiyon

Inihapag ng iba’t ibang rehiyon ang kinahaharap nilang mga problema sa mga minahan sa kani-kanilang lugar. Hindi lamang kahirapan ang epekto ng presensiya ng pagmimina kundi direktang kamatayan sa kalikasan at mga mamamayan.

Sa datos mismo ng Department of Environment and Natural Resources, tinatayang 530 kompanya ng minahan ang nakatakdang aprubahan at mag-operate sa bansa sa pag-eenganyo at pahintulot ng administrasyong Aquino na nangangahulugang ibayong dislokasyon, militarisasyon, pandarambong at pagkasira ng kalikasan.

Panawagan ng mga katutubo na ibasura ang Mining Act of 1995 na ayon sa kanila ay sumsalanta at nagwawsak sa kanilang pamayanan, kabuhayan at maging ang kanilang buhay.  (Macky Macaspac)
Panawagan ng mga katutubo na ibasura ang Mining Act of 1995 na ayon sa kanila ay sumsalanta at nagwawsak sa kanilang pamayanan, kabuhayan at maging ang kanilang buhay. (Macky Macaspac)

Sa Bikol, iniulat ng Ugnayan ng Mamamayan Laban sa Pagmimina at Kumbersyon Agraryo- Bikol (Umalpas Ka-Bikol) ang lumalawak na sakop ng malalawakang komersiyal na pagmimina. Umabot sa 74.62% ng kabuuang land area ng rehiyon ang pinapangambahang sakupin ng mga minahan. Sa isla ng Rapu-Rapu sa Albay, halimbawa, nasa 93.6% ang sasaklawin ng mga minahan.

Sa kabila ng buwis na naibibigay ng large-scale miners sa rehiyon, nananatiling isa ang rehiyon ng Bikol sa pinakamahihirap na rehiyon sa bansa. Pinangangambahan din ang epekto ng pagmimina dahil ang Bikol ay daanan ng mga bagyo na pumapasok sa bansa.

Ang Hilagang Luzon na binubuo ng rehiyon ng Ilocos, Cordillera at Cagayan Valley ay tila pinagpiyestahan ng malalaking kompersiyal na kompanya ng mina. Ito ang iniulat ng Bantay Amianan. Ang iba rito’y matagal na ang operasyon tulad ng Benguet Corporation na 109 taon na (1903-2012), Lepanto Consolidated Mining Company, 76 na taon (1936-2012) at Philex Mining Corporation, 57 na taon (1955-2012).

Naging tampok din ang coal at magnetite mining sa Cagayan, kung saan halos buong dalampasigan ng rehiyo’y nakatakdang hakutin, at ang offshore mining ng chromite sa rehiyon ng Ilocos at Cagayan.

Tulad ng Rehiyon ng Bikol, ang mga rehiyon sa Hilagang Luzon ay kabilang sa mga pinakamahihirap ng rehiyon sa Pilipinas.

Sa Timog Katagalugan, umabot sa 33,455.090 ektaryang lupain ang pinahihintulutang lunsaran ng eksplorasyon ng walong kompanya ng pagmimina sa mga lalawigan ng Batangas, Rizal, Marinduque at Palawan.

Nasa 58,571.612 ektarya ng lupain sa probinsiya ng Cavite, Batangas, Quezon, Marinduque, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Palawan at Romblon ang nakaambang minahan ng 21 kompanya ng pagmimina na nagawaran naman ng Mineral Production Sharing Agreements.

Sa Visayas, naging tampok din ang papadaming mga komersiyal na pagmimina na nakatakdang aprubahan. Sa Central Visayas, halimbawa, tinatayang mahigit isang milyong mamamayan na nakaasa sa pangingisda ang maaapektuhan sa eksplorasyon ng langis at gas sa Tanon Straight sa pagitan ng Negros at Cebu.

Naging tampok naman sa Negros ang magnetite mining at black sand mining na ikinababahala ng mga mamamayan ang paglawak nito. Ayon sa Defend Patrimony-Negros, tulad ng mga epekto ng malawakang pagmimina sa ibang rehiyon, tumitindi ang insidente ng dislokasyon ng mga magsasaka, pangangamkam ng lupa, mababang kita, kagutuman, problema sa kalusugan, malnutrisyon, at pagkakawatak ng mga komunidad.

Lider-katutubo, sa protesta ng mga delegado ng kumperensiya, sa Mendiola, Manila. (KR Guda)
Lider-katutubo, sa protesta ng mga delegado ng kumperensiya, sa Mendiola, Manila. (KR Guda)

Ayon naman sa Panalipdan Mindanao, mahigit sa kalahati ng tinatayang yamang mineral ng Pilipinas ay matatagpuan doon na nagkakhalagang ($12.6-Bilyon). Nasa Mindanao ang pinakamalaking reserba ng bansa sa copper (5 bilyong tonelada), ginto (3.4B tonelada), aluminum (292 milyon tonelada) at iron (411M tonelada).

Sa Davao Oriental, mayroong mahigit 100 aplikasyon para sa large-scale at small-scale mining. Sa Zamboanga del Norte, ang kompanya ng mina na TVI ay nagluluwal ng 200 metrikong tonelada na ore kada araw upang makakuha ng 2.5 gramo ng ginto kada tonelada.

Protesta ng mga delegado ng kumperensiya, sa Mendiola. (KR Guda)
Protesta ng mga delegado ng kumperensiya, sa Mendiola. (KR Guda)

Dinambong na ekonomiya

Hindi rin naging ganoon kakinang ang kontribusyon ng pagmimina sa ekonomiya ng bansa sa mga nakalipas na taon ayon sa mga datos.

Aktor na si John Arcilla, isa sa mga dumalo sa kumperensiya. (Pher Pasion)
Aktor na si John Arcilla, isa sa mga dumalo sa kumperensiya. (Pher Pasion)

“Kahit national government, hindi gaanong nakikinabang sa mining,” ayon kay Maita Gomez ng Bantay Kita, isang pambansang network ng civil society organizations na nagtagtaguyod ng transparency sa extractive industries.

Taong 2007, naitala ang pinakamataas na kontribusyon ng pagmimina sa bansa na aabot lamang sa 1.4% ng Gross Domestic Product ng bansa, ayon mismo sa datos ng Mines and Geosciences Bureau.

Maging sa usapin ng empleyo, hindi aabot sa 0.3% mula 2000 hanggang 2004  ang kontribusyon nito sa empleyo, 0.4% mula 2005-2007 at 0.5% 2008 hanggang 2009. Kung sa isang dekada nitong kontribusyon sa empleyo, tinatayang nasa 0.376% lamang ito sa average.

Base sa ipinresintang datos ni Gomez, ang mga small-scale at non-metallic mining ay mas maigting ang empleyo dahil gumagamit ang mga ito ng mga makalumang pamamaraan ng pagmimina, samantalang ang mga large-scale mining ay nangangailangan lamang ng mas kaunting manggagawa sapagkat gumagamit ang mga ito ng malalaking makina at mas abanteng teknolohiya.

Ayon pa kay Gomez, nakikinabang pa ang large scale miners sa mga kaluwagan tulad ng walang buwis sa panahon ng eksplorasyon, limang-taong tax holiday (di-kailangang magbayad ng buwis), walang buwis sa importasyon ng mga makinarya, kagamitan at materyales para sa kasangkapan upang kontrolin ang polusyon, bawas-buwis sa mga manggagawa, at iba pang gastusin. Base sa isang pag-aaral, hindi na sana kailangang bigyan pa ang mga kompanya ng mina ng mga insentibong ito, dagdag ni Gomez.

“Ang kasalukuyang mga polisiya ay anti-industriyalisasyon, sapagkat pinanatili ang bansa na maging exporter ng hilaw na mga materyales at importer ng yaring mga produkto. Matutugunan ng kasalukuyang direksiyon ang pangangailangan ng pandaigdigang merkado at hindi ng lokal na pangangailangan para sa lokal na pag-unlad,” ayon kay Renato Reyes, pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan.

Sa ganitong balangkas, mula 1990 hanggang 2008, tinatayang may average na depisito ang Pilipinas ng $1.24.B kada taon sa inilalabas na hilaw na materyales at ini-import na yaring produkto, ayon kay Reyes.

Kabataan Rep. Raymond Palatino: Higit pa sa People's Mining Bill, kailangang paigtingin ang paglaban ng mga mamamayan. (Pher Pasion)
Kabataan Rep. Raymond Palatino: Higit pa sa People's Mining Bill, kailangang paigtingin ang paglaban ng mga mamamayan. (Pher Pasion)

Ang ganitong sistema ay para sa industriyalisasyon, habang itinataboy nito ang mga katutubo at komunidad ng magsasaka at simusira sa hindi na maibabalik na kalikasan natin, dagdag ni Reyes.

Inilahad naman ni Sonny Africa, research director ng Ibon Foundation, ang kasalukuyang global na krisis na nagtutulak sa mga kapitalistang bansa na pumiga ng mga murang hilaw na materyales mula sa mga bansa gaya ng Pilipinas.

“Nagkakaroon ng mahigpit na polisiya sa pagmimina ang ibang mga bansa upang tiyakin ang pakinabang mula sa pagmimina ng lokal na industriya, samantalang ang Pilipinas ay higit pang ibinubuyangyang ang bansa para sa dayuhang kompanya imbes na pakinabangan at magamit ang mga mineral para sa pambansang industriyalisasyon,” paliwanag ni Africa.

“Dapat ang pagmimina ay nasa konteksto ng lokal na pagpapaunlad ng industriya,” sabi pa niya.

Marahas na reaksyon, militarisasyon

Habang nagiging maigting ang laban ng mga mamamayan sa walang habas ng pagmimina, siya rin ang kaigtingan ng pagsupil ng estado sa mga ito.

“Nasa 11 na ang biktima ng pagpatay sa environmentalists at mga lider ng mga katutubo. Walo sa mga napatay ay may kaugnayan sa laban sa mga minahan mula Nobyembre 2010 hanggang Oktubre 2011. Kabilang sa mga kilalang naging biktima ay sina Dr. Gerry Ortega, Dr. Leonard Co at Fr. Pops Tentorio,” ayon sa Kalikasan PNE.

Gayundin, sa bawat rehiyon naitala ang pagdeploy ng militar sa mga lugar ng minahan upang mas higit na protektahan ang interes ng malalaking kompanya ng mina sa lugar na ito liban pa sa private armies.

Naitala naman sa Northern Mindanao Region ang pinakamaraming bilang ng mga pinaslang na lider-Lumad. Lima ang pinaslang ng pinaghihinalaang mga grupong paramilitar mula 2010, ayon sa Panalipdan Mindanao. Labing-isa na ang naitalang napatay na Lumad sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Kinabukasan ng mga bata ang nakasalalay sa malawakan at mapanirang pagmimina. Ayon sa grupo, aabot sa 60 porsyento ng rehiyong Kordilyera ang may aplikasyon ng malawakang dayuhang mina. (Macky Macaspac)
Kinabukasan ng mga bata ang nakasalalay sa malawakan at mapanirang pagmimina. Ayon sa grupo, aabot sa 60 porsyento ng rehiyong Kordilyera ang may aplikasyon ng malawakang dayuhang mina. (Macky Macaspac)

Ayon sa Umalpaska-Bikol, nasa mga minahan ang presensiya ng Investment Defense Force (IDF) na dagdag-seguridad para sa mga korporasyon ng pagmimina na binuo noong panahon pa ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo. Nariyan din anila ang Mineral Development Council na nabuo ng Committee on Mining Security na ang gawain ay suriin ang pangkalahatang seguridad sa pagmimina at paganahin ang IDF.

Maliban pa sa pagpatay, nagaganap rin ang dislokasyon sa mga mamamayan dahil sa pagmimina at militarisasyon. Ganito ang nagaganap sa rehiyon ng Caraga sa Mindanao. Katutubong mga Manobo ng Andap ang sapiliting napapalikas dahil sa mga operasyong militar ng Armed Forces of the Philippines sa kanilang mga komunidad.

Sa mismong kumperensiya sa Tagaytay City, naranasan ng mga organisador at kalahok ang paniniktik ng mga elemento ng militar: Dalawang lalaki na kumukuha ng bidyo ang naaktuhan sa mismong programa. Nagpakilala na mula sila sa kapitolyo, pero nakita na laman ng kamera ang iba’t ibang kuha ng mga paniniktik sa rehiyon sa progresibong mga organisasyon.

Bayang palaban para sa bayan at kalikasan

Bukod sa kompanya ng Lepanto Mining, nagprotesta sila sa tanggapan ng Philex Mining, Benguet Corporation,Coolabalah Mining Corporation, Red Earth Mining, Lasseter Mining Corporation at sa opisina ng Chamber of Mines.  (Macky Macaspac)
Bukod sa kompanya ng Lepanto Mining, nagprotesta sila sa tanggapan ng Philex Mining, Benguet Corporation,Coolabalah Mining Corporation, Red Earth Mining, Lasseter Mining Corporation at sa opisina ng Chamber of Mines. (Macky Macaspac)

Sa kabila ng nakamamatay na mga polisiya sa malawakang pagmimina at pandarahas ng estado, higit na umigting ang laban ng mga mamamayan na mabilis kumalat sa buong kapuluan.

“Ang mga pagsisikap natin at ng iba’t ibang grupong anti-mining ay naririnig na sa buong bayan at nagtutulak para sa iba pang tao na manindigan at lumaban din. Ang paglawak at pagme-mainstream ng ating anti-mining campaign ay sinasalamin ng No to Mining in Palawan Movement sa pangunguna ni Gina Lopez, na nakakalap na ng mahigit limang milyong pirma. Malaking bagay din ang naisagawang mga island-wide na anti-mining conferences sa Mindanao, Visayas at Luzon. Dapat salubungin at payabungin pa ang mga inisyatibang ito,” ani Casino.

Dagdag pa ni Casino, inaprubahan ng House Committee on Natural Resources ang dalawang House Resolution na nananawagan ng moratoryo sa malawakang pagmimina at pagkansela ng mga mining permit sa buong lalawigan ng Negros Occidental at Capiz. Batay ito sa mga lokal na ordinansa ng mga Sangguniang Panlalawigan sa Negros Occidental at Capiz para sa pagtigil ng large-scale mining sa kanilang lugar. Ang moratoryo sa Negros Occidental ay 25 taon samantalang sa Capiz naman ay 50 taon. Ito ang unang beses na sumuporta ang komite sa ganitong klaseng lokal na ordinansa. Sina Casino at Bayan Muna Rep. Neri Colmenares ang mga awtor ng nasabing resolusyon.

“Nitong linggo, ang Davao City Council naman ang nagpasa ng resolusyon para ideklarang mining-free zone ang buong lungsod. Nauna na rito ang environmental code ng South Cotabato na nagbabawal sa open pit mining na siyang pumipigil sa pagmimina ng SMI sa Tampakan. Ang pamahalaan ng Zamboanga del Norte ay nagpahayag na rin ng pagtutol sa open pit mining na mukhang susundan ng mga provincial board ng Zamboanga Sibugay,” dagdag ni Casino.

Para naman sa pagbabasura ng Mining Act of 1995, kinuha na ng House Committee on Natural Resources ang pinagkaisang borador ng iba’t ibang alternative mining bills, na sa malaking bahagi’y halaw sa People’s Mining Act ng Bayan Muna, sabi pa ni Casino.

Pati ang Korte Suprema ay pumasok na sa eksena sa pamamagitan ng Writ of Kalikasan, ani Casino at hinikayat na pag-aralan ito para sa kapakinabangan ng mga mamamayan.

People’s Mining Bill ang batas na naglalayong ibasura ang mapaminsalang naging epekto ng pagsasabatas ng Mining Act of 1995 na nagtatadhanang pawang mga minahan lamang ang nakikinabang at nagbibigay ng kaluwagan sa mga kompanya kapalit ang pagkasira ng kalikasan at kamatayan sa mamamayan.

Binigyan-diin naman ni Kabataan Rep. Raymond Palatino na hindi ang People’s Mining Bill ang tanging lulutas sa problema sa pagmimina. Nanatiling esensiyal ang aktibo at organisadong laban ng mga mamamayan kontra sa mga mapaminsalang pagmimina sa bansa.

Ayon kay Africa, malaki ang bentahe ng paglaban sa Pilipinas sapagkat narito ang iba’t ibang porma mula sa legal, extra-legal at maging armadong paglaban sa mga malalaki at mapaminsalang mga minahan.

Oktubre 2011 nang atakihin ng tinatayang 200 miyembro ng New People’s Army ang isang malaking operasyon ng minahan sa Surigao Del Norte. Sinunog ng mga ito ang mga malalaking sasakyan at kagamitan sa pagmimina.

Ayon sa National Democratic Front of the Philippines, ang naging aksiyong ng NPA sa malalaki at mapangwasak na mga minahang ito ay base sa polisiya ng Communist Party of the Philippines, NPA at NDF na itigil ang mga malalaking operasyon ng minahan na sumisira sa kabuhayan ng mga mamamayan, kalikasan at aspirasyon para sa pambansang industriyalisasyon, at paglabag sa karapatan ng mga katutubo at buong sambayanang Pilipino.

Lumalawak nga ang mga banta ng mapanirang pagmimina sa bansa. Pero lumalawak din ang paglaban ng mga mamamayan.