Sunog sa bundok sa Pakil, ikinabahala ng komunidad
Nasunog ang bahagi ng Bundok Ping-as sa bayan Pakil, Laguna noong Hunyo 19. Nangamba ang mga residente na baka umabot ang apoy sa kapilya sa tuktok ng bundok, kung saan idinaraos ang taunang Ahunan sa Ping-as.
Nasunog ang bahagi ng Bundok Ping-as sa bayan Pakil, Laguna noong Hunyo 19. Namataan ni Melody Cabañero Familara, isang residente, ang ningas mula sa bundok sa may Barangay Taft bandang alas-diyes ng umaga. Pagsapit ng tanghali, lumaki at lumaganap na ang apoy pababa sa paanan ng bundok.
Agad na nanawagan ang mga residente ng tulong mula sa pamahalaang lokal upang apulahin ang apoy. Nangamba rin ang mga residente na baka umabot ang apoy sa kapilya sa tuktok ng bundok, kung saan idinaraos ang taunang Ahunan sa Ping-as.
Sa Facebook post ng Freedom of Information Pakil, agad na kumilos ang pamahalaang lokal kasama ang Bureau of Fire Protection Pakil, Municipal Environment and Natural Resources Office, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at mga opisyal ng barangay upang tugunan ang sitwasyon.
“Ano ba ‘yan, antayin na sa punto na pati ang tuktok ng bundok ay masunog na?” tanong ni Familara.
Suspetsiya ng mga residente, ang pagpuputol ng puno at kawayan para sa pagtatayo ng 1,400-megawatt Ahunan Pumped Storage Hydropower Dam ni Enrique Razon ang sanhi ng sunog, kasabay ng matinding init ng panahon.
“Habang nasusunog ang aming bundok, naririnig rin namin ang mga power saw na patuloy pa rin ang pagpuputol ng mga puno,” sambit naman ni Jun Asin ng Pakil East Farmers Association. Kinakatakot din niya ang paglambot ng lupa ng bundok na magsanhi ng landslide sa kanilang bayan sa panahon ng tag-ulan.
Pangalawang beses na itong sunog sa Bundok Ping-as ngayong taon, ang una noong Abril sa may Barangay Rizal.
Noong Mayo 25, naglabas ng cease and desist order ang National Historical Commission of the Philippines upang ipatigil ang konstruksiyon ng dam dahil sa istorikal, kultural, at espiritwal na kahalagahan ng lugar.
Sa isang pahayag sa Facebook noong Hunyo 13, sinabi ni Mayor Ronaldo James Hidalgo na walang awtoridad ang pamahalaang lokal na agarang ipatupad ang isang atas mula sa pambansang ahensiya.
“Ang papel ng LGU ay karaniwang nakatuon lamang sa koordinasyon, monitoring, facilitation ng komunikasyon, at pagbibigay ng kaukulang suporta sa mga kinauukulang ahensya, alinsunod sa tamang proseso at legal na mekanismo,” aniya.
Sinikap ng Pinoy Weekly na makapanayam si Hidalgo hinggil sa inabot ng imbestigasyon sa dahilan ng sunog ngunit walang tugon mula sa kanyang tanggapan.