Inilalako sa mga korporasyon ang mga bundok at gubat
Nasa sambayanan ang puso na tunay na may pagkiling sa kalikasan.
Nanggagalaiti na sa galit ang maraming komunidad. Paano, habang naglalaway at nagkakandarapa ang iba’t ibang korporasyon sa taglay ng Pilipinas na critical mineral reserve, sige ang gobyerno sa pag-alok ng mga kabundukan at isla, alang-alang umano sa paglikha ng libo-libong trabaho at milyones na kita.
Critical minerals ang tawag sa mga mineral na kailangan para sa maraming makabagong teknolohiya. Halimbawa nito ang nickel na kailangan para sa mga electric vehicle. Tinatayang 5% ng lahat ng nickel reserve sa buong mundo ang matatagpuan sa Pilipinas.
Sa isla ng Sibuyan, Romblon, kinakalampag ng mga residente ang gobyerno para itigil ang nakaambang pagmimina ng nickel doon ng Altai Philippines Mining Corporation. Ayon sa mga residente, ano mang paglilimita ng korporasyon sa sakop nilang ektarya, konektado pa rin ang mga ilog at gubat kaya ang dagok sa isa ay dagok sa lahat. Halimbawa nito ang Mt. Guiting-Guiting Natural Park, tahanan ng napakaraming hayop at halaman.
Malinaw naman na sinusubukang patahimikin ng North Luzon Mineral Resources Corporation (NLMRC) ang mga tanggol-kalikasan sa Kasibu, Nueva Vizcaya. Ayon sa mga residente, bilang huwad na patunay na kinonsulta ng NLMRC ang komunidad, gumamit ang korporasyon ng attendance sheet para sa ibang aktibidad.
Nang magsimulang umalma ang mga lider ng komunidad, sinampahan sila ng NLMRC ng kaso. Ngayong Hulyo, magkasunod na sinampahan ng cyberlibel sina Edgardo Balgos at Fidel Santos, mga abogado ng mga residente.
Mukhang may amnesia ang gobyerno sa paulit-ulit na kaso ng paglabag ng mga dambuhalang mining corporation. Pero ang mga komunidad, hindi makakalimot. Sila kasi ang bulnerable sa pagguho ng lupa, taon-taong pagbaha, pagkukulay-putik ng tubig-inumin at paghalo ng lason pati sa hangin.
Ganito rin ang ginawa kay Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao at mga matatapang na residente ng Dupax del Norte na tumindig laban sa Woggle Corporation. Kahit pa dismissed na ang mga kaso, may epekto pa rin ito sa pampolitikang klima—tinatakot ang mga sibilyan na may karapatan naman talagang magreklamo tuwing buhay at kinabukasan nila ang isinasangkalan.
At kahit paulit-ulit pang palamutian ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga anunsiyo niya tungkol sa mga mining deal—responsable raw, sustenable at hakbang patungong “clean energy” ang mga ito—malinaw ang pagkiling niya.
Sa simula ng Hulyo, habang nasa Canada, kinita pa niya ang OceanaGold na nakuhanan niya ng pledge na mag-iinvest na ng $1.9 bilyon para sa pagmimina ng ginto sa Didipio na nasa Kasibu rin. Naroon na ang OceanaGold mula 2006 at ngayo’y posible pang umabot ng 2037.
Maraming resibo sa pandarahas ng OceanaGold sa komunidad at kalikasan. Mula sa operasyon nilang umabot sa watershed, pagiging sanhi nila ng siltation ng tubig at paghina ng lupa, pagputol ng mga puno kahit walang permit—ito at marami pa ang nakalista sa mining audit noong si Gina Lopez pa ang namumuno sa Department of Environment and Natural Resources.
Ngayon, sinuyo pa ni Marcos Jr. ang mga dambuhalang dayuhang korporasyon at iba pa para sa mas malaking investment. Dagdag na patunay na rin ito na hindi naman talaga nagkakalayo ang gobyerno ni Marcos Jr. kay Rodrigo Duterte, na siyang dahilan ng muling pagkakaroon ng permit ng OceanaGold noong 2019.
Mukhang may amnesia ang gobyerno sa paulit-ulit na kaso ng paglabag ng mga dambuhalang mining corporation. Pero ang mga komunidad, hindi makakalimot. Sila kasi ang bulnerable sa pagguho ng lupa, taon-taong pagbaha, pagkukulay-putik ng tubig-inumin at paghalo ng lason pati sa hangin.
Sa huli, nasa sambayanan—mga residente, taong simbahan, tanggol-karapatan—ang puso na tunay na may pagkiling sa kalikasan. Wala ito sa mga korporasyon at sa gobyernong kasabwat na rin sa bawat delubyong paparating.