Planong pagputol sa mahigit 1,000 puno sa Marikina, tinutulan
Ayon sa Marikina Kontra Agos, maaaring lumala ang init dahil sa pagkawala ng malaking bahagi ng natural na lilim sa komunidad. Anila’y maaari rin maging mas bulnerable pa sa pagbaha ang lugar.
Tinutulan ng mga residente at makakalikasang grupo ang planong pagputol sa 1,096 puno sa iba’t ibang bahagi ng Marikina City para sa pagpapatayo ng mga tulay sa ilalim ng Metro Manila Bridges Project (MMBP) ng Asian Development Bank (ADB).
“Hindi dapat kapalit ng kalikasan ang kaunlaran. Hindi dapat isakripisyo ang mga pamilya at lalo silang ilagay sa panganib ng malulubhang epekto ng climate change para lamang mabawasan ang trapiko sa mga kalsada ng Marikina,” sabi ng Marikina Kontra Agos (MKA), isang network ng mga tanggol-kalikasan sa siyudad, sa pahayag nito sa wikang Ingles.
Sa Provident Village, nagpakalat at nagpapirma ng isang petisyon ang mga residente laban sa planong pagputol sa 514 puno sa kanilang komunidad para bigyang-daan ang Bridge 1 ng proyekto. Nagsabit din sila ng mga panawagan sa paligid ng mga punong ilang dekada nang nakatayo at nakaambang putulin.

Hinimok ng MKA ang mga Marikeño, lalo sa iba pang apektadong barangay, na makiisa sa pagtutol sa proyekto.
Kabilang sa mga punong maaapektuhan ang mga narra, ipil-ipil at balete na dekada na ang tanda sa mga barangay ng Calumpang, Jesus dela Peña at Tañong.
Ayon sa MKA, maaaring lumala ang init sa Provident Village dahil sa pagkawala ng malaking bahagi ng natural na lilim sa komunidad. Anila’y maaari rin maging mas bulnerable pa sa pagbaha ang lugar.
Noong 2009, matinding pagbaha at pinsala sa ari-arian ang dinanas ng mga residente ng nasabing lugar dahil sa Bagyong Ondoy.
Samantala, kinilala ng MKA ang inisyatiba ng pamahalaang lokal ng Marikina City na makipag-ugnayan sa Department of Environment and Natural Resources upang maghanap ng mga alternatibong paraan para maisalba ang mga puno.
Pinopondohan ang MMBP sa pamamagitan ng $175 milyong pautang, o humigit-kumulang P10.8 bilyon, na babayaran ng mga Pilipino sa pamamagitan ng buwis.
Nanawagan ang MKA sa mga Marikeño na palakasin ang kampanya laban sa malawakang pagputol ng mga puno at abutin ang mas maraming tagapagpatupad ng polisiya at stakeholder upang mapigilan ang proyekto.