Pambansang Isyu

Mamamayan nagpakita ng galit sa pagtaas ng presyo ng langis


Mula alas-7 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi, bumuhos sa lansangan ang mga grupo ng maralitang lungsod, manggagawa, kababaihan, tsuper, kawani ng gobyerno, kabataan, at iba pa para irehistro ang kanilang galit sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng langis.

Mula alas-7 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi, bumuhos sa lansangan ang mga grupo ng maralitang lungsod, manggagawa, kababaihan, tsuper, kawani ng gobyerno, kabataan, at iba pa para irehistro ang kanilang galit sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng langis.

Ipinanawagan nila sa gobyernong Aquino ang kagyat na rolbak sa presyo ng langis, pagtigil sa overpricing sa presyo ng langis, pagbasura sa Oil Deregulation Law, at pagtanggal ng Expanded Value-Added Tax sa langis.

Mula sa pausong ‘Noynoying’ hanggang sa noise barrage, nagkaroon ng iba’t ibang porma ng protesta sa 30 protest centers sa buong Kamaynilaan, at mga mayor na lungsod sa mga rehiyon gaya ng Southern Tagalog, Bikol, Davao, at Kordilyera.

Ngunit sa halip na aksiyunan ang iba’t ibang panawagan para matigil ang walang humpay na pagtaas sa presyo ng langis, disimpormasyon at overacting ang naging tugon ng administrasyong Aquino.

Ito ang inihayag ng Koalisyon ng Progresibong Manggagawa at Mamamayan (KPMM), isa sa multi-sektoral na mga grupong nanguna sa protestang bayan.

“Nais lamang ng Malakanyang na iwasan ang isyu at talikuran ang kanyang responsabilidad sa pamamagitan ng paghahasik ng kalituhan at takot. Sa halip na tugunan ang isyu ng oil price hikes at overpricing sa langis, tinakot nito ang mga komyuter sa paglalarawan ng protestang bayan bilang ‘perwisyong’ transport strike,” ani Larry Tan, tagapagsalita ng KPMM.

Nauna nang inilinaw ng grupong Piston (Pagkakaisa ng mga Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide) na hindi transport strike ang kanilang isinagawang protesta, at bahagi lamang ng mas malawak na protesta ng mga mamamayan mula sa iba’t ibang sektor.

Gayunpaman, ito ang pinilit pinalabas ng Malakanyang at Metro Manila Development Authority.

“Malinaw na hindi lamang ang transport sector ang apektado ng OPH. Ngunit binatikos pa ni (Edwin) Lacierda ang Piston dahil sa hindi pag-file ng petisyon para sa fare hike…Saludo kami sa lahat ng tsuper na lumahok sa protesta para ipakita ang epekto sa OPH sa iba pang mga sektor ng lipunan. Lahat ng mga mamamayan ay dapat sumingil sa sabwatan ng gobyerno at kartel ng langis,” ayon kay Tan.

Narito ang ilang larawan ng protestang bayan:

Alas-7 ng umaga, nagtipon na ang iba't ibang sektor sa Elliptical Rd. sa Quezon City. (Pher Pasion)
Inihanda na rin ng mga miyembro ng Piston ang mga dyip na sasama sa transport caravan patungong opisina ng Chevron sa Makati City (Pher Pasion)
Isinalarawan ng manggagawang ito ang bigat ng pasaning dulot ng overpricing sa langis. (Pher Pasion)
'Noynoying' ang tinawag sa bagong porma ng protestang ito na pinangunahan ng mga estudyante: pag-upo at pagtanga, tulad umano ng ginagawa ni Pangulong Aquino sa usapin ng OPH (Pher Pasion)
Mga lider ng iba't ibang grupong sektoral, bago magmartsa patungong Philcoa (Pher Pasion)
Ngunit hinarang ng mga pulis at guwardiya ang caravan sa Ayala Ave., kung saan nagkaroon ng kaunting girian. (Pher Pasion)
Iginiit ng mga tsuper na makalapit sa opisina ng Chevron, ngunit pinigilan sila ng mga guwardiya. (Pher Pasion)
Ayon sa mga nagpoprotesta, overpriced ang presyo ng mga produktong petrolyo sa minimum na P9 kada litro (Pher Pasion)
Sunod na nagtungo ang transport caravan sa opisina ng Shell sa Valero St. (Pher Pasion)
Dito, nagsagawa ng die-in ang mga tsuper ng Piston. (Pher Pasion)
Sa isang protest center a Commonwealth Ave., QC (Macky Macaspac)
Kababaihan ng Gabriela, nananawagan ng pagbasura ng Oil Deregulation Law at pagtanggal ng E-VAT sa langis. (Macky Macaspac)
Nagsagawa ng noise barrage ang mga miyembro ng Batasan Tricycle Operators and Drivers Association o Batoda, ang pinakamalaking tricycle terminal sa Kamaynilaan. (Macky Macaspac)
Noise barrage sa Elliptical Rd ng mga kawani ng gobyerno sa ilalim ng Courage, na nagwalk-out sa kani-kanilang mga opisina. (Macky Macaspac)
Dinikitan ng poster ang FX na ito na ang drayber ay nakikiisa sa protesta. (Macky Macaspac)
Tumungo rin sa lansangan ang mga bata kasama ang kanilang mga magulang na di makaagapay sa taas ng presyo ng bilihin dulot ng OPH (Macky Macaspac)
Pagtanggal ng E-VAT sa langis, isa sa mayor na panawagan ng protesta (Macky Macaspac)
Mga estudyante at guro sa protest center sa Philoca, QC (Pher Pasion)
Sa North Triangle, QC, daan-daang pulis ang dumikit sa mga maralitang nagpoprotesta. Bandang alas-4:30 ng hapon, panandaliang hinarang ng grupong Kadamay ang EDSA Ave., at bilang tugon binatuta ng pulisya ang mga maralita. (Ilang-Ilang Quijano)
Ayon sa mga maralita, Oil Deregulation Law at E-VAT sa langis ang lalong nagpapahirap sa kanila. (Ilang-Ilang Quijano)
Hanggang alas-7 ng gabi, ipinagpatuloy nila ang protesta kahit bantay-sarado ng pulisya. (Ilang-Ilang Quijano)