Migrante

‘Double standard’ ni PNoy sa North Korea, binanatan ng Migrante


Umani ng kritisismo administrasyong Aquino sa pagsalita ng Pangulo kontra sa pagpapalipad ng rocket ng North Korea, samantalang nananahimik umano ito sa giyerang agresyon ng gobyernong US sa Gitnang Silangan at Hilagang Aprika.

Mapa ng North Korea. (Google Maps)
Mapa ng North Korea. (Google Maps)
Mapa ng North Korea. (Google Maps)

Umani ng kritisismo administrasyong Aquino sa pagsalita ng Pangulo kontra sa pagpapalipad ng rocket ng North Korea, samantalang nananahimik umano ito sa giyerang agresyon ng gobyernong US sa Gitnang Silangan at Hilagang Aprika.

“Habang ang administrasyong Aquino sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs ay mabilis na kumondena at mag-alarma sa umano’y kahihinatnan ng rocket testing ng North Korea, nananatili itong tahimik …maging (sa) pagdami ng pagpapadala ng tropang pandigma (ng US) sa Asya-Pasipiko,” ani Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International.

Nakatakdang magpalipad ng rocket ang North Korea sa pagitan ng Abril 12 at 18 upang magpadala ng kanilang sariling satellite sa kalawakan. May ilang ulat nang nagsaad na maaaring bumagsak ang ilang bahagi ng rocket malapit sa Pilipinas.

Iginigiit ng gobyerno ng North Korea na “mapayapa” ang layunin ng pagpapalipad ng satellite at may karapatan umano itong maglunsad ng sariling space program tulad ng ibang bansa.

Sinabi ni Martinez na may pagkakaiba ng posisyon ng pamahalaan sa rocket launch ng North Korea at ang pagpapatuloy ng giyerang agresyon ng US sa Gitnang Silangan.

“Ang una ay walang tukoy at direktang target, habang ang ikalawa’y nagbibigay ng seryosong kahihinatnan at sa katunayan ay nagbigay na ng panganib sa mga mamamayan ng mga lugar doon maging sa ating mga kababayan na nagtatrabaho roon,” paliwanag ni Martinez.

Sinabi pa niya na seryoso nilang kinukuwestiyon ang polisiya ng all-out support ng administrasyong Aquino sa gobyernong US “kapalit ang pambansang soberanya, una ay sa isyu ng (sigalot sa) Spratlys at ngayon ay sa North Korea.”

Aniya, malamang na layunin ng pagpapatampok sa rocket launching ng North Korea ang pagbibigay-katwiran sa pagpapaigting ng interbensiyong militar ng US sa Asya Pasipiko, at maging sa mismong North Korea.

Patuloy ni Martinez na imbes na “maging papet at ilagay ang Pilipinas sa gitna ng putukan,” dapat gawin na lamang ng pamahalaang Aquino na gumawa ng independiyenteng foreign policy na totoong magsisilbi sa sambayanang Pilipino.

Patuloy rin aniya ang kanilang oposisyon sa pagdami ng tropang Kano na pumapasok sa Pilipinas bunsod ng napagkasunduan ng administrasyong Aquino at administrasyon ni US Pres. Barack Obama.