Kabataan

Taas-matrikula na inaprubahan ng CHED, kinondena ng kabataan


Panibagong taon ng kalbaryo ang haharapin ngayon ng kabataan at mamamayan sa pag-aapruba ng Commission on Higher Education (CHED) sa pagtataas ng singil sa matrikula ng mga pamantasan sa susunod na akademikong taon.

Kinalampag ng militanteng kabataan ang tanggapan ng Commission on Higher Education matapos magdesisyon ang huli na payagan ang mga pamantasan na magtaas ng matrikula ng mga estudyante nito. (Pher Pasion)
Kinalampag ng militanteng kabataan ang tanggapan ng Commission on Higher Education matapos magdesisyon ang huli na payagan ang mga pamantasan na magtaas ng matrikula ng mga estudyante nito. (Pher Pasion)
Kinalampag ng militanteng kabataan ang tanggapan ng Commission on Higher Education matapos magdesisyon ang huli na payagan ang mga pamantasan na magtaas ng matrikula ng mga estudyante nito. (Pher Pasion)

Panibagong taon ng kalbaryo ang haharapin ngayon ng kabataan at mamamayan sa pag-aapruba ng Commission on Higher Education (CHED) sa pagtataas ng singil sa matrikula ng mga pamantasan sa susunod na akademikong taon.

Agad na ikinagalit at kinondena ng kabataan sa pangunguna ng Anakbayan at Kabataan Party-list ang pag-aapruba ng CHED sa nasabing pagtatataas ng matrikula.

Ang deadline sa pagsusumite ng mga panukalang pagtaas sa matrikula ng mga pamantasan ay sa unang araw ng Abril. Matapos ang dalawang araw, ipinahayag ng CHED ang pag-aapruba sa mga ito.

“Ang mandato na ibinigay sa CHED ay upang i-regulate ang bayarin sa mga pamantasan kasama ang miscellaneous fees. Sa pagtanggi nitong i-regulate ang mga ganitong bayarin, nabibigyang ang mga pamantasan ng mahigit sa isang dekada ng kalayaan sa pagpapatupad ng mga labis at hindi kinakailangang bayarin sa mga mag-aaral,” ayon kay Teri Ridon, tagapagsalita at general counsel ng Kabataan Party-list.

Ipinakikita lamang nito na tunay na inutil, o “noynoying”, ang CHED sa mandato nito na bantayan ang pagtaas ng matrikula. Halos awtomatiko umano nitong inaaprubahan ang mga panukalang pagtaas ng matrikula na hindi man lamang tinitignan, pahayag ng Anakbayan.

Nangangamba pa ang Anakbayan na magtataas din ang State Universities and Colleges (SUCs) ng bayad sa matrikula at iba pang bayarin dahil sa pagkaltas sa badyet sa edukasyon sa ilalim ni Aquino.

Pati ang State Universities and Colleges, posibleng magtaas ng matrikulang sinisingil sa mga estudyante, ayon sa militanteng kabataan. (Pher Pasion)
Pati ang State Universities and Colleges, posibleng magtaas ng matrikulang sinisingil sa mga estudyante, ayon sa militanteng kabataan. (Pher Pasion)

Ninegosyong karapatan

Ayon sa Anakbayan, maraming reklamo sa mga kuwestiyonable at mapagsamantalang bayarin at pagtaas sa matrikula. Nasa P30,000 ang average na matrikula sa buong bansa ngayong taon at hindi pa kasama ang miscellaneous fees, dagdag ng grupo.

“Ang mga pinakamalalaking pribadong pamantasan ay gumaganansiya ng supertubo at walang palyang kabilang sa top corporations sa bansa. Ang pampublikong mga dokumento ang nagpapakita na ang nasa Top 5 na eskwuelahan ay kumikita ng hindi bababa sa P3-Bilyon sa kanilang net profits sa nakalipas na anim na taon,” sabi pa ng Anakbayan.

Mismong datos na ng CHED ang nagpapakita na walo sa 10 mag-aaral na kasalukuyang naka-enroll sa pribadong eskuwelahan ang hindi makakapagtapos dahil sa pagtaas ng mga bayarin, dagdag ng grupo.

“Sa ilalim ni Aquino, ang edukasyon ay prebilehiyo ng iilan imbes na dapat ito karapatan ng bawat Pilipino,” diin ng Anakbayan.

Walang magawa kundi ‘noynoying’

Ayon kay Ridon, nililinlang ng Malakanyang ang publiko nang sabihin nitong wala itong magagawa upang itigil ang pagtaas ng matrikula dahil sa deregulasyon. Nasa gobyerno pa rin ang pinal na desisyon sa pagtaas ng bayarin sa eskuwelahan, aniya.

“Sa ilalim ng doktrina nakalatag sa Lina v. Carino, sinabi ng Korte Suprema na hindi tinatanggalan ang gobyerno (ng kapangyarihang) i-regulate ang pagtaas ng mga bayarin sa pamantasan sa huli, kahit na ang mga pamantasan ay may kakayanan na sabihin ang kanilang matrikula sa una,” diin ni Ridon.

May magagawa umano ang Malakanyang, kung gugustuhin nitong mamagitan laban sa pagtaas ng matrikula. Nasa operational control and supervision ng Office of the President ang CHED, dagdag ni Ridon.

Sinabi pa ng abogado at lider-kabataan na si Ridon na ang pagtanggi ni Aquino na mamagitan ay nagpapatunay lamang na “hindi niya tunay na pinakikinggan ang panawagan ng mga mag-aaral at magulang na nakikita ngayon sa pagbaba ng kanyang approval ratings.”

Kamakailan, sa sarbey ng Social Weather Stations nitong Marso 2012, nakakuha lamang ng +49 net rating si Aquino na mas mababa ng siyam na puntos sa net rating niya (+58) noong Disyembre 2011.

“Hindi na dapat pa na sosorpresa ang administrasyong Aquino sa pagbagsak ng popularity ratings (ni Aquino).  Wala siyang ginagawa para itigil ang pagtaas ng matrikula, at bagkus kinaltasan pa ang pondo para sa state universities na siyang nagtutulak sa pagtaas ng mga bayarin,” dagdag ng Anakbayan.

Nagbanta ang kabataan at mag-aaral ng mas malalaking protesta laban sa administrasyong Aquino bago ang pasukan upang pigilan ang pagtaas ng matrikula.