Editoryal

Kalunus-lunos na estado


Walang dapat na ipagmalaki si Aquino pagsapit ng araw ng SONA.Tiyak na papaunti na ang naniniwala sa kanyang paghahambog. Ramdam ng mga mamamayan ang paghihirap at pagsasamantala sa kanila ng iilang kinikilingan ni Aquino. Ito ang pinakamalakas na testamento ng kalunus-lunos na State of the Nation ng Pilipinas

Dibuho ni Leonilo Doloricon
Dibuho ni Leonilo Doloricon
Dibuho ni Leonilo Doloricon

Nasa tuwid na daan na ang Pilipinas! Bumubuti na ang ekonomiya! Aahon na tayo sa kahirapan!

Ito ang magandang balitang laman ng talumpati ng lahat ng presidenteng tumuntong sa entablado ng Kongreso para sa kanilang State of the Nation Address (SONA). Ito rin ang inaasahang ibubuladas ni Pang. Benigno Aquino III sa harap ng bayan, sa Hulyo 23. Pero ang masamang balita: hindi ito totoo. Hindi tuwid ang daang binabagtas ng administrasyon ni Aquino. Hindi bumubuti ang ekonomiya. At sa kasalukuyang pamamalakad at sistema, hindi tayo aahon sa kahirapan.

Sa totoo lang, wala namang pinag-iba talaga si Aquino sa nakaraang mga presidente. Kahit sa kanyang nakaraang dalawang SONA, walang pinag-iba si Aquino: Tulad ng iba, tulad ni Arroyo,  ibinida niya ang kanyang sariling administrasyon. Ibinandera niya ang “kawastuhan” daw ng landas na tinatahak niya patungong “kaunlaran.” Binatikos niya ang mga bumabatikos sa kanya.

Inaasahang ipagyayabang ni Aquino ang pagpapatalsik kay Renato Corona bilang Chief Justice ng Korte Suprema. Pero kung di ka pinanganak kahapon at di ka taga-Akbayan, tiyak na di ka maniniwalang nasugpo na ang korupsiyon, o kahit nahuli na ang “big fish” nang matanggal si Corona. Kung mayroon mang tagumpay na nakamit sa pagpaptalsik kay Corona, nabalewala ito dahil nakonsolida naman ni Aquino ang kanyang kapangyarihan sa ehekutibo at lehislatibo. At kalauna’y mapupuno na rin ni Aquino ng appointee niya ang hudikatura. Hindi ba ganito ang kahulugan ng diktadura?

Sa simula pa ng impeachment, malinaw nang galit sa desisyon ng Korte Suprema na bawiin sa mga Cojuangco ang Hacienda Luisita ang nagtulak sa Pangulo na puruhan si Corona. Sa akto ng desperasyon at sa pangungunyapit sa puwesto, nagmatigas si Corona sa usapin ng Luisita. Sa maikling panahon, nagawa pa ni Corona na yugyugin ang reaksiyonaryong liderato ni Aquino at naghaharing sistemal piyudal sa pagbatikos sa rehimen ng “asenderong pangulo.”

Kung tutuusin, ito ang tunay na korap na pulitika: ang pagkiling ni Aquino sa interes ng kanyang pinagmulang uri.

Samantala, inaasahang ibabandera rin ni Aquino sa SONA ang pagkamit ng 6.4 porsiyentong pagtaas daw sa Gross Domestic Product sa unang kuwarto ng taong 2012. Pero sino ba ang nakararamdam ng “kaunlarang” ito? Hindi siyempre ang mayorya ng mga mamamayan.

Hindi ang milyun-milyong manggagawa at mamamayang walang trabaho, na tumaas nang 7.2 porsiyento noong 2011 kumpara sa 7 porsiyento noong 2010. Hindi ang 15 milyong Pilipino na natulak na mangibang-bansa para may maipakain sa pamilya. Hindi ang mahigit kalahati sa mga Pilipino na ayon sa Social Weather Station noong Hunyo ay mahihirap ang turing sa sarili.

Kung mayroon mang nakaramdam ng “pag-unlad”, ito’y ang mga dayuhang kapitalista at burges kumprador na nagpapakasasa sa tumataas nilang kita habang pinananatiling barya ang sahod ng mga manggagawa. Ito’y ang mga panginoong maylupa na patuloy ang saya dahil protektado ang kanilang monopolyo sa lupa sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform, Extended with Reforms (Carper) na personal na sinuportahan ni Aquino.

Ramdam ang “kaunlarang” ito ng 40 “pinakamayayamang Pilipino” na, ayon sa Forbes Magazine, ay kumita nang $47.4 Bilyon noong 2011, mula sa $13 Bilyon noong nakaraang taon. Lalo nang hindi ang mga tulad nina Henry Sy at Lucio Tan, at 13 iba pang bilyonaryo sa Pilipinas. Ayon sa Ibon Foundation, katumbas ng yaman ng 25 pinakamayayamang Pilipino na $21.4-B ang kabuuang yaman ng tumataginting na 11.1 milyong pinakamahirap na Pilipino.

Ramdam rin ng gobyernong US ang “pag-unlad” na ito. Umabot sa $2.5-B ng investments ang ipinangako sa bansa ng mga kompanyang US at UK matapos ang pagbisita ni Aquino sa naturang mga bansa noong nakaraang buwan. Pero lumalabas na walang benepisyo para sa mga mamamayan ang pangakong investments na ito: Malinaw na hindi para sa pag-iindustriyalisa sa bansa ang naturang mga investment, kundi para lalong magkamal ng kita ang mga dayuhang kompanyang ito mula sa murang lakas-paggawa at makakuha ng hilaw na materyales tulad ng mga produktong mina.

Mangyari pa, kapalit ng naturang investments ang ibayong pangangayupapa ni Aquino sa utos ng US, na gustong magpalakas ng presensiyang militar sa Asya Pasipiko. Hangarin ng US na dominahin ang pangangalakal sa naturang rehiyon sa kabila ng lumalakas na impluwensiya at pagnenegosyo ng China sa rehiyon.

Samantala, madalas ding ibinibida sa SONA ng nakaraang mga Pangulo ang nagawa nila sa pakikipagnegosasyong sa National Democratic Front. Sa usaping ito, tila inihahabol ng negotiating panel ng gobyerno na maipagpatuloy ang negosasyon, kahit na di pormal na usapan kundi “meaningful discussions.” Tiyak na ibibida ito ni Aquino sa SONA. Pero wala siyang maibabalitang “tagumpay” sa larangan ng negosasyong pangkapayapaan, sa pagitan man nito at ng NDF, o kahit ng Moro Islamic Liberation Front. Nababalam ang negosasyon, dahil mismo sa hindi seryosong pagharap ng gobyernong ito ang mga usaping nakakabalakid sa usapang pangkapayapaan. Sa kaso ng NDFP, hindi pa rin ito nagkokomit na magpalaya ng mga bilanggong pulitikal, laluna ng mga bilanggong konsultant ng NDFP, sa kabila ng mga pangako nito.

Sa pagharap sa NDFP, tumatangging magpalaya ang gobyerno ni Aquino ng iba pang mga dinakip at ikinulong nitong konsultant ng NDFP, taliwas sa obligasyon nito sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (Jasig) at komitment nito sa February 2011 Oslo Joint Agreement. Tinangka pa nitong baliktarin at balewalain ang mga mayor na kasunduang pinirmahan nito mula noong 1992. Higit sa lahat, patuloy itong nagpapatupad ng mga patakaran at programa na nakasasama sa interes ng mga mamamayang Pilipino at Moro, at tumatanggi sa pagsasagawa ng anumang makabuluhang repormang pang-sosyoekonomiko at pampulitika.

Kung kaya walang dapat na ipagmalaki si Aquino pagsapit ng araw ng SONA.Tiyak na papaunti na ang naniniwala sa kanyang paghahambog. Ramdam ng mga mamamayan ang paghihirap at pagsasamantala sa kanila ng iilang kinikilingan ni Aquino. Ito ang pinakamalakas na testamento ng kalunus-lunos na State of the Nation ng Pilipinas.