Kaso ni Leonard Co, wala pa ring linaw matapos ang dalawang taon
“Ang bawat araw na dumaan na hindi nareresolba ang kaso ay araw ng kawalang hustisya para sa mga kaanak ng mga biktima sa pagmasaker sa Kananga.” Ito ang sinabi ni Giovanni Tapang, convenor ng Justice for Leonard Co Movement, sa isang piket-protesta sa harap ng Department of Justice (DOJ) kaalinsabay ng ikalawang taon ng pagpaslang […]

“Ang bawat araw na dumaan na hindi nareresolba ang kaso ay araw ng kawalang hustisya para sa mga kaanak ng mga biktima sa pagmasaker sa Kananga.”
Ito ang sinabi ni Giovanni Tapang, convenor ng Justice for Leonard Co Movement, sa isang piket-protesta sa harap ng Department of Justice (DOJ) kaalinsabay ng ikalawang taon ng pagpaslang kina Leonard Co, isang kilalang botanist at mga kasamahan niyang sina Sofronio Cortez at Julius Borromeo.
Napatay ng mga elemento ng 19th Infantry Batallion (IB) ng Army ang tatlo noong Nobyembre 15, 2010. Nag-iimbentaryo ng katutubong mga puno na bahagi ng programa ng Energy Development Corporation nang pagbabarilin ng mga sundalo ng 19th IB.
Sa kabila ng pagkakaroon ng indipendyenteng fact finding mission ng mga grupong makakalikasan at pangkarapatang pantao, imbestigasyon ng Commission On Human Rights (CHR) at pagdinig ng DOJ sa reklamong isinampa ng mga kaanak ng mga biktima noong Enero 2011, di pa rin nasasampahan ng kaso ang mga sundalo.
Patuloy pa ring iginigiit ng mga militar na ang naganap ay isang lehitimong engkuwentro sa pagitan ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) at ng mga elemento ng 19th IB.

Iginigiit naman ng mga kaanak at iba’t ibang grupo na makakalikasan na walang engkuwentrong naganap. Bagkus, ang mga biktima’y napagkamalang rebeldeng NPA.
Ayon kay Tapang, hanggang ngayo’y di pa rin ipinapalabas ang resolusyon ng DOJ hinggil sa kaso at walang isinasampang kaso laban sa mga militar na nasasangkot sa kaso.
“Ginawa na namin ang lahat ng paraan para hikayatin ang mga ahensiyang humahawak sa kaso para mapabilis ang pagbibigay ng resolusyon,” aniya.
Sinabi pa niya na ang paglitis sa mga akusado ang tanging makakaluwag sa kalooban ng mga kaanak ng biktima.
Sinamapahan ng reklamo sa DOJ sina 1st Lt. Ronald Odchimar, 2nd Lt. Cameron Perez, Cpl. Marlon Mores, Private 1st Class Michael Babon, Private 1st Class Elemer Forteza, Private 1st Class Roger Fabillar, Private 1st Class Gil Guimerey, Private 1st Class Alex Apostol, at Private 1st Class William Bulic, kasama ang 28 iba pang miyembro ng 19th IB.
Kasabay ng protesta, ipinarating din ng grupo ang nakaka-alarmang bilang ng mga biktima ng pamamaslang, kasama na ang mga makakalikasan.
Ayon kay Cristina Guevarra, pangkalahatang kalihim ng Hustisya, aabot na sa 114 ang biktima ng pampulitikang pamamaslang sa ilalim ng administrasyong Aquino.
Nangangamba din si Guevarra na ang pagkabinbin ng resolusyon sa kasong isinampa ay papabor sa mga militar.